Nakakatuwang pagmasdan ang sanggol at masaksihan ang una niyang pagbukas ng mata, pag-beautiful eyes, pagngiti, pagsimangot, at iba pang infant milestones month by month.
Mababasa rito ang mga dapat malaman at gawin nang matulungan si baby na maabot ang developmental milestones. Si Dr. Joey Cuayo-Estanislao, isang pediatrician at miyembro ng Smart Parenting Board of Experts, ang resource person para sa artikulong ito.
Ano ang developmental milestones?
Ito ang mga kakayahan o kasanayan (skills) na may kinalaman sa pag-uugali (behavioral), paggana (functional), o di kaya pangangatawan (physical) na kayang gawin ng mga karamihan sa mga bata ng partikular na edad.
Nagsisilbi ang developmental milestones bilang gabay, ayon kay Dr. Cuayo-Estanislao, para malaman kung lumalaki ang ating mga anak sa inaasahang bilis. Dagdag niya na ang behaviors at skills ay lumalabas sa paglipas ng panahon bilang building blocks ng bata sa kanyang paglaki (growth), paglago (development), at patuloy na pag-alam (continued learning).
Kaya, paliwanag ng doktor na kilala rin bilang Pedia Doc Joey, na mahalagang hayaan ang anak na sanayin ang skills at kilalanin ang katawan pati na ang kanyang paligid. Idagdag pa ang pagkikisali at pagkikipag-ugnayan sa anak nang maabot niya ang milestones.
Paalala lang ni Doc Joey na may sariling bilis, o pace, ang bawat bata kahit pa sabihing may typical age ang bawat developmental milestone. Mahalaga lang na sumangguni sa pediatrician na tumitingin sa anak nang masubaybayan ang paglaki ng bata.
Infant milestones month by month
Mula sa pagiging fetus sa sinapupunan, nagiging ganap na itong sanggol (newborn, infant, baby) pagkapanganak. Nagpapatuloy ang kanyang paglaki at paglago bilang tao. Mapapansin mo ang mga nagagawa ni baby sa ganitong edad:
1 month
- Pagiging alerto sa tunog
- Pagkilala o pagtingin sa mga mukhang humaharap sa kanya
- Paggalaw ng ulo pakanan at pakaliwa
- Pagtaas ng mga kamay papunta sa mukha
2 to 3 months
- Pagngiti kapag binabati (social smile)
- Pagsunod ng mga mata sa galaw ng mga bagay
- Pagbukas ng mga kamay mula sa pagkakuyom (handa na sa close-open)
- Paglikha ng tunog gamit ang bibig (cooing, gurgling)
- Pagtaas ng ulo kapag nakadapa
4 to 5 months
- Pagiging steady ng ulo
- Pagtawa at paggawa ng tunog na parang nagsasalita
- Pagtugon kapag sinasabi ang kanyang pangalan
- Paglagay ng mga kamay sa bibig
- Pagtulak ng mga siko para dumiretso ang mga braso habang nakadapa
6 months
- Pagkatuwa kapag nakikita ang sarili sa salamin
- Paglabas ng dila at pagbubula ng laway
- Paggamit ng bibig sa pagtuklas ng mga bagay
- Pag-abot sa gusto niyang laruan o iba pang bagay
- Pagsandal sa mga kamay para masuportahan ang katawan kapag umuupo hanggang matuto nang umupo ng walang suporta
- Pag-ikot mula sa padapaang posisyon hanggang makahiga ang likod
- Pagdiretso ng mga braso habang nakadapa
7 to 9 months
- Paglalaro ng peekaboo
- Pagsimulang maintindihan ang ang salitang "hindi" o "no"
- Pagkilala sa mga paboritong laruan
- Pagkakaroon ng agam-agam sa di niya kilalang tao (stranger)
- Pagkakaroon ng mas maraming ekspresyon sa mukha
- Pagsisimulang gumawa ng mga tunog tulad ng “mamamama” at “babababa”
- Pagtaas ng mga braso para magpakarga
- Paghanap sa mga bagay na nahuhulog at nawawala sa kanyang paningin
- Pagpukpok sa mga bagay
- Pag-upo sa sariling sikap
- Paglipat ng mga bagay mula sa isang kamay hanggang sa kabilang kamay
- Paggamit ng mga daliri sa paghila ng pagkain papunta sa kanya
10 to 11 months
- Pagsisimulang magsabi ng mga salita, kadalasan ay “mama” o di kaya “dada”
- Pagtulak sa sarili para makatayo
- Paghawak, pag-alog, pagtapon ng mga bagay
- Pagpapakita ng dagdag na interes sa kanyang paligid
- Pagkaroon ng kakayahang pulutin ang mga bagay gamit ang hinlalaki (thumb) at hintuturo (pointer finger)
12 months
- Pagkaway ng babay o bye-bye
- Pagsasabi ng malinaw na “mama,” “dada,” o ano pang tawag sa nag-aalaga sa kanya
- Paglalakad habang nakahawak sa mga muebles o kagamitan sa bahay
- Pag-inom mula sa baso o tasa na walang takip, pero kadalasan may tulong mula sa nag-aalaga
- Paglalaro ng games na may kalaro, tulad ng pat-a-cake
Mga senyales na dapat bantayan
Mayroong mga iba-ibang warning signs o red flags sa iba-iba ring mga kategorya (gross motor, fine motor, language, cognitive, psychosocial) at mga edad ng bata, ayon kay Pedia Doc Joey. Kaya mahalaga talagang magpatignan si baby sa kanyang pediatrician.
Maging alerto sa ganitong mga senyales:
1. Hindi tumutugon o walang reaksyon si baby, mula kapanganakan, sa mga malalakas na ingay
2. Hindi pinapansin o hindi nilalaro ang kanyang mga kamay sa pagtungtong ng 2 months
3. Hindi sinusundan ng tingin ang mga bagay sa pagtungtong ng 3 months
4. Hindi kumakapit sa mga bagay sa pagtungtong ng 3 months
5. Hindi ngumingiti kapag binabati (social smile) sa pagtungtong ng 3 months
6. Hindi kayang ituwid ang pagtayo ng ulo sa pagtungtong ng 3 months
7. Hindi sinusubo ang mga bagay sa pagtungtong ng 4 months
8. Hindi gumagawa ng tunog gamit ang bibig na parang salita (babbling) sa pagtungtong ng 5 o di kaya 6 months
9. Hindi kayang umupo ng walang suporta sa pagtungtong ng 6 o di kaya 7 months
10. Hindi tumatawa kapag pinapatawa sa pagtungtong ng 6 hanggang 8 months
11. Hindi interesado sa peekaboo sa pagtungtong ng 8 hanggang 9 months
12. Hindi nagsasabi ng “dada” o “baba” pagtungtong ng 10 hanggang 11 months
13. Hindi pumupulot ng mga bagay gamit ang hinlalaki at hintuturo (tinatawag ang skill na ito bilang pincer grasp)
Mga dapat gawin
Sabi ni Pedia Doc Joey, pinakamainam na pagkakataon ang paglalaro at pagkakaroon ng interaction ninyong dalawa para matuto at mag-explore pa ang iyong anak.
1. Kausapin si baby, o di kaya magbasa, kumanta, at tumugtog sa harap niya.
2. Bigyan si baby ng atensyon na puno ng pagmamahal at pag-aaruga.
3. Hayaan si baby na madiskubre ang kanyang katawan at paligid sa mga lugar sa ligtas para sa sanggol.
4. Iwasang bigyan ng exposure si baby sa screen o gadget, lalo na sa kanyang mga unang buwan.
5. Dalhin si baby sa kanyang pediatrician para sa kanyang regular checkup at periodic screening. Puwede ring magkuwento tungkol sa infant milestones month by month nang masubaybayan din ng doktor ang mga nagagawa na at hindi pa nagagawa ng iyong anak.
Basahin dito ang tungkol sa developmental delays.