Hindi nangyari ang inaasahang "baby boom" na hatid ng pagkakapirmi sa bahay bilang pagsunod sa health at safety protocols nang magsimula ang COVID-19 pandemic bandang March 2020.
Kabaligtaran pa ang nangyayari dahil nagpatuloy lalo ang pagbaba ng mga bilang ng mga sanggol na pinanganak hanggang katapusan ng 2020, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Iyong unang taon ng pandemic, may kabuuang 1,528,684 live births ang nairehistro at may crude birth rate (CBR) na 14.1. Katumbas nito ang 14 births sa bawat isang libong mamamayan sa Pilipinas.
Ang mga numerong naitala noong 2020 ang pinakababa sa nakaraang walong taon mula nang magsimula ang pababang direksyon (decreasing trend) noong 2012. Nasa -14.6 percent ang ibinababa mula 1,790,367 noong 2012 hanggang 1,528,684 nitong 2020. Isang taon bago nito (2019), nasa 1,673,923 ang naitalang live births.
Ibig sabihin, mas kumonti pa ang mga sanggol na pinagpanganak noong 2020: 4,144 kada araw; 174 kada oras; o halos 3 lang kada minuto.
Desisyon na huwag munang magkaroon ng anak
May paliwanag si Undersecretary for Population and Development Juan Antonio Perez III sa naunang report ng Commission on Population and Development (POPCOM).
Aniya, maliwanag na nagdesisyon ang mga kababaihan na ipagliban muna ang pagbubuntis at pagkakaroon ng anak sa una o higit pang pagkakataon. Malamang daw naging factor ang problema at hirap sa pagkuha ng medical assistance sa panahon ng pandemya. (Basahin dito).
Ayon pa sa datos ng PSA noong 2020, mas maraming ipinanganak na baby boy (796,543) kaysa baby girl (732,141). Karamihan sa mga sanggol ay isinilang sa Luzon (58.8%), pangalawa sa Mindanao (23%), at panghuli sa Visayas (18.3%).
Pagdating sa mga rehiyon, pinakamadaming mga sanggol ang ipinanganak (14.5%) sa Southern Tagalog Mainland na sakop ang mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (CALABARZON). Sumusunod ang National Capital Region (NCR) na may 13.8% at Central Luzon na may 11.8%.
Lumabas din sa mga datos na mas maraming nanay ang nanganak sa mga lugar na hindi talaga sila nakatira doon. Siyam sa kada sampung nanay ay nanganak sa health facility (ospital, birthing clinic, lying in, atbp) sa tulong ng health professional (doktor, midwife, nurse).
Siyam din sa kada sampung sanggol ang may timbang na higit pa sa 2,500 grams (5.5 lbs). Ibig sabihin, halos lahat ng mga sanggol ay malusog. Kapag kasi hindi umabot sa 2,500 grams ang sanggol, may low birth weight na siya alinsunod sa guidelines ng World Health Organization (WHO).
Mas maraming single moms
Karamihan naman sa mga nanay ay may edad mula 25 hangang 29 (27.5%), sumunod ang mga edad 35 pataas ( (15.8%) at mga edad 15 hanggang 19 (10.1%). Tinuturing na high risk pregnancy ang pagbubuntis ng may edad 15 hanggang 19, pati na edad 35 pataas.
Higit naman sa kalahati ng mga nanganak ay single mom (870,820), at marami sa kanila ang nakatira sa CALABARZON (16.4%), NCR (15.6%), at Central Luzon (11.8%).
Kung malapit na ang due date, mainam na gumawa ng listahan ng mga gamit sa panganganak. Basahin dito.