Para basahin ang ulat na ito sa Ingles/English, click here.
Ano ang gagawin mo kung may hindi kilalang tao ang sumubok na kunin ang iyong anak habang kayo ay kumakain sa isang restaurant?
Noong Agosto 3, ibinahagi ng isang ina sa Facebook ang kanilang nakakapanindig-balahibong karanasan sa isang mall sa Quezon City. Ang kanyang post sa Facebook ay mayroon nang higit sa 19K na reactions at 25K na shares.
Si Mommy Princess dela Cruz Palma ay nagbigay ng permiso na ibahagi ang kanyang kwento sa Smart Parenting upang magbahagi ng impormasyon sa mga magulang at maging doble-ingat sa kanilang mga anak tuwing nasa pampublikong lugar.
Ang Smart Parenting ay may iilan at maliliit na pagbabagong ginawa sa pagkakasulat ng kwento at isinalin ito sa Tagalog para mas maintindihan ito ng nakararami.
"Naganap ito kahapon (Agosto 2) mga ala-una ng hapon. Harap-harapan sa [mall]."
"Habang hinihintay naming ma-iserve ang aming pagkain, si Rhian (ang anak ni Princess) ay nakatayo lamang sa harap ng kanyang upuan. May isang lalaki na lumapit sa kanya. Sabi nito sa kanya, 'Kim! Kim! Tara!'"
Binanggit ni Princess na sinubukan ng hindi kilalang tao na kunin ang kamay ng kanyang anak.
"Napatayo ako at tinapik [ang] kamay niya, sabay sabi niya, 'Anak mo?' Sinabi ko, 'OO!'"
Pagkatapos ay umalis na lang ang lalaki, tila walang pakialam at parang wala lang nangyari. "Parang, 'WHAAAATTT MAY NAGTANGKANG KUHAIN ANG ANAK KO!' sabi niya.
Sa comment section, ipinaliwanag ni Princess na naka-normal na kasuotan at "mukhang sanay" sa ganitong modus operandi ang lalaki.
"Sobrang kaba ko, hindi na ako makaupo. Naghihintay akong may dumaan na guard para sabihan. Si Lan (asawa ni Princess) ay nasa kabilang tindahan, bumibili ng pagkain. Kaya nang dumating siya, agad kong sinabi sa kanya ang nangyari, tapos sinundan niya at ini-report sa guard. Matapos ang limang minuto, lumapit ang guard sa amin at [sinabi na] lumabas na raw ang lalaki."
Idinagdag niya, "Iba pala ang pakiramdam bilang magulang kapag ikaw na ang napaharap sa ganitong sitwasyon. Nanginginig ako sa kaba. Pagkatapos nun, muli kong inalala sa kanila ang aming mga alituntunin sa mga taong di kilala o Stranger Rules. Kaya pala iba ang naramdaman ni Lan habang bumibili sa kabilang tindahan, may urge siyang tingnan kami."
Nagpasalamat siya sa guwardiya na tumulong sa kanila.
Nang tanungin kung ano ang kanilang mga Stranger Rules, ibinahagi ni Princess sa Smart Parenting na tinuturuan niya ang kanyang mga anak kung ano ang dapat gawin sa oras na lapitan sila ng taong di kakilala. Inaarte nila ang mga scenario tuwing nasa bahay sila upang matuto sila kung paano dapat mag-react sa iba't ibang sitwasyon. "Ito ay maaring magbigay-lakas loob sa kanila sa mga totoong pangyayari," aniya.
Basahin ang original post ni Princess dito.
Mabilis namang nagpahayag ng simpatiya ang mga netizen sa comment section.
Mayroong ilan na nagbahagi rin na nagkaroon sila ng katulad na karanasan sa ibang mall. Sabi ng isa, "Naku, doble ingat po. Napakahalaga talaga na turuan silang huwag kausapin ang mga hindi kakilala sa murang edad. Kapag nasa ganyang sitwasyon ka na, minsan ay matutulala ka na lang, kakabahan. Pero kinakailangan talagang maging handa tayo. Nagkalat ang masasamang loob, matanda man o bata."
May isang magulang naman na nagbabala, "Kung saan maraming bata, doon tumatambay ang mga pedophile at human trafficker. Ingatan po natin ang mga anak natin. Kahit gaano tayo kapagod, sundan natin sila habang naglalaro, huwag lang tayo mag-focus sa cellphone."
Paano ituro sa anak na maging maingat sa mga taong hindi kilala
1. Maging malinaw sa kanila kung sino ang mga taong hindi kakilala o strangers
Ang mga strangers ay mga taong hindi mo kilala. Maaari silang magmukhang normal at maayos ang damit. Huwag makipag-usap sa kanila.
Ang Daily Mom blog ay nagmungkahi na magkaroon ng isang sikretong salita o code na alam ng iyong anak. Kung hindi kilala ng tao ang code na iyon, hindi dapat sumama sa kanila ang iyong anak.
2. Ituro sa kanila ang dalawang bagay na ito: sumigaw at magmadali
Kapag hinawakan ng isang di kakilala ang iyong anak, payo ng Smart Kids 101 na gumawa sila ng malalakas na ingay. Sumigaw gamit ang tatlong M na ito: Mababa, Malakas, at Matagal.
Puwede rin silang sumigaw ng isang bagay para manghikayat ng atensyon ng mga tao gaya ng "Tulong!" o "Hindi ito si Mommy o Daddy ko!" I-praktis ito sa kanila sa bahay para matandaan nila ang dapat gawin at sabihin kapag sila'y nasa panganib.
3. Ipaliwanag sa kanila ang mga "safe persons"
Ituro sa iyong anak na kung sakaling sila'y maghiwalay sa iyo o bigla ka nilang hindi makita, dapat nilang hanapin ang "safe persons" na tutulong sa kanila. Ang mga "safe persons" ay mga guwardiya, pulis, o mga staff sa mall na naka-uniporme.
Kung wala, humanap sila ng mga nanay o mga matatanda na may mga kasamang bata at humingi ng tulong.
4. Siguruhing alam nila ang iyong mga detalye sa contact
Mabuti nang maging maingat kaysa magsisi sa huli. Siguruhin na mayroong ID o information card ang iyong anak na nakasaad ang iyong buong pangalan, contact details, at address. Tingnan ang mga safety tag na mabibili online dito.
5. Gamitin ang tali para sa kaligtasan ng bata
Para sa iyong kapayapaan, maaaring bumili ng child safety leash o tali para sa kaligtasan ng anak lalo na para sa mga batang maliliit.
May haba itong 1.5 metro at 2.5 metro at maaari itong i-adjust. Gawa din ito sa makapal na alambre.
Heto naman ay child safety leash na hugis pakpak para maengganyo ang bata na suotin ito.
Maaari mo ring lagyan ang iyong mga anak ng tracking device na maaring makatulong sa pagtukoy sa kanila, kung sakaling magkahiwalay kayo. Basahin dito para sa mga rekomendadong brand ng mga magulang.
Ang Smart Parenting ay humingi na ng pahayag sa mall na nabanggit ni Princess sa kanyang post. Abangan ang mga karagdagan pang ulat.