Kapag panahon ng sipon at trangkaso, hindi nakakapagtaka na maraming may sore throat sa paligid; sa opisina maging sa mga paaralan. Lalong lalo na sa mga bata na pinakamadaling kapitan ng ganitong sakit, ayon sa Mayo Clinic. Narito ang mga bagay na kailangang malaman ng mga magulang tungkol sa sakit na tonsillitis at kung paano mo mabibigyan ng ginhawa ang iyong anak kung masakit ang kanyang lalamunan:
Anong sanhi ng sore throat
Ayon sa BabyCenter, ang pinakakaraniwang sanhi ng pananakit ng lalamunan ay isang viral infection tulad ng sipon o flu. Isa ito sa mga una nilang mararamdaman, at maari mong mapansin na meron na nito ang iyong anak, na masusundan pa ng mas malalang sintomas ng sipon at trangkaso tulad ng lagnat at pananakit ng katawan.
Ang isa pang maaring sanhi ng sore throat ay bacterial infection, at ayon sa Mayo Clinic, ang pinaka-karaniwan rito ay ang streptococcus (strep). Pwede rin itong manggaling sa ubo. Kalimitan, pwede ring magdulot ng sakit sa lalamunan ang pagkakaroon ng tigdas, bulutong at croup.
May mga ilang kaso rin na ang sanhi ay hindi mula sa infection, kundi sa mga irritant na dala ng hangin. Maaring sensitibo ang iyong anak sa alikabok, pollen, usok o balahibo ng mga hayop tulad ng aso o pusa. At kapag nasagap niya ang mga ito, pwede siyang magkaroon ng mala-sipon na allergic reaction tulad ng pagbahing, matinding sipon at pananakit ng lalamunan.
Kung ganun, ano ang pagkakaiba ng tonsillitis at sore throat? Sa madaling salita, ang sore throat ay pananakit, pangangati o pagka-irita ng lalamunan. Nangyayari ang tonsillitis kung isang tissue sa paligid ng lalamunan ng iyong anak ay namamaga, na hindi lang nagdudulot ng pananakit at pangangati, kundi pati pagkamaga ng tonsils at hirap sa paglunok. Kadalasang nagkakaroon ng tonsillitis kapag merong infection at mas karaniwan ito sa mga bata.
Paano gagamutin at kailan dapat pumunta sa doktor
May kakayahan ang ating katawan na labanan ang viral infection, kaya sa mga sore throat na sanhi ng isang virus tulad ng sipon o flu, kadalasang nawawala lang ito ng kusa. Pero kung bacterial infection ang sanhi nito, maaring kailangang gumamit ng antibiotic, depende sa payo ng isang doktor.
Pumunta sa isang pediatrician na makakapagsabi kung ang infection sa katawan ng iyong anak ay viral o bacterial, at kung ang lalamunan ng iyong anak:
- Ay mapula o namamaga
- May nakikitang nana
- Nagdudulot ng hirap sa paglunok o paghinga
- Nagsasanhi ng paninigas ng leeg
- May kasamang mataas na lagnat
- Tumatagal ng higit sa isang linggo
Kadalasan, ang pagkakaroon ng sore throat ay hindi nakakabahala o nagiging dahilan para pumunta sa emergency room. “The only throat condition that's truly an emergency is epiglottitis, which is now extremely rare, thanks to the Hib vaccine,” sabi ng BabyCenter. (Ang natatanging sakit sa lalamunan na maituturing na kailangan ng agarang lunas ay epiglottitis, na bihira na ngayon, salamat sa Hib vaccine.) Ang Epiglottitis ay infection ng flap o bahagi ng lalamunan na nagiging dahilan para maging mahirap ang paglunok o paghinga. Maari itong magdulot ng mataas na lagnat, garalgal na paghinga at paglalaway. Tumawag agad ng doktor kung napapansin mo na merong mga sintomas na ganito ang iyong anak.
Paano magkakaroon ng ginhawa kung may sore throat
Dahil ito ay makati at masakit, maaring magdulot ito ng masamang pakiramdam sa iyong anak. Pwede mong maibsan ang pangangati at pananakit sa pamamagitan ng pagbigay sa kanya ng maligamgam na inumin na makakatanggal ng sakit. Subukan ang maligamgam na tubig o kaya tsaa na may kasamang lemon. Makakatulong rin ang pagkain ng mga malalamig na pagkain tulad ng ice cream, popsicle, o malamig na tubig o juice. Iwasan ang mga pagkaing may citrus tulad ng calamansi, at orange juice na lalong makakairita ng lalamunan ng iyong anak.
Kung kaya nang magmumog ng iyong anak, gumawa ng homemade mouthwash na may maligamgam na tubig (200 mL), asin (1/4 hanggang ½ kutsarita). Kung labis na nahihirapan ang iyong anak dahil sa kanyang lalamunan, tanungin ang iyong doktor kung pwede mong bigyan ng paracetamol si baby, o kaya mga throat lozenges.
Pwede ka ring gumamit ng humidifier para makatulong at mapabilis ang paggaling ng sipon at sore throat ng iyong anak. Huwag ring kalimutang painumin siya ng maraming tubig.
Para sa iba pang katanungan tungkol sa tonsillitis at sa kalusugan ng iyong anak, huwag magdalawang-isip na lumapit sa doktor.
Mga pinagkunang source: Mayo Clinic 1, Mayo Clinic 2, BabyCenter, KidsHealth, NHS