Bukod sa pasyalan, magiging bakunahan o COVID-19 vaccination site din ang pinagandang Manila Zoo simula Jan. 19, 2022. Prayoridad na mabakunahan dito ang mga bata at senior citizen.
Nitong Martes, Jan. 18, 2022, inanunsyo ng City Government ng Manila na bubuksan ang Manila Zoo bilang vaccination site ng mga bata edad 12 hanggang 17 at para sa mga senior citizen. Gayundin, maaaring magpabakuna ang kasama nilang mga magulang o guardian.
Maaari bang mamasyal matapos mabakunahan?
Oo, ayon sa ulat ng Philippine News Agency. Ang mga rehistradong magpabakuna sa Manila Zoo ay maaaring lumibot sa pasyalan nang libre mula 8 a.m. hanggang 8 p.m.
Sa press conference, sinabi ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na maaaring magpabakuna muna bago mamasyal o mamasyal habang naghihintay na mabakunahan.
"May makikita na silang konting hayop lalo na sa aviary tapos meron na hebra, 'yung horse at zebra na crossbreed. Ang ganda, kulay brown. Tapos ‘yung butterfly garden marami ng pwedeng puntahan," ani Mayor Isko Moreno.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Bahagi ito ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang mas marami ang mahikayat na magpabakuna laban sa COVID-19 lalo't na-obserbahan ang pagtaas ng mga bagong kaso nitong mga nakaraang araw.
Sa ulat ng Rappler, pinili umano ng alkalde ang pasyalan bilang bagong vaccination site sa lungsod upang magkaroon naman ng pagkakataon ang mga pamilya na mag-enjoy.
Aniya, "Gusto ko kasi makapamasyal yung bata tsaka lola. Gusto ko yung sariwang hangin, time to spend together as family."
Paano magparehistro upang mabakunahan sa Manila Zoo?
Istriktong ipatutupad ang no walk-in policy sa Manila Zoo. Ang mga nais magpabakuna dito ay kailangan munang magparehistro sa dalawang website na ito:
- www.manilazoo.ph
- www.manilacovid19vaccine.ph
Bukas din ang registration kahit sa mga hindi residente ng Maynila.
Hanggang 1,000 na indibidwal lang ang papapasukin sa Manila Zoo kada-araw. Kasama na sa bilang na ito ang vaccinee at ang kasamang magulang o guardian.
Para sa ibang detalye o paglilinaw tungkol sa pagpaparehistro upang mabakunahan sa Manila Zoo maaaring tumawag sa mga sumusunod na numero:
- 09273510849
- 09157030621
- 09685721975
- 09610202655
Bakuna kontra COVID-19 para sa mga bata
Oktubre 2021 buksan ng Pilipinas ang pediatric vaccination laban sa COVID-19 ng mga edad 12 hanggang 17.
Inaasahan na rin na palalawigin ang programa upang mabakunahan ang mga edad 5 hanggang 11 simula Pebrero ngayong 2022, ayon sa vaccine czar ng bansa na si Secretary Carlito Galvez Jr.
Isa ang bakuna sa mga nakikitang susi ng mga health official upang mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19 pandemic.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Kung may agam-agam tungkol sa pagbibigay ng bakuna sa iyong anak, basahin ang mga karaniwang tanong tungkol sa pagbabakuna ng mga menor de edad dito.