-
'Pay Yourself First': Paano Makaipon Ng Pera Nang Tama Sa Gitna Ng Pandemic
May tips ang isang financial adviser kung paano ito magawa.by Jocelyn Valle . Published Jun 18, 2020
- Shares
- Comments

Malaking tulong ngayong panahon ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic ang pagkakaroon ng sapat na ipon para sa mga hindi inaasahang pagkaantala sa suweldo o pagkawala ng trabaho habang nadadagdagan ang gastusin at bayarin. Kaya naman mahalaga na matutunan kung paano makaipon ng pera.
Ito ang isa sa mga paksang tinalakay sa financial wellness webinar na inorganisa ng Department of Education (DepEd) para sa public school teachers na lumahok sa pamamagitan ng Zoom Video at napanood din ng sa Facebook Live nitong Wednesday, June 17, 2020.
“Financial Management Challenges and Opportunities in the Time of Pandemic” ang titulo ng webinar, kung saan ibinahagi ng resource speaker na si Salve Duplito ang kaalaman niya sa financial sector sa nakaraang 20 years. Siya rin ang resident financial adviser ng TV program na On the Money na napapanood sa ANC cable channel.
Paano makaipon ng pera sa gitna ng pandemic
Paunang paalala ni Duplito na bagamat nagbabago ang buhay, tulad ng nasaksihan ng mundo dahil sa coronavirus outbreak, hindi nangangahulugan na malulugmok na lang tayo. May darating pa rin na mga oportunidad na magagamit natin upang bumangon muli nang mas matatag, malakas, at nagbibigay lakas sa iba pa. Itinuro niya ang ilang hakbang nang makamit ito.
1 Deal with debt
Ang una dapat na pagtuunan ng pansin ay ang pagkakautang, ayon kay Duplito. Lalo na daw iyong may kalakip na mataas na interes, tulad ng tinatawag na 5-6. Sa ganyang paraan kasi ang interes sa utang ay nagkakaroon din ng interes kaya nagkakapatong-patong at pahirapan nang bayaran.
Kung ang inutang na Php1,000, halimbawa, ay hinuhulugan kada buwan ng Php2,833.33, ang interes na binabayaran ay aabot sa Php24,000 sa loob ng isang taon. Kaya ang kabuuang halaga ng inutang ay nagiging Php34,000.
May pagkakataon daw talaga na hindi maiiwasan ang mangutang ng ganyang paraan. Pero bago gawin ito, dapat magkaroon ng plano kung paano makakabayad. Kapag kasi pinagtaguan ang mga pinagkakautang, lalo na kung kamag-anak o kaibigan, nakataya rin dito ang reputasyon at respeto sa sarili.
What other parents are reading
Ipinaliwanag ni Duplito ang Debit Payment Push Plan. Kung ang kabuuang utang ay Php35,500, hatiin ito ayon sa laki ng interes. Unahin, halimbawa, ang credit card, sumunod ang personal loan, paluwagan system, at utang mula sa kapatid. Pagkatapos, magdesisyon kung magkano ang itatabi para sa pagbabayad ng utang kada buwan.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWHalimbawa, Php5,000 ang ilaan na budget para sa credit card (Php2,000), personal loan (Php1,500), paluwagan system (Php1,000), at kapatid (Php500). Kapag natapos na ang bayarin sa credit card, ilalagay ang budget para dito sa personal loan hanggang ito naman ang matapos bayaran, sunod ang paluwagan system, at sa wakas, ang utang sa kapatid.
2 Pay yourself first
Kapag wala ng utang, sabi ni Duplito, makakapagsimula na kung paano makaipon ng pera sa pamamagitan ng pagbabayad sa sarili. Ito ang kapalit ng pagod at hirap sa pagtatrabaho.
Sa halip daw kasi na ibawas sa kita (income) ang mga bayarin (expenses) para magkaroon ng ipon (savings), ang dapat ay ibawas muna sa income ang savings bago ang expenses. Sa ganitong paraan, tiyak na magkakaroon ng ipon.
Alam ni Duplito na mahirap pagkasyahin ang matitirang budget para sa expenses dahil kadalasan ay kulang ang income. Kaya daw mag-umpisa sa abot-kayang halaga na itatabi para sa savings.
CONTINUE READING BELOWwatch nowAng halagang Php25, halimbawa, magiging Php125 pagkatapos mag-ipon araw-araw, mula Lunes hanggang Biyernes. Lalago ito sa Php500 pagkaraan ng isang buwan at aabot sa Php6,000 pagkalipas ng isang taon.
Madalas daw ipayo ng mga financial adviser sa kanilang mga kliyente na tignan ang halaga ng isang bagay o pera nang pang-isang taon (annual). Ang payo naman ni Duplito na ugaliing mag-ipon ng pera araw-araw.
Aniya, “Kung hindi ka nag-ipon sa isang araw, para kang lumabas nang hindi naligo o nag-toothbrush. Make it a habit. That’s what I call transformational habit.”
3 Learn how the pandemic shines a spotlight on risk
Hindi kauna-unahang epidemya sa mundo ang COVID-19 at hindi ito ang magiging huli. Naniniwala din si Duplito na may krisis pang darating sa hinaharap, at hindi na mababago pa iyon. Pero mababago ng tao ang paraan ng kanilang pamumuhay para maging handa sa mga panganib ng krisis o ano mang hindi inaasahang pangyayari.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWIsang paraan nito ang pagkakaroon ng emergency fund. Halimbawa, ang naipon na Php6,000 nang isang taon mula sa Php25 kada araw na hulog ay maaaring ilaan para sa emergency fund.
Dapat lang daw alamin kung ano ang tunay na emergency, tulad ng pagkakasakit o pagkakaroon ng aksidente. Ang panganganak ay hindi emergency dahil may 9 months na paghahanda para dito, kaya huwag gamitin ang emergency fund para dito.
Ang isa pang paraan para maging handa ay ang pagkakaroon ng insurance. May ganitong benepisyo sa mga regular na empleyado ng gobyerno at pribadong sektor, pero maaaring hindi ito sapat para tustusan ang pangangailan ng buong pamilya. Kaya mainam na may karagdagang insurance.
4 Invest intelligently
Nalulungkot si Duplito na may mga taong nabibiktima ng scam dahil sinasamantala ang kanilang pagiging desperado na kumita nang malaki. Ang payo niya ay iwasan ang mga alok na palalaguin ang pera nang hindi naman malinaw kung sa paanong paraan.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSa halip, ikonsidera ang pag-invest sa stock exchange at mutual funds. Rekomendado niya ang index funds na magagawa sa tulong ng bangko o kompanya na bihasa sa mutual funds. Mainam ang index funds para sa mga nagsisimula pa lamang sa investment dahil hindi kailangang malaking halaga ang ilalabas na pera.
Dito pumapasok ang usaping compounding returns dahil ang kita na interes mula sa ipinasok na pera sa stocks o mutual funds ay kumikita din. Ibig sabihin, mas lalago ang pera nang higit pa sa halaga na ini-invest basta huwag itong galawin o pabayaan sa mahabang panahon.
What other parents are reading
5 Enjoy your life
Naniniwala si Duplito na hindi dapat pag-awayan ang pera, lalo ng pamilya. Magagamit din ito para makatulong sa kapwa.
Kuwento niya na nagmula siya sa mahirap ng pamilya sa Bicol, kung saan kapwa public school teacher ang kanyang mga magulang. Ngunit hindi iyon naging hadlang, bagkus inspirasyon pa, sa narating niya ngayon. Nais niya na makatulong sa kapwa at maibahagi ang kanyang kaalaman.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPaliwanag niya, “Ang kayamanan, hindi lang para sa mayaman. Para ito sa lahat. Kaya mahalaga ang financial literacy.” At wala na dapat rason para hindi matuto kung paano makaipon ng pera upang umunlad kalaunan.
What other parents are reading

- Shares
- Comments