Ayon sa tradisyon, ang nanay ang naga-asikaso sa anak at bahay habang nagtratrabaho sa labas ang tatay. Pero sa pagdaan ng panahon at dala ng pangangailangan, nagsimula na rin magtrabaho si mommy, at may mga pagkakataon pang mas malaki na ang kanyang kinikita kumpara kay daddy.
Ang problema, ayon sa isang bagong paga-aral, hindi nagbago o nabawasan man lang ang nakatokang gawaing bahay para sa working mom, kahit siya pa ang breadwinner ng pamilya.
Nitong March 9, 2022 nailathala ang study na isinagawa ng University of Bath, na matatagpuan sa United Kingdom. May titulo itong Gendered Housework: Spousal Relative Income, Parenthood and Traditional Gender Identity Norms.
Layunin ng study na matukoy at maintindihan ang pangunahing sanhi ng hindi pagkakaunawaan ng mga mag-asawa o mag-partner kapag meron na silang anak.
Nilahukan ito ng lampas 6,000 heterosexual couples, kasal man o hindi, sa North America. Meron silang isa o higit pa na anak at nakatira sa isang bahay, kaya may parehong responsibilidad sa gawaing bahay.
Hatian ng gawaing bahay
Nais din kasing suriin ng mga researcher ang sinasabing "gender housework gap," na nagpapatuloy kahit marami nang pagbabago sa loob ng bahay at sa trabaho. Mas madalas pa raw itong mangyari sa mga mag-asawa, kumpara sa mag-partner.
May paliwanag ang pinuno ng study na si Dr. Joanna Syrda. Aniya sa isang press article, ang mga mag-asawang hindi sumusunod sa tradisyon na ang tatay ang nagtatrabaho at ang nanay ang naiiwan sa bahay ay nakakaramdam ng pagsuway sa tingin ng lipunan.
Ang nangyayari tuloy, sabi ni Dr. Syrda, sinisikap ng mag-asawa na hanapan ng balanse sa pamamagitan ng paggawa sa bahay. Kung mas mababa ang sweldo ni daddy kumpara kay mommy, mas gagawa sa bahay si mommy para mabalanse ang sa tingin pa rin ng karamihan ay "abnornal situation" sa pamilya.
Aminado si Dr. Syrda na nakakagulat ang resulta ng kanilang study, lalo na't maraming kababaihan ang matagumpay sa mga larangan na ika nga panglalaki.
Naiintindihan daw niya kung bakit may "specialized division of labor," pero hindi ito dapat nakabase sa kasarian o gender-specific. (Basahin dito ang naunang survey, kung saan sinabi ng millennial dads na hindi okay sa kanilang makihati sa gawaing bahay.)
Lahad ng head researcher mula sa School of Management ng University of Bath, "Traditional division has been conventionally explained by men earning more and working longer hours and has a certain logical appeal.”
Bagamat mas maraming research ang dapat gawin sa paksang ito, hindi dapat balewalain ang resulta ng kanilang paga-aral.
Diin ni Dr. Syrda na mahalagang malaman kung paano pinaghahatian ng mag-asawa o mag-partner ang mga gawaing bahay kapag naging mga magulang na sila. Ito kasi ang magsasabi kung paano sila maga-adjust sakaling mas malaki na kumita si mommy kesa kay daddy.
Dagdag ni Dr. Syrda na mahirap nang baguhin ang nakaugaliang hatian ng trabaho sa bahay at nagiging pattern na ito na maaaring maipasa sa kanilang mga anak. Kung ano nga naman ang nakalakihan ng bata na setup sa bahay ay malamang na sundin niya sa sarili niyang asawa.
Basahin dito kung bakit sinabi ng isang judge sa Kenya na "housework is work" at dito kung paano nakatulong ang point system ni mommy para tumulong si daddy sa household chores.