Nauubusan na ng iluluto para sa inyong sanggon? Napakaraming magagandang recipe para sa pagkain ng baby sa Facebook page na The Nanay Avenue! Ang album na “Ceana's Complementary Feeding Recipes,” ay may higit sa 20 recipe para sa mga batang kumakain na -- mula sa mga puree at dinurog na pagkain hanggang sa mga putaheng may kanin at pasta.
Pinapayo ng World Health Organization, dagdagan ng “complementary foods” ang pagkain ng bata kung hindi na sapat ang breastmilk para maibigay ang lahat ng sustansyang kailangan niya. “Ang transisyon mula sa purong breastfeeding hanggang sa pagpapakain, na tinatawag na complementary feeding, ay karaniwang nagaganap kapag ang bata ay anim hanggang 18-24 buwan.”
Si Cherdyn Mojica ang nagpapatakbo ng The Nanay Avenue at ang ina ng 10-buwan gulang na si Ceana Erin. Nagtatrabaho rin siya bilang full-time na medical technologist sa isang malaking ospital sa Maynila, kaya talagang nakakabilib na nagagawa niya pang makapagluto ng pagkain para sa kaniyang anak!
Ang ilan sa mga putaheng gusto na naming subukan ay ang miswa con patola, pancake na may saging at oats, suam na mais, at crunch berry-bana baby ice cream. Makikita ninyo ang mga recipe para dito sa ibaba. (Salamat, nanay!)
"Madalas ay nagluluto ako kapag wala akong trabaho,” kwento ni Cherdyn sa isang e-mail interview ng SmartParenting.com.ph. Minsan ay nagluluto na siya ng maramihan, tapos ay hinahati ito para mailagay sa ref. Ginagawa niya ito sa lugaw, veggie frittatas, at meriendang gawa sa prutas (tulad ng popsicles!).
"Ang iba ko namang recipe, dapat makain na sa loob ng isang araw lalo na kapag maytoong itlog, gatas, kamatis, at repolyo. Mabilis kasi mapanis,” paliwanag niya.
Gumagamit rin ng breastmilk si Cherdyn sa iba niyang mga recipe dahil pinapasuso niya pa si Cena. Pero may iba ring alternatibong pwedeng gamitin, ayon sa kaniya.
Bukod sa mga sangkap at direksyon, makakakuha rin ng mga payo sa Facebook album kung saan makikita ang mga recipe. Ibinahagi ni Cherdyn na gumagamit siya ng JML 3-in-1 Juicer Blender at pandikdik, na mas mura kaysa sa food processor. Ginagamit niya ang pandikdik para madurog ang mga prutas at gulay, at may kasama rin itong pangkayod. Siguraduhing may hiwalay na pandikdik para sa pagkain ng bata.
Sa isang pasta recipe, sinabi ni Cherdyn na bumibili siya ng malunggay noodles sa Eng Bee Tin. (Payo ng Smart Parenting: Pwede rin umorder sa isang Pinay mom na gumagawa nito sa kaniyang bahay. Basahin ang kaniyang kuwento dito.)
Kulang sa buwan si Ceana, at matindi ang pinagdaanan ng kaniyang magulang para masiguradong ligtas siya. “Mayroon akong APAS at naging maselan ang aking pagbubuntis. Si Ceana rin ay isang rainbow baby (karaniwang tawag sa anak na nabuo matapos ang isang pagkalaglag),” pagbabahagi ni Cherdyn.
“Napakahalaga ng aming anak. Nakaranas kami ng matinding paghihirap para makasama siya, at nangako ako sa Panginoon na kung ibibigay Niya sa akin si Ceana, gagawin ko ang lahat para isang mabuting ina. Bukod sa pag-breastfeed, sa tingin ko ang pagluluto ng complementary food ang tangi kong magagawa,” patuloy niya.
Nagsimula niyang pakainin si Ceana ng limang buwan, at baby-led weaning ng walong buwan ito. Ayon kay Cherdyn, hindi mapili sa pagkain ang anak. “Sa tingin ko, ‘yun ang namana niya sa akin -- katakawan!” Sinisiguro rin ni Cherdyn na pumapayag ang doktor ni Ceana bago isama ang kahit anong pagkain sa isang recipe.
Nagpapasalamat din siya na ang buong pamilya ay nagtutulungan para masiguradong kumakain ng tama si Ceana. Naghahanap ng paraan ang ama ni Ceana para siguradong lagi silang may sangkap para sa mga pagkain ng bata. Binibigyan sila ng kaniyang mga magulang at biyenan ng gulay.
Ang pinakamahalagang payo ni Cherdyn para makahanap ng sariwang sangkap para sa inyong mga anak? Magkaroon ng suking tindahan. Iisang tindera ng prutas lamang ang kaniyang pinupuntahan dahil “alam niyang naglilista ako ng complementary food para sa bata, at mabait siya at binibigyan ako lagi ng tawad.”
Mahirap din gumawa ng pagkaing lutong bahay para sa bata, pero ayon kay Cherdyn, sulit naman ang lahat ng ito. “Lagi kaming abala, at napakahirap maging hands-on na magulang. Ngunit ang katiyakan na binibigyan ko ang aking anak ng masustansyang pagkain ang pinakamagandang bunga ng paggawa ng pagkaing lutong bahay para sa kaniya.”
Ito ang ilan sa mga recipe ni nanay Cherdyn para sa mga lutong bahay na pagkain ng bata. Mas marami pang makikita sa Facebook page ng Nanay Avenue.
Miswa con Patola
Unang sinubukan ni Ceana sa edad na 9 na buwan
Sapat para sa tatlong kain
- 1/2 patola, hiwain sa maliliit na kwadrado
- 1/4 o 1/2 tasa ng miswa noodles na pinutol sa maliit na piraso
- 1/4 sibuyas
- 1 maliit na bawang
- 1 maliit na luya (alisin bago ipakain)
- 1 kutsarang giniling na baka
- 1 tasa tubig
- 1 kutsarita olive oil
- 1 dilaw ng itlog, binati (opsyonal)
1. Igisa ang bawang, sibuyas, at luya. Idagdag ng ground beef hanggang maging brown.
2. Idagdag ang patola at tubig. Pakuluan pagkatapos magdagdag ng miswa noodles hanggang maluto.
3. Ibigay kasama ng brown rice.
Ceana's Power Puff Porridge

Unang sinubukan ni Ceana sa edad na 8 buwan
Maaaring makagawa ng maramihan kapag nakaimbak nang maayos (hanggang sa 2 araw lamang sa refrigerator at hanggang isang linggo sa freezer, base sa rekomendasyon ni Cherdyn)
- Tig-1 tasa ng mga napiling gulay (hal. broccoli, cauliflower, karot, kalabasa, sayote at sitaw)
- 1 1/2 tasa bigas
- 1 tasa giniling na karne ng baka
- Maliit na sibuyas, bawang, luya
- 1/2 kutsarita olive oil
1. Hugasan nang maigi ang lahat ng mga gulay, gupitin sa maliit na piraso, at pagkatapos ay i-steam. Igisa ang ground beef, sibuyas, at bawang sa olive oil.
2. Pagsamahin ang mga butil ng bigas, luya, at tubig upang makagawa ng lugaw. Alisin ang luya kapag luto na ito.
3. Ihalo ang giniling na baka sa lugaw.
4. I-blender ang lahat hanggang mawala ang mga buo-buo.
5. Imbakin ng maayos.
Crunchy Berry-Bana Baby Ice Cream

Una na sinubukan ni Ceana edad na 6 na buwan
Sapat para sa isang kain
- 3 karaniwang laki ng strawberry
- 1/4 saging (lakatan)
- 10 ml malamig na breastmilk
- 1/4 durog na biskwit ng sanggol
1. Palamigin magdamag ang hiniwang strawberry at saging sa lalagyan na hindi pinapasukan ng hangin.
2. Durugin ang mga nagyeyelong strawberry at saging.
3. Haluan ng durog na biskwit at ipakain agad.
Baby Mojos in Rolled Oats Breading

Una sinubukan ni Ceana sa edad na 10 buwan gulang
- Mga patatas, hiniwa nang maninipis
- Homemade na harina gawa sa rolled oats (gilingin at salain ang oats)
- 1 itlog
- 1/2 tasa olive oil
1. Pakuluan ang patatas.
2. Batihin ng marahan ang itlog sa isang mangkok.
3. Isawsaw ang patatas sa itlog.
4. Lagyan ang patatas ng harina na gawa sa oats. Siguradong natatakpan ng husto ang mga ito. Iprito nang nakalubog sa mantika sa loob ng 3 hanggang 4 na minuto.
Heto ang larawan ng ina kasama ang kaniyang anak. Maghanap ng iba pang mga recipe para sa bata ni Cherdyn Mojica sa Ang Nanay Avenue sa Facebook.

LARAWAN MULA KAY Cherdyn Mojica