Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong Disyembre 9, 2018. Nadagdagan ito ng updates noong Abril 29, 2024.
Isa sa mahahalagang bahagi sa paglaki ni baby na inaabangan ng mga bagong mommy ay ang pagngingipin. Hindi nila maitatago ang pananabik na makita ang unang tubo ng ngipin ng kanilang baby. Patunay kasi ito ng patuloy na pagbabago sa yugto ng development ni baby.
Karaniwan na lumalabas ang mga unang tubo ng ngipin kapag nasa apat hanggang pitong buwan (4 to 7 months) na si baby. Kung minsan, may maaga na tatlong buwan pa lamang at may iba namang umaabot hanggang isang taon. Madalas na nagsisimulang tumubo ang mga nasa harapang ngipin sa itaas at sinusundan naman ng nasa ibaba.
Sintomas ng pagngingipin
Sa panahon ng pagtubo, mapapansin na iritable si baby — hindi malaman kung ano ang gusto o gagawin niya. Mas nagiging iyakin din siya. Makikita rin ang panggigigil sa mga nakikita o nahahawakan. Nahihiligan niya ang palaging pagsubo ng kaniyang mga daliri o pagkagat nito. Gusto rin niyang isinusubo ang anumang bagay na nahahawakan niya. Kaya nararanasan ng baby ang pagtatae dahil sa nakukuha nilang mikrobyo sa kung ano-anong bagay na isinusubo.
Nagkakaroon din ng labis na paglalaway na minsan nagiging sanhi para maduwal siya o rashes sa leeg kaya kailangan suotan siya ng bib. Nariyan din ang paghila sa kaniyang tenga o palagiang pagkuskos sa mukha upang mabawasan ang sakit. Nahihirapan din sila kung minsan sa pagtulog. Nawawalan din ng gana sa pagkain ang ibang baby sanhi ng sakit ng namamagang gilagid. Nakararanas din ang iba na lagnatin.
Lahat ng baby dumadaan sa stage na ito at makararanas ng magkakaibang sintomas na kadalasan tumatagal ng tatlo hanggang limang araw at kapag tuluyan nang nakalabas sa gums ang tumutubong ngipin. Maaari ding matulungan siya na maibsan ang sakit na nararamdaman. Narito ang ilang payo na maaaring panlunas sa sakit ng ngipin.
Ano nga ba ang dapat gawin kapag nararanasan ni baby ang mga sintomas ng pananakit ng ngipin?
Nakatutulong ang pagbibigay ng teether.
Makabubuti na ito ilagay sa freezer para malamig kapag kinagat ni baby. Natutulungang mamanhid ang gilagid ng baby kapag malamig ang kanilang kinakagat.
Para sa baby na kumakain na o may anim na buwan pataas, makatutulong din ang pagpapainom ng malamig na tubig para maibsan ang sakit.
Subukin din ang pagpapakain ng malamig na pagkain gaya ng pinalamig na mashed banana, pureed apple, o plain yogurt.
Maaari ding gumamit ng teeting mitts o mittens na sinusuot sa kamay ng baby para ito ang kagat-kagatin nila.
Maaaring makatulong din ang pagpapakagat sa pinalamig na malinis na tela. Puwede rin ang malalambot na laruan subalit tiyakin lamang na malinis ito at ligtas na kagatin ni baby.
Ang mga nabanggit ay pantulong upang mabawasan ang sakit ng ngipin ni baby. Siyempre, higit sa lahat, isa sa the best na gamot ay ang haplos at pagmamahal ng magulang. Ang pagpapadama ng pagkalinga kay baby ay makakagaan sa sakit na kaniyang nararamdaman. Ngunit mahalagang tandaan din, anumang mapansin na labis na kakaiba sa inyong baby habang nagngingipin ito, lalo na kung labis na pagtatae, mataas na lagnat, at pagbaba ng timbang dahil sa pag-ayaw sa pagkain, ikonsulta agad sa inyong doktor upang mabigyan ng tamang lunas o gamot.
Frequently asked questions ukol sa sakit ng ngipin ng baby
1. Anong mga natural na pamamaraan ang maaaring gawin para mabawasan ang discomfort sa pagngingipin?
Maraming natural na pamamaraan ang maaaring gawin upang mabawasan ang discomfort na dulot ng pagngingipin. Ilan sa mga ito ay ang paggamit ng malinis na tela na binasa sa malamig na tubig na maaring kagatin ni baby, pagmasahe sa gilagid gamit ang malinis na daliri, at pagbigay ng malamig na pagkain tulad ng yogurt o mashed fruits. Ayon sa American Dental Association, ang mga simpleng pamamaraang ito ay nakakatulong upang maibsan ang sakit nang walang pangangailangan para sa mga gamot.
2. Maaari bang magkaroon ng permanenteng epekto sa ngipin ng baby kung magkaroon ng problema sa unang pagngingipin?
Karaniwan, ang mga problema sa unang pagngingipin tulad ng pagkaantala o kaunting pamamaga ay hindi nagdudulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan ng ngipin ng bata. Gayunpaman, ayon sa American Academy of Pediatric Dentistry, kung ang baby ay makaranas ng matinding infections o malubhang medical conditions, mahalaga na mag-konsulta sa pediatric dentist para sa angkop na gabay at paggamot.
3. Paano malalaman kung normal ang pagngingipin o kung kinakailangan ng tulong medikal?
Normal ang pagngingipin kung ito ay sinasamahan ng mild symptoms tulad ng kaunting pagkairita, paglalaway, at paggusto na ngumuya ng matitigas na bagay. Kung ang baby ay nagpapakita ng mas seryosong sintomas tulad ng mataas na lagnat, pagtatae, o pagkasugat ng gilagid, ito ay maaaring senyales na kinakailangan ng medikal na atensyon. Inirerekomenda ng Mayo Clinic na kumonsulta sa doktor kung ang mga sintomas ay lumalala o hindi typical sa pagngingipin.
4. Ano ang mga senyales na dapat nang dalhin si baby sa dentista dahil sa pagngingipin?
Ang mga senyales na dapat mong dalhin ang iyong baby sa dentista ay kabilang ang persistent discomfort na hindi naibsan ng mga home remedies, pagkakaroon ng sugat o infection sa gilagid, at kakaibang pagtubo ng ngipin. Ang Philippine Pediatric Dental Society Inc. ay nagpapayo na regular na pagkonsulta sa pediatric dentist ay makakatulong sa maagang pagtukoy at paggamot ng anumang problema.
5. Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng cavity sa mga unang ngipin ni baby?
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng cavity sa mga unang ngipin ni baby, mahalaga ang regular na paglinis ng ngipin gamit ang soft-bristled toothbrush at kaunting fluoride toothpaste. Iminumungkahi ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC)] na simulan ang paglinis ng ngipin ng bata sa oras na lumitaw ang unang ngipin. Dagdag pa rito, limitahan ang pagkonsumo ng matatamis na inumin at pagkain, at panatilihin ang regular na dental check-ups.
Ang pagbibigay ng tamang kaalaman at paggabay sa mga magulang ay makakatulong upang masiguro ang malusog na pagngingipin at ngipin ng kanilang mga baby.
Basahin kung anong dapat paghandaan sa unang dental visit ni baby, dito.