OFW ka ba at naghahanap ng housing loan? O stay-at-home mom na medyo hirap na sa pagba-budget? Self-employed na nagigipit? Employed ngunit nagkasakit? Baka makatulong ang SSS sa iyo.
Ayon sa mga eksperto sa usaping pinansyal, ang inflation ngayong taon ay nasa 5.6% kaya’t hindi na nakapagtatakang napakaraming Pilipino ang hirap na hirap maitawid lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Sa hirap ng buhay, kailangang maghanap ng iba’t ibang mapagkakakitaan at maging bukas sa lahat ng uri ng tulong na matatanggap kaya’t ang pagiging permanenteng miyembro ng Social Security System o SSS ay mainam na maipaliwanag nang mabuti sa lahat ng Pilipino.
Itinatag noong 1957, ang Social Security System (SSS) ay ahensyang independent at awtorisado ng gobyerno ng Pilipinas upang magbigay sa mga mamamayan ng iba't ibang benepisyo. Kabilang sa mga benepisyo ang sumusunod:
- Sickness
- Maternity
- Retirement
- Disability
- Death
- Funeral
Malaking tulong ang pagiging miyembro at ang pagkuha ng SSS ID upang magka-access sa medikal o healthcare services sa tulong ng gobyerno at Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth. Maaaring makakuha ng daily cash allowance kapag nagkakasakit ang empleyado. May pondo rin para sa mga miyembrong buntis at manganganak, magreretiro, o may kapansanan o disability. Sa SSS, maaari ding makakuha ng loans (salary, calamity, at emergency), kagaya ng housing loan, at iba pang pinansyal na suporta. Paano nga ba maging miyembro ng SSS?
Sino-sino ang maaaring maging miyembro ng SSS?
Ang mga manggagawa at empleyado sa pribado, propesyonal, at informal na sektor, kasama na rin ang ating overseas Filipino workers (OFWs) ay dapat na maging miyembro ng Social Security System (SSS). Maaari nang maging miyembro ang labinlimang (15) taong gulang kaya kahit ang anak mo ay maaari mo nang i-register dito kapag umabot na siya sa ganitong edad.
Paano ba maging miyembro ng SSS?
Maaaring maging miyembro sa pamamagitan ng pagpaparehistro, pagpasa ng personal na impormasyon, paglilista ng beneficiaries, at pagbabayad ng buwanang kontribusyon sa SSS. Naiipon ang mga kontribusyong ito at ang future benefits ay based sa mga kontribusyon ng miyembro.
Tandaang hindi kailangang employed ang miyembro ng SSS. May tinatawag na compensation income at self-employment at nasa ilalim ito ng Compulsory coverage. Maaari ding magbigay ng voluntary contributions sa ilalim ng Voluntary coverage. Halimbawa sa mga nagbabayad nang voluntary ang non-working spouse, dependents, at iba pang unemployed individuals. Siguraduhin lamang na makapagpapasa ng hinihinging mga dokumento upang makakuha ng SSS number at ID at mayroong stable na source ng funds na ibabayad sa SSS bilang kontribusyon buwan-buwan.
Paano mag-register at makakakuha ng SSS number?
Bago makakuha ng SSS ID, unang kukunin ang SSS number. Sundin lamang ang mga hakbang na ito:
- Bumisita sa SSS branch o kiosk sa inyong lugar. Kailangang magdala ng mga pruweba o proof of identity, edad, at tirahan.
- Sagutan ang form na ibibigay. Siguraduhing wasto at totoo ang mga detalyeng ibibigay dahil dito rin nakabase ang iyong mga kontribusyon at benepisyo.
- Ipasa sa SSS ang hinihingi nilang mga dokumento.
Kung walang oras para pumila sa pinakamalapit na SSS branch, maaari na ring mag-apply para sa SSS number online:
- Bisitahin ang SSS website. I-click ang NO SS NUMBER YET? APPLY ONLINE!
- Maingat na sagutan ang online form. Siguraduhing wasto at totoo ang ilalagay rito. I-clik ang Submit. Makatatanggap ka ng link sa iyong registered email.
- Pagkatapos i-click ang link, punan ng impormasyon ang online form mula sa Basic Information hanggang sa Beneficiaries Information.
- Rebyuhin nang mabuti ang lahat ng impormasyong inilagay sa form.
- I-click ang Generate SS Number na button. Hintayin ang numero at ang opsyon na i-print ang ePersonal Record Form at SS Number slip. Makatatanggap ka rin ng email na nagkukumpirma ng iyong SS Number at may kalakip na kopya ng SS Number slip, at iba pang kailangang gawin upang makumpleto ang iyong aplikasyon.
- I-print ang mga natanggap mula sa SS Number Issuance System: ePersonal Record Form, SS Number slip, SS Number application Confirmation email body
- Pumunta sa pinakamalapit na SSS Branch upang ipasa ang printed records kasama ang iba pang mga required na dokumento.
- Kung ikaw ay kasal, dalhin ang iyong Marriage Contract/Certificate. Kung mayroong anak/mga anak, dalhin din ang kopya ng birth certificate. Kung non-working at may asawa, kailangang papirmahin ang working spouse sa printed ePersonal Record Form. Ito ang kukumpirmang sumasang-ayon ang asawa sa SSS Membership. Tandaan ding Temporary ang status ng miyembro hangga't hindi pa kumpleto ang required documents. Ang loans at benefits ay para lamang sa mga miyembrong may Permanent status. Kapag may SSS number ka na, madali na lamang makakuha ng SSS ID.
Bilang karagdagang kaalalaman, bago pa magkaroon ng UMID, ang sumusunod ang hinihingi para magkaroon ng SSS ID:
- Isang Primary ID
- valid email address
- machine validated E1 Form (karaniwang kulay pink)
- isang buwang kontribusyon sa SSS
Tandaang magkaiba ang SSS ID at UMID. Kulay asul ang naunang SSS ID bago itong maging UMID at hindi na ito available ngayon.
Ang Unified Multi-Purpose Identification (UMID) ay four-in-one ID card na rin kaya't praktikal na magkaroon nito. Ang UMID ay valid ID na nagsisilbing single identification card para sa lahat ng miyembro ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Home Development Mutual Fund (HDMF or Pag-IBIG Fund), at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ating bansa. Ipinakilala ito sa mamamayan noong 2011 at itinuturing na de facto SSS ID. Para maging mas hassle-free para sa mga miyembro, nagsisilbi na ring disbursement account ang Pay Card para sa pag-withdraw ng SSS o GSIS benefits at loans. Maaari ding magamit ang card upang makita ang SSS contributions, ma-check ang loan status at balance, at makita ang iba pang impormasyon kapag nasa iba't ibang SSS branches.
Ngayong taong 2023 sinimulang gamitin ang Pay Card, sa pakikiisa ng Unionbank. Para maiwasang mabiktima ng fixers, narito ang komprehensibong gabay sa pagkuha ng SSS UMID ID Pay Card.
Sino-sino ang maaaring kumuha ng UMID card?
- SSS member na may isa o higit pang posted contribution
- Nawalan o nanakawan ng SSS ID o UMID card
- Magpapa-update ng UMID dahil sa pagbabago sa pangalan o corrections sa personal data
- Mag-a-upgrade ng regular UMID sa UMID-ATM card
- Magpapalit ng lumang SSS ID at kukuha ng UMID card
Ano-ano ang requirements para makakuha ng SSS UMID ID Pay Card?
Para makakuha ng SSS UMID Pay Card, kailangang ikaw ay Filipino citizen, miyembro ng kahit isa sa SSS, GSIS, PhilHealth, o Pag-IBIG Fund, at walang existing UMID card.Makatutulong ding ihanda ang certified true copy ng sumusunod:
- Dalawang valid IDs (na may pirma at retrato mo) Halimbawa: passport, driver's license, PRC ID, voter's ID, seaman’s book
- Kopya ng birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA)
- Kung kasal na, kailangan ng kopya ng marriage certificate mula sa PSA
Tandaang sakaling mag-upgrade mula regular UMID gamit ang website ng SSS, posibleng makatatanggap din ng mensaheng This option is targeted for specific UMID card applicants. Makatutulong kung magpapadala ng mensahe sa SSS para sa karagdagang impormasyon.
Ano-ano ang mga Primary ID?
Para sa first-time pa lang na kukuha ng UMID:
- Philippine Passport
- Driver’s License
- Seafarer’s Identification and Record Book (Seaman’s Book)
- Professional Regulation Commission (PRD) ID
Para sa magpapapalit o upgrade, kailangang dalhin ang UMID o ang lumang Social Security Card.
Paano kung wala akong primary ID?
Kung wala ka ng kahit isa sa mga ito, maaari ding magpasa ng dalawang secondary IDs:
- Postal Identity Card
- School o Company ID
- Taxpayer's Identification Number (TIN) Card
- Membership card mula sa pribadong kompanya
- Overseas Worker Welfare Administration Card
- Senior Citizen Card
- Voter's Identification Card/Affidavit/Certificate of Registration
- ATM Card: with the cardholder's name OR with certification from the bank, if without a name
- Credit card
- Fisherman's card mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)
- GSIS Card/Member's Record/Certificate of Membership
- Health o Medical Card
- ID card mula sa LGUs
- ID Card mula sa professional associations na kinikilala ng PRC
- Permanent Residency Card
- Birth Certificate
- Baptismal Certificate
- Marriage Contract
- NBI Clearance
- Pag-IBIG Member's Data Form
- Permit to Carry Firearms Outside of Residence
- PHIC Member's Data Record
- Police Clearance
- Seafarer's Registration Certificate issued ng Philippine Overseas Employment Authority (POEA)
- Temporary License issued by Land Transporation Office (LTO)
- Transcript of School Records
- Alien Certificate of Registration
- Bank Account Passbook
- Certificate mula sa Office of the Southern/Northern Cultural Communities at/o Office of Muslim Affairs
- Certificate of Licensure/Qualification Documents/Seafarer's ID & Record Book from Maritime Industry Authority
- Life Insurance Policy
- Birth/Baptismal certificate of children or its equivalent
Mas Pinasimple, Mas Pinadali, Mas Pinabilis
Ayon sa SSS, mas pinasimple, pinadali, at pinabilis na ang kanilang sistema. Tulad din ng iba pang sangay at ahensya ng gobyerno, mayroon na itong website at app. Eksklusibo at online service portal ang My.SSS kung saan garantisadong ligtas ang contributions at membership records ng members.
Maaari na ring magpasa ng applications o mag-set ng appointments sa SSS servicing branch online basta't nakapagrehistro upang magamit ang portal.
Sundin lamang ang mga hakbang na ito para makakuha ng ID:
I. Online Appointment System
- Mag-log in sa portal. Puntahan ang Member Info section. I-click ang Appointment System na opsyon.
- Punan ang required na impormasyon, piliin at ipasa ang oras na available ka para sa appointment.
- Tandaang kahit online ang pag-set ng appointment, kailangan mo pa ring pumunta sa pinakamalapit na branch ng SSS.
II. Branch Walk-in
- Bisitahin ang branch ng SSS na may ID enrollment facility. Inirerekomenda ring sumunod sa mandatory branch number coding system. Mayroon itong assigned na specific appointment days based sa ika-10 numero ng SSS Employer (ER) ID Number o sa huling numero ng iyong SSS number. I-check ang coding system guidelines sa branch na pupuntahan.
- Katulad ng aplikasyon para sa SS Number, kailangan pa rin ang isang (1) primary o dalawang (2) secondary IDs. Ipakita ito sa personnel.
- Sagutan ang SSS ID card application form. Gumamit ng asul o itim na tinta sa pagsagot at maglagay ng N/A kapag non-applicable ang impormasyon. Magsulat gamit ang CAPITAL o malalaking letra. Ipasa ang form kasama ang IDs.
- Magpakuha ng larawan at biometrics katulad ng pirma at fingerprints. Sundin ang guidelines mula sa SSS kagaya ng pagsusuot ng collared T-shirt o blouse at pagtanggal sa accessories at/o mga alahas kapag nagpapakuha na ng retrato.
Ilang Paalala
- Siguraduhing updated ang iyong pangalan at iba pang personal na impormasyon sa SSS database.
- Maaaring makita ang status ng SSS ID application online sa My.SSS o sa pamamagitan ng pagtawag sa SSS hotline at pagpunta sa branch kung saan ka nag-apply. Kapag online, sundin lamang ang instructions at maaari ding i-link ang card sa iyong online My.SSS account.
- Ipinapadala ang SSS UMID Pay Card via mail o courier service. Siguraduhing mayroong tatanggap nito at agad ding i-activate ang card sa SSS branch o sa SSS website. Mayroon ding pinadadalhan ng notification kapag maaari nang kunin ng miyembro ang kanyang ID sa SSS branch. Nasa 30-45 araw bago ito matanggap. Maaari din itong mabago depende sa dami ng aplikasyon at iba pang dahilan.
Talagang mas convenient na ngayon dahil sa online registration at mas may access ka pa sa mga impormasyon tungkol sa mga kontribusyon, benepisyo, at loans mo.
Talaga namang malaking tulong kung miyembro ka na ng SSS. At sa oras na miyembro ka na nito, tulungan din ang pamilya at mga kaibigan na maging miyembro ng SSS at mag-upgrade ng card. Valid ID ito at tinatanggap sa lahat ng opisina, mapa-gobyerno man o pribadong mga institusyon at establisyamento. Wala rin itong expiration date at nagsisilbing maaasahang paraan upang makilala ang isang indibidwal. Bonus na lamang na ATM card na rin ito ngayon!
Bisitahin dito para makakuha ng form para sa UMID at dito para sa iba pang downloadable forms.
Bisitahin dito upang higit na maunawaan ang mga benepisyo ng SSS.