Dahil sa pag-unlad ng teknolohiya at sa laganap na paggamit nito sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, talagang hindi maiiwasang ma-expose ang mga bata sa cyberbullying. Karamihan din sa mga kabataan ngayon ay babad sa paggamit ng iba’t ibang gadget lalo na ang smartphones at ang pagkakaroon nila ng mga social media na nagdadala sa kanila upang maranasan ang cyberbullying.
Malinaw sa ating nakatatanda na ang cyberbullying ay isang uri ng paghahamak ng pagkatao sa papamagitan ng digital na komunkasyon gamit ang Internet, gadget o smartphones. Ito ay para inisin, makaramdam ng galit, kutyain, ipahiya, hamakin, o takutin ang isang tao nang hindi lamang minsanan kundi paulit-ulit. Halimbawa nito ang simpleng pagpapadala ng text messages gamit ang cellphone na naglalaman ng mga masasakit na salita o pagpo-post sa mga social media platform ng mga larawan o anumang bagay na makapagpapahiya sa isang tao.
Ang online bullying o cyberbullying ay bahagi ng mga pang-aabuso sa mga bata at kabataan na nakaapekto sa kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan. Sa datos na ibinihagi ng UNICEF noong 2019, karamihan sa mga nakararanas ng cyberviolence ay halos nasa edad 13-17, na 44% nito ay kalalakihan at 43% naman ay kababaihan. Kadalasang ang anyo ng cyberviolence na nararanasan ng mga kabataang Pilipino sa paggamit ng Internet o cellphone ay pang-aabusong verbal at ang iba naman ay pagpapadala ng malalaswang mensahe. Sa ulat ding ibinahagi ng UNICEF, ang mga social networks gaya ng Facebook, Instagram, Snapchat at Twitter ang karaniwang mga platform na ginagamit para sa online bullying.
Mga Epekto at Senyales ng Cyberbullying
Mahirap sabihin agad na nakararanas ng cyberbullying ang iyong anak nang batay lamang sa obserbasyon. Pero hindi rin basta isang bagay lamang ito na dapat balewalain lalo na kung may napapansin kang mga kakaiba kilos sa iyong anak. Mahalaga na magsagawa ng mga pagsusuri at imbestigasyon.
Karamihan din kasi sa mga kabataan ay hindi na nakakapag-express nang mabuti o bukas na nagpapahayag ng kanilang nararamdaman. Pangunahing naapektuhan ng cyberbulling ay ang social at emotional aspect ng kabataan. Minsan mapapansin mo na lang na:
- tahimik sila sa isang sulok
- malalim ang iniisip
- parang may kinakatakutan
- nawawalan ng tiwala sa sarili
- mababang marka/grades sa paaralan
- ayaw nang pumasok sa paaralan
- palaging balisa o stress o nakararanas ng depresyon
Ayon sa KidsHealth, nahihiyang magsabi ang mga bata at kabataan na nakararanas ng cyberbullying dahil natatakot silang kunin ang kanilang gadget o devices o pagbawalan sila sa paggamit ng Internet.
Bantayan ang iba’t ibang senyales na ito na resulta ng cyberbullying:
- masyadong malihim o labis na magprotekta sa kaniyang gagdet o social media
- madaling mainis habang o pagkatapos gumamit ng Internet
- mas gusto na manatili sa kuwarto at limitado ang paglabas-labas
- kawalan ng pagnanais na makipag-usap o makisalamuha kahit sa miyembro ng pamilya
- iniiwasan ang pagpasok sa paaralan o mga grupo o malaking party/pagtitipon
- naggagalit-galitan kapag nasa bahay
- nagbabago-bago ang mood, ugali, pagtulog, at pagkain
- parang kinakabahan kapag nakatatanggap ng text messages
- iniiwasan na pag-usapan ang anumang tungkol sa mga gadget o devices
- inaayawan ang paggamit ng gadget samantalang dati ay nakatutok dito
Mga Dapat Gawin Kapag Nakararanas ang Anak ng Cyberbullying
Nakasasama ng loob ng isang magulang kapag nalaman mong ang iyong anak ay nakararanas ng cyberbullying. Nanaisin mong lumaban o gumanti agad-agad sa gumawa nito sa iyong anak. Pero ang pinakamainam na gawin ay tulungan ang iyong anak na umalis sa sitwasyon, protektahan ang kaniyang sarili, at gumawa ng mga hakbang. Iminumungkahi ng Kids Help Line, ang pagtuturo ng 4S sa iyong mga anak.
1. Stay calm (Manatiling kalmado)
Mahalaga na hindi mag-panic o agad na mag-react o gumanti na mas magpapalala ng sitwasyon. Laging mahalaga na tumugon sa sitwasyon kapag kalmado na at malinaw na ang pag-iisip.
2. Screeshot (Pagkuha ng larawan)
Kumuha ng screenshot bilang ebidensya kapag ini-report mo ang sitwasyon. Kung hindi makabubuti na itago ang mga kinuhang larawan, ipadala agad ito sa makapagkakatiwalaan gaya ng magulang.
3. Shut it down (Itigil ang pakikipag-ugnayan)
I-block ang taong gumagawa ng cyber na pambu-bully sa anumang social media o gaming platform na makikita siya. Maaaring i-report din ang profile ng taong gumagawa ng pambu-bully dahil labag ito sa mga itinakdang kondisyon ng social media platform.
4. Support (Pagsuporta)
Agad na iulat ang anumang kaso ng cyberbullying sa isang makapagkakatiwalaang tao na nasa tamang edad at patuloy na makipag-ugnayan hanggang sa masolusyunan ito. Kausapin mo ang mahahalagang taong makatutulong sa sitwasyon gaya ng magulang, nakatatandang kapatid, guro, o guidance couselor sa paaralan.
Gayunman, para sa mga magulang, mahalagang iparamdam sa iyong anak ang pagmamahal at buong suporta. Tulungan ang iyong anak na makaalis sa sitwasyon sa tamang pamamaraan. At higit sa lahat, patatagin ang loob ng iyong anak sa paggawa ng mabubuting hakbang na dapat niyang gawin.
Palagi rin silang paalalahanan na maging maingat sa paggamit ng social media. Mas mainam din na kilalanin ang mga kaibigan ng iyong anak at alamin ang mga gawain niya sa digital world na kaniyang ginagalawan.