Sa unang sabak ng siyam na taong gulang na si Bince Rafael Operiano mula sa Busac, Oas, Albay sa isang international chess competition na ginanap sa Thailand, nag-uwi na ito ng gintong medalya. Ano kaya ang sikreto niya?
Sa eksklusibong panayam ng Smart Parenting kay Ben Operiano, 46, ama ni Bince, kinwento niya na nagsimulang mahilig sa larong chess ang kanyang anak noong limang taong gulang pa lamang ito.
"Nahilig po yung anak ko sa chess sa pamamagitan po ng paggabay ko sa kanya at pagsuporta," sabi ni Ben. "Na-start ko po siyang maturuan, umiiyak siya pag wala siyang kalaban, at the age of 5 years old. Libang-libangan lang hanggang sa nagkatotoo na."
Sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo noong October 25 kina Ben at Bince, nakasali ang batang atleta sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand noong November 4, matapos nitong manalo bilang Grand Champion sa Boys Under 9 category ng National Youth and Schools Chess Championships Grand Finals sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ibinahagi ng ama ni Bince ang mga sakripisyo ng kanilang pamilya para makamit ang panalong ito.
"Sinuportahan ko po siya kasi pinagpalit ko yung trabaho ko para masamahan ko siya sa mga training niya, sa tune up niya. Hindi po ako nagtrabaho, pinagpalit ko po yung trabaho ko para lang po sa kanya."
Dating security guard si Ben sa isang pamantasan, at sa ngayon, ang kabuhayan nila ay ang kanilang maliit na tindahan.
BASAHIN: How to Be a Fantastic Parent to an Artistic Child: Follow His Lead
Kuwento ni Ben, muntik pang hindi siya makasunod sa Thailand para samahan si Bince dahil wala pa itong tiket. "Bumiyahe po kami ng Bicol papuntang Maynila nang walang kasiguraduhan, ako po walang ticket, may naipon po kami pero hindi sapat." Pasalamat na lamang niya sa mga pulitiko na nagpaabot ng tulong sa kanya.
Sa Bangkok, Thailand, nahirapan raw si Bince sa ikalawang laban nito dahil wala pa ang kanyang tatay na siyang nagturo sa kanya. "Kahit na po kargado kami sa training, yung loob ng bata, syempre walang katabing magulang, akala niya hindi ako susunod. Sa una, nanalo siya. Sa pangalawa, umiiyak na po siya. Natalo po siya."
Dagdag pa niya, "Dapat kasama ang magulang. Kasi sila po ang pinaghuhugutan ng lakas ng anak nila."
PANOORIN: Student Plays Piano During Recess to Help Brighten Other Students' Day
Kaya naman nang manalo ng gintong medalya ang kanyang anak, laking tuwa ni Ben. "Syempre masaya, unang-una nagpapasalamat sa panginoon na siyang tunay na gumabay sa amin."
May payo si Ben sa mga magulang na nakikitaan ng potensyal o galing ang kanilang mga anak.
"Suportahan nila ang kanilang mga anak sa kanilang mga pangarap. Kapalan po nila ang kanilang mukha, kasi po kung hindi ko kinapalan ang mukha ko, hindi mararating ito ng anak ko. Unang-una po talaga, pinansiyal ang kailangan namin, pursigido ka dapat, patatagin ang sarili.
Dagdag pa niya, "Umiwas sa bisyo, maging ehemplo sa anak."
Pinagsasabay raw ni Bince ang pag-aaral at training niya. Grade 3 na siya ngayon. May dalawa pang anak si Ben na parehas ding nahihilig sa chess.
Heto naman ang mensahe ni Ben sa kanyang future chess master, "Alam naman niya na susuportahan ko siya hanggang sa aking makakaya, salamat sa mga tumutulong, sobrang dami po ng tumutulong, maraming salamat po."
Hiling naman ni Ben, sana mas lumawak ang pang-unawa ng mga tao lalo na sa mga batang atleta na galing sa mahihirap na pamilya, "Maunawaan po sana na pag nag-so-solicit, pang-unawa at pagkakaisa po ang kailangan."
Imbis na maglaro ng video games, gumawa ng sarili nilang video games ang dalawang teenagers na ito.