Tinatayang nasa 15 milyong sanggol na nangangailangan ng premature baby care ang ipinapanganak taon-taon, ayon sa World Health Organization (WHO), at ang pagsilang ng maaga pa rin ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng sanggol sa buong mundo. Ang Pilipinas ay kabilang sa 10 bansa na may pinakamataas na bilang ng maagang kapanganakan, na nangyayari kapag ang babae ay nanganak bago ang ika-38 hanggang 39 na linggo ng pagbubuntis.
Ang isang sanggol na pinanganak sa ika-38 na linggo ng pagbubuntis o pagkatapos nito ay karaniwang may bigat na 7 pounds, habang ang sanggol na pinanganak ng mas maaga, o isang preemie, ay karaniwang nasa 5 pounds lang o minsan ay mas magaan pa.
May tatlong uri ng premature na sanggol. Ang pag-uuri na ito ay ginagawang gabay ng mga doktor upang matukoy ang pinakaangkop na paraan ng pag-aalaga para sa isang preemie baby.
- Ang katamtaman hanggang huling ipinanganak na sanggol ay isinilang sa pagitan ng ika-32 at ika-37 na linggo.
- Ang napakaagang ipanganak na sanggol ay isinilang sa ika-28 hanggang ika-32 na linggo ng pagbubuntis.
- Ang sobrang agang ipanganak na sanggol ay isinilang nang mas maaga sa ika-28 na linggo ng gestation.
Maraming sa mga huling ipinanganak na sanggol (lalo na ang mga ipinanganak sa ika-37 na linggo) ang hindi na nangangailangan ng espesyal na pangangalaga na tulad ng kinakailangan ng sobrang pre-term na sanggol, na karaniwang nananatili sa neonatal intensive care unit (NICU).
Mapipigilan mo ba ang mapaanak nang maaga?
Sa kasamaang palad, hindi malalaman habang nagbubuntis pa lamang kung mapapaaga ang panganganak. Ang maaari lamang gawin ay iwasan ang mga panganib na nauugnay dito, ngunit hindi pa rin nakakasigurado. Ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng bawal na gamot, at stress ay maaaring magpataas ng panganib ng panganganak ng pre-term.
Iba pang mga dahilan para sa panganganak nang maaga ay ang pagbubuntis ng kambal o mas marami pa, pagkakaroon ng "incompetent cervix" o cervix na bumubuka nang walang contractions, ang pagkakaroon ng endometriosis, at mga sakit na autoimmune tulad ng Antiphospholipid Antibody Syndrome (APAS).
Ang mga delikadong pagbubuntis tulad ng sa mga may gestational diabetes at preeclampsia (o mataas na presyon ng dugo) ay nagdudulot ng panganib na manganak ng maaga. Importanteng sundin kung ano man ang sabihin ng doktor. Kung inirerekomenda niyang magpa-elective C-section, dapat ay nakaplano ito para sa ika-39 na linggo ng gestation.
Ang napaagang panganganak ay maaaring mangyari kaagad at sa halos anumang oras. Oras na maramdaman mong malapit ka nang manganak, tumungo sa emergency room ng ospital sa lalong madaling panahon.
Paano magbigay ng premature baby care
Dahil napaaga ang kaniyang paglabas, may mga bahagi ng katawan ng premature na sanggol na maaaring hindi pa ganap na buo. Ayon sa pediatric intensivist na si John Ong, MD, susuriin agad ng mga doktor kung gumagana ng maayos sa labas ng sinapupunan ang mga baga ng sanggol, kung nakakakain siya at kakayanin ng kaniyang digestive system, at kung magagawa niyang maisaayos ang temperatura ng kaniyang katawan.
Kapag nanatili ng dagdag na araw, o minsan ay linggo, sa NICU ang iyong preemie baby, maaari siyang ilagay sa incubator upang maiwasan ang hypothermia, at nabibigyan rin siya ng oxygen at nakakagamit ng ventilator na makakatulong sa kaniyang paghinga. Ang breastmilk, na pinakamagandang unang pagkain para sa isang preemie, ay ipapainom nang paunti-unti hanggang sa kaya na ng kanyang mga bituka ang isang buong kainan at marunong na siyang sumuso at lumunok.
Ang iba pang dahilan kung bakit kailangan ng isang preemie baby na manatili sa NICU ng ospital ay kung may pagdudugo o kakulangan ng oxygen sa utak. Dahil hindi pa gaanong buo ang kaniyang immune system, siya ay madaling magkaroon ng impeksyon, komplikasyon sa dugo, problema sa paningin, at mga gastrointestinal issue na nagiging sanhi ng problema sa pagpapalabas ng ihi at dumi sa katawan.
Walang nag-iisang paraan upang matugunan ang iba’t-ibang mga kondisyon ng mga sanggol na premature, ngunit ang mga sumusunod ay makakatulong na maging mas malakas at malusog ang mga pre-term na sanggol.
Huwag agad putulin ang pusod
Inirerekomenda ng American Academy of Obstetricians and Gynecologist (ACOG) na huwag munang putulin ang pusod. Maraming makukuhang benepisyo ang mga preemie sa dagdag na dugo na galing sa inunan, na napatunayang naglalaman ng mga importanteng sustansya at mga panlaban sa sakit. Ang dagdag na dugo naman ay nakakatulong sa sirkulasyon ng dugo at sa pagpapadami ng red blood cell. Pinabababa rin nito ang panganib na magkaroon ang sanggol ng pagdurugo sa utak at pinsala sa mga tissue ng bituka.
Makipag-skin-to-skin contact sa iyong sanggol
Mukha talagang mahina ang mga preemie na sanggol - ang iba sa kanila ay talagang napakaliit - at ang pagdikit nang balat-sa-balat (kangaroo care) ay isa sa mga pinaka-makakatulong sa kanila. Sinabi ng American Academy of Pediatrics (AAP) na mahalaga ang kangaroo care para mapigilan ang pagkamatay ng mga preemie.Tinutulungan sila nitong gumaling sa mga karamdaman, pinapalaki, at pinag-uugnay sila sa kanilang mga ina. Ang touch therapy, kahit na kaunting masahe o haplos lamang, ay may malaking positibong epekto sa kalusugan ng isang preemie.
Kahit nasa NICU ang iyong sanggol, dapat magkaroon pa rin ng pagdikit nang balat-sa-balat.
Pasusuhin ang inyong anak
Oras na sabihin ng doktor na pwede nang pakainin ang sanggol, ang breastmilk ang pinakamagandang ibigay dito. Ito ang pinakamainam na nutrisyon na kailangan ng mga sanggol para sa unang anim na buwan ng kanilang buhay. Pinapasa ng mga bagong ina ang kanilang mga antibodies sa pamamagitan ng pagpapasuso, na nagsisilbing unang proteksiyon ng mga sanggol sa sakit. Napag-alaman din na nakakatulong ang ang breastmilk sa pagpapalaki ng utak ng mga preemie.
Kung hindi pa marunong sumuso ang sanggol, ilabas ang gatas at ipainom ito sa sanggol gamit ang cup-feeding. Maaari ring gumamit ng syringe. Tandaan lamang na dapat pasusuhin ang iyong preemie nang madalas para mas dumami ang iyong gatas.
Kausapin, basahan, o kantahan ang iyong sanggol
Napatunayang nakakatulong ang tinig ng ina na pakalmahin ang isang premature na sanggol. Sabagay, ito nga naman ang tanging tunog na patuloy niyang naririnig habang siya ay nasa sinapupunan pa. Ayon sa mga pag-aaral, ang isang preemie na nakikinig sa tinig ng kanyang ina ay mas mabilis na natututong kumain, at mas maaga siyang nakakauwi mula sa ospital. Ang pakikinig sa tinig ng ina ay nakakatulong din sa pagbuo ng bahagi ng utak na gumagabay sa pagsasalita.
Gawin ang mga rekomendasyon para sa ligtas na pagtulog
Madaling magkaroon ng problema sa paghinga ang mga preemies dahil hindi pa gaanong buo ang kanilang mga baga noong sila ay ipinanganak. Ang sleep apnea, na nangyayari kapag ang isang sanggol ay tumitigil sa paghinga sa loob ng 20 segundo o higit pa, ay karaniwan sa mga preemie, at nanganganib din sila sa sudden infant death syndrome (SIDS). Laging ihiga ang inyong sanggol at siguraduhing walang ibang laman ang kanyang tulugan kundi sapin. Maaaring kailangan rin siyang gisingin kapag siya ay pinapasuso.
Pag-uwi sa iyong preemie baby sa bahay
Marami sa mga preemie ang pinauuwi sa petsa kung kailangan talaga sila dapat ipanganak, kapag kaya na nilang mabuhay nang hindi umaasa sa mga makina sa NICU. Paglabas ng NICU, madali pa rin kapitan ang sanggol ng mga viral infection. Narito ang ilang mga dapat tandaan kapag ang iyong sa pag-uwi ng iyong preemie:
- Panatilihing malinis at kalmado ang silid ng sanggol; bawal ang malalakas na ingay.
- Tiyaking malinis ang iyong mga kamay kapag hinahawakan ang sanggol.
- Minumungkahing limitahan muna ang pagdalaw ng mga bisita para hindi masyadong malantad ang bata sa irritants, mga virus, at bakterya.
- Payuhan ang lahat ng miyembro ng pamilya na mag-ingat laban sa sakit. Tiyaking kumpleto ang lahat sa kanilang mga bakuna.
Ang espesyal na pangangalaga para sa isang preemie ay hindi tumitigil sa NICU. Maaaring patuloy na makita ang mga epekto ng maagang pagsilang habang lumalaki ang bata, at hanggang sa pagtanda nito, lalo na sa mga sanggol na ipinanganak nang sobrang aga. Ang maagang interbensyon ay susi upang mabigay sa sanggol ang pinakamagandang kalidad ng buhay.
Ang patuloy na pagsubaybay ay napakahalaga sa premature baby care, at minsan ay tila napakahirap gawin nito. Iminumungkahi ng maraming mga ina ng mga preemie na humingi ng tulong kapag hindi na kaya ang mga dapat gawin.