Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong Agosto 18, 2019. Nadagdagan ito ng updates noong Agosto 31, 2024.
Umaabot nang 400 na milyong tao ang mayroong G6PD deficiency at karaniwan ito sa mga bansang nasa Southeast Asia, Africa, at sa Middle East. Sa katunayan, sa mga konsidyon o consensus ng newborn screening panel sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng 6GPD ang pinakakaraniwang nagiging problema — mayroon ang 1 sa 56 na baby na sinuri. Kaya narito ang dapat malaman ng bawat Pilipinong magulang tungkol sa sitwasyong ito
Ano ang G6PD deficiency?
Kapag ang katawan ay hindi nakakagawa ng sapat na enzyme na glucose-6-phosphate dehydrogenase (G6PD) ito ang nagiging sanhi para magkaroon ng ganitong deficiency ang bata. Mahalaga ang G6PD sa maayos na pag-function ng red blood cells. Binbigyan nya ito ng proteksyon mula sa mga potensyal na mapaminsalang produkto na makikita sa mga pagkain, gamot, at impeksyon ayon sa KidsHealth, isang resource site mula sa Numerous Foundation. Ang mga by-product na ito ay puwedeng makaipon at makapinsala o mas makasira ng pulang selula ng dugo ng mga batang may G6PD deficiency.
Ang red blood cells ang nagdadala ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kapag naapektuhan ang sapat na red blood cells, maaari itong magdulot nang hindi kanais-nais na kalagayan gaya ng sintomas ng anemia (pamumutla, pagkahilo, pananakit ng ulo, at iba pa) sa proseso ng tinatawag na hemolysis. Ang hemolytic anemia ay maaaring maging sanhi ng kamatayan sa mga malalang kaso o sitwasyon.
Naagapan naman ang kondisyon ng G6PD. Ang isang bata na na-diagnose nito ay maaaring mabuhay nang malusog at masaya basta maiiwasan lamang ang mga bagay na magpapalala ng kaniyang kondisyon.
Sanhi at dahilan ng pagkakaroon G6PD deficiency
Isang genetic condition ang pagkakaroon ng G6PD deficiency. Ibig sabihin ipinapanganak ang mga bata na may ganitong sitwayon. Walang anumang magagawa ang magulang para maiwasan ito ayon sa National Institutes of Health-Philippines (NIH). Gayunman, ang maagang pagtuklas at pagsusuri ay mahalaga.
Ang mga bata na may ganitong kalagayan ay normal lamang at hindi kakikitaan ng anumang sintomas hanggang sa ma-expose sila sa mga “oxidative substances” o mga bagay na maaaring magpalala ng kanilang kondisyon (tingnan ang listhan sa ibaba), sabi ng NIH.
Kaya mahalaga sa mga baby na dumaan sa newborn screening na kasama ang pagsususri sa G6PD deficiency. Kailangan lamang ang pagkuha ng blood test sa loob ng 24 na oras pagkapanganak sa baby upang malaman kung mayoon itong metabolic disorder.
Sinabi ni Dr. Jose Enrique S. Clemente, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center at St. Luke’s Medical Center, sa SmartParenting.com.ph, “Every baby who tests positive is given a complete list of what to avoid to prevent a hemolytic reaction.” (Bawat sanggol na nagpopositibo sa pagsusuri ay binibigyan ng kompletong listahan ng mga dapat iwasan upang mahadlangan ang pagkakaroon ng hemolytic reaction.)
Dagdag pa ni Dr. Clemente na dapat ipaalam ng mga magulang sa bawat tumutingin sa kanilang anak ang kondisyon nito. May mga partikular na gamot kasi na maaaring mag-trigger sa G6PD ng inyong anak kaya kailangan na malaman ito ng doktor upang matukoy ang gamot na hindi dapat ibigay.
Ang nakapagbubunsod o maaaring makapagpalala sa G6PD deficiency
Ganito ang nangyari sa pamangkin ng isa sa mga nagsulat ng artikulong ito. Hindi agad nakuha ang resulta ng newborn screening ng kaniyang pamangkin. Lumabas doon sa resulta na mayroon siyang G6PD deficiency.
Lumaki nang maayos ang bata. Ngunit, nang makagat ito ng aso nabigyan ito ng injection. Ito ang sinasabing nagpa-trigger sa kaniyang G6PD deficiency hanggang sa napabayaan. Huli na nang matuklasan at malaman na meron pala siyang problema sa G6PD. Nagkaroon siya ng kanser sa atay. Ilang taon din na nakipagbuno sa sakit na ito hanggang sa tuluyang binawian ng buhay sa edad na 4 taong gulang lamang.
May ilang mga gamot at sakit na may malaking oxidative effect ayon sa NIH. Ang mga ito ay nakapagbubunsod ng paglala ng sitwasyon. Ito ay ang mga sumusunod:
- sakit gaya ng bacterial at viral infection (gaya ng flu, pneumonia, at typhoid fever)
- mga antibiotics, partikular ang mga sulfa group
- ilang painkiller at gamot sa lagnat
- gamot sa malaria
Paalala: ang ibang gamot, gaya ng ascorbic acid (vitamin C), ay ligtas na inumin basta may kontroladong dosage. Hanapin ang listhan ng mga gamot dito at kausapin ang pediatrician ng iyong anak tungkol dito.
Ayon sa NIH at Department of Health (DoH), ang mga bata na may G6PD deficiency ay kailangang iwasan ang sumusunod:
- fava beans (na maaaring matagpuan sa mixed nuts)
- legumes (gaya ng munggo, garbanzos, at abitsuelas)
- soya food (gaya ng taho, tokwa, soy sauce)
- ampalaya
- tonic water
- blueberry
- red wine
Kailangan ding iwasan ang mga mothballs, henna tattoos at menthol (na makikita sa mouthwash, efficascent oil, at liniments).
Sintomas kapag na-trigger ang G6PD deficiency
Paano ang formula milk? Pahayag ng NIH, “There has not been any report of hemolysis due to milk products containing soya. Soy lecithin, which is present in different brands, is an important component of milk, but it does not make up the whole milk.” (Wala naman naitatala na kaso ng hemolysis dahil sa mga gatas na nagtataglay ng soya. Ang soy lecithin, na makikita sa iba’t ibang brand, ay mahalagang sangkap ng gatas ngunit hindi naman ito ang kabuuang nilalaman ng gatas).
Muli, ang mga senyales at sintomas ng kondisyon ay lumalabas lamang kapag ang bata ay na-expose sa mga bagay na makapagbubunsod o makapagpapalala ng sitwasyon. Sa ibang mga kaso, ang ma-expose sa kaunti lamang ay maaaring hindi makapagdulot ng anumang sintomas, pahayag ng KidsHealth.
Subalit, sa ibang mas malalang sitwasyon, maaaring magdulot ng sintomas sa bata ng hemolytic anemia. Ito ang mga sumusunod:
- pamumulta, mapapansin ito sa labi at dila
- labis na pagkapagod o pagkahapo
- mabilis na tibok ng puso o heartbeat
- pagkahingal o hirap sa paghinga
- jaundice, o paninilaaw ng balat at mata, lalo na sa mga newborn
- paglaki ng lapay (spleen)
- matingkad, kulay tsaa na ihi
Mawawala ang mga sintomas kapag hindi na lantad o expose ang bata sa mga bagay na nakapag-trigger o nagpalala ng sitwasyon, kadalasan na umaabot ng ilang linggo, ayon sa KidsHealth. “If symptoms are mild, no medical treatment is usually needed. As the body naturally makes new red blood cells, the anemia will improve.” (Kung may katamtamang sintomas, hindi kailangan ng medikal na gamutan. Ang katawan ay kusang gumagawa ng bagong red blood cells, nagiging maayos ang anemia.”
Sa kabilang banda, ang malalang kaso ng anemic ay kailangan ng medikal na atensyon at madala sa hospital. Para sa ibang katangungan sa gamot at pagkain, kasama ang formula milk, na ibibigay sa inyong anak na may G6PD, ikonsulta ito sa inyong pediatrician.
Pangangalaga, pag-iwas at gamot sa G6PD deficiency
Sabi ni Dr. Mary Anne Chiong, isang pediatrician at geneticist sa panayam sa kanya ng Salamat Dok. “Ang pinakamainam na treatment ay prevention. Umiwas sa mga pagkain at gamot na nasa listahan na binigay sa inyo noong nakumpirma na ang anak niyo ay may G6PD [deficiency] pagkatapos magawan ng newborn screening.”
- Kapag may napansin ka na senyales ng hemolysis sa iyong anak, lapatan agad ito ng medikal na atensyon. Kailangan na madala siya sa hospital at mabigyan ng oxygen at makapagsalin ng dugo, ayon sa DOH.
- Mahahalagang paalala sa mga magulang na ang anak ay may G6PD deficiency mula sa NIH:
- Magkaroon ng listahan ng mga oxidative substance. Magkaroon ng kopya sa bahay (ilagay ito sa pinto ng fridge) at dalhin ito saan ka man magpunta (i-save ito sa iyong cellphone).
- Huwag hayaan ang anumang impeksyon dahil maaari itong maging sanhi ng hemolysis. Patuloy na pagkakaroon ng lagnat ay senyales ng impeksyon.
- Kabisaduhin ang mga senyales ng hemolytic anemia (nakalista sa itaas).
Habang lumalaki ang iyong anak, sabihin sa kaniya ang kaniyang kondisyon para alam niya kung ano ang gagawin at makaiwas sa mga bagay na makapagpapalala ng sitwasyon.
Paano naaapektuhan ng G6PD deficiency ang pang-araw-araw na buhay ng bata?
Karamihan ng mga bata na may G6PD deficiency ay mamumuhay nang normal, ngunit kailangan nilang umiwas sa ilang pagkain at gamot. Ang ilan ay maaaring makaranas ng anemia o jaundice, lalo na kung kulang ang kanilang malusog na red blood cells sa katawan na maaaring mangyari pagkatapos kumain ng ilang pagkain, uminom ng gamot, o makaranas ng sakit.
Tips para maiwasan ma-trigger ang mga sintomas ng G6PD deficiency
Narito ang ilang maaaring gawin upang makaiwas ma-trigger ang mga sintomas ng G6PD deficiency:
- Umiwas uminom ng labis na alak. Ang pag-inom nang labis ng alak ay maaaring magpataas ng oxidative stress na maaaring magdulot ng hemolytic anemia.
- Umiwas sa paninigarilyo. Nakakapagpababa ito ng immune system.
- Mag-ehersisyo ngunit huwag din sobra. Ang labis na pag-eehersisyo ay maaaring magpataas ng oxidative stress.
- Siguraduhing magpahinga ng sapat. Nakakapagpalakas ng immune system ang pagtulog.
Frequently asked questions (FAQs)
Ano ang mga hakbang na dapat gawin ng mga magulang kapag nalaman na ang kanilang anak ay may G6PD deficiency?
Kung ang iyong anak ay nakumpirmang may G6PD deficiency, makakabuti na makipagtulungan sa inyong pediatrician upang mapangalagaan ang kanyang kalusugan. Nararapat din na pumunta sa pediatrician sa tuwing magkakaroon siya ng mga sintomas gaya ng:
- Jaundice (paninilaw na balat at mata)
- Madilim na kulay ng ihi
- Anemia (pamumutla at panghihina)
Nararapat din na ipa-test ang kanyang mga kapatid para malaman kung sila ay meron ding G6PD deficiency.
Maaari bang magtagumpay sa sport o pisikal na aktibidad ang mga batang may G6PD deficiency?
May ilang pag-aaral na nagsasabing hindi masyado naaapektuhan ng pag-eehersisyo o pisikal na aktibidad ang oxidative stress ng mga taong may G6PD deficiency, kung kaya't kaya din nila maglaro ng sports. Hindi din malaki ang pinagkaiba ng pangangalaga ng mga atleta na mag G6PD deficiency sa mga atleta na walang ganitong kondisyon.
Ang impormasyong nakalahad dito ay mula sa