Lahat tayo ay may kani-kaniyang pangarap na bahay, maliit na apartment man o mansyon na may maraming kwarto. Nagsisikap tayong magtrabaho at mag-ipon para makamit ito para sa ating mga pamilya.
Siguradong magbibigay ng inspirasyon ang kuwento sa likod ng magandang tahanan na ito sa San Mateo, Rizal. Ang may-ari ng 300 sqm na bahay na ito ay anak na babae ng isang dating jeepney driver. Dati siyang nagtatrabaho sa isang fastfood restaurant. Patunay ang bahay na ito na maaaring makamit ang mga pangarap kung ibubuhos ang puso sa mga ginagawa. Sa tulong ng mga kamag-anak, nakapagbukas ang may-ari ng sarili niyang salon. Naging daan ito para makapag-ipon siya ng pampatayo ng pangarap niyang bahay.
Silipin ang nakakabilib na bahay na ito:
Harapang Pintuan
Si Renato Carpio ang arkitekto, at si Nikki Bustos naman ang contractor na kinuha ng may-ari upang itayo ang pangarap niyang bahay. Moderno ito, malilinis ang mga kanto, neutral ang kulay ng mga muwebles, at parang malugod na tinatanggap ang lahat ng papasok.
Sala
Dahil gusto ring maging interior designer ng may-ari, siya mismo ang pumipili ng materyales at muwebles, at nagpapasya ng kabuuang itsura ng bahay. Sa sala, ang unang mapapansin ang malalaking mga upuan — pwedeng dito paupuin ang mga bisita. Ang kulay dilaw at iba’t-ibang gamit na gawa sa kahoy ay nakakadagdag ng sigla sa lugar na karamihan ay puro neutral colors.
Kainan
Bukas ang sala, kainan, at kusina. Kapag ganito ang ayos ay nagmumukhang mas malaki at maluwag ang bahay. Kitang-kita rin ang pagiging maaliwalas ng lugar. Napili ng may-ari ang isang mesang gawa sa Dao na gawa ni Aida Flores bilang hapag-kainan, at mga kulay puting silya na Eames-inspired.
Kusina
Mukhang maliit ang kusina, ngunit hindi mahirap magluto rito dahil sa maluluwag na mga istante at patungan. Kumpleto ito sa appliances, at maaaring magmerienda o mag-almusal dito nang nakaupo sa mga bangkito at gamit ang ibabaw ng mga istante bilang kainan.
Family Room
Sa laki at lokasyon ng bahay na ito, pwede rin itong maging isang retirement home. Sinigurado ng may-ari na mayroong sapat na dami ng mga kuwarto para magkasya ang kaniyang mga kaibigan at kamag-anak. Magandang pumunta sa family room na ito para magsiesta, magbasa, o manood ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon.
Banyo
Plano ng may-ari na gawin niyang silid-tulugan ang family room kapag nag-retire na siya. Dahil dito, pinili niyang magkaroon ng en suite na banyo, o banyo na konektado sa tulugan, para maging komportable at madali para sa kaniya. Simpleng carpet at mga disenyo sa dingding lamang ang makikita rito, at may kahoy na istante na kasya ang lahat ng kinakailangan niyang gamit.
Master Bedroom
Kalmado ang kwarto at tamang-tama para sa isang mahimbing na tulog. Ang kama ay gawa sa kahoy at para itong nang-aanyayang humiga. Mayroon ding komportableng silya kung saan maaaring umupo at magbasa, at malambot na patungan ng paa. Pumapasok ang natural na ilaw sa malalaking mga bintana kaya hindi na kailangang buksan ang mga ilaw sa umaga. Sa gabi, mararamdaman mong para kang nasa gitna ng kakahuyan sa dami ng mga puno at halaman sa labas.
Master Bathroom
Kitang kita sa banyong ito ang kasabihang, “There’s beauty in simplicity (Ang simple ay maganda).” Hindi na naglagay ang may-ari ng masyadong maraming palamuti. Mas binigyan niya ng halaga ang pagkakaroon ng lugar para sa mga gamit at ng maluwag na espasyong pwedeng galawan. Tulad ngmkabilang banyo, may mga istante rin ito na nakakabit sa dingding. Sinundan niya ang modernong tema at naglagay ng shower area na napapaligiran ng salamin.
Guest Bedroom
Naglagay ng mga pull-out na kama ang may-ari para maraming bisita ang makatulog dito. Kasya ang apat hanggang anim sa kwartong ito na may mga gamit na gawa sa kahoy at masasayang kulay.
Lanai at jacuzzi
Napakagandang pwesto ng lanai para mag-almusal o magkape. Kitang-kita ang magandang tanawin sa labas. Nakakapawi rin ng pagod ang paglublob sa jacuzzi na napapaligiran ng mga puno at ng ganda ng kapaligiran.
Additional na impormasyon mula kay Therese Dehesa. Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa The Daughter of a Former Jeepney Driver Built This House Inspired by Nature





