Isa sa kinahuhumalingan ng mga bata ngayon ang panonood ng iba’t ibang palabas at vlogs sa YouTube. Ito ang pinaglilibangan nila at natututo rin sila sa mga educational channels. Noong pandemya, naging medium din ito ng mga guro para makapaghatid ng kaalaman sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pag-u-upload ng kanilang mga lesson sa klase.
Malaki rin ang naitutulong ng panonood sa YouTube sa mga bata dahil talagang maaari silang matuto ng mga kaalaman at tamang pag-uugali mula sa mga pinapanood nilang mga educational show. Ang tamang pagpili ng mga palabas na akma sa edad ng mga anak ay pangunahing responsibilidad ng mga magulang. Sa pag-usbong ng iba’t ibang mga resources din sa internet, kailangan ng pag-filter ng mga media na binibisita ng ating mga anak upang matiyak na may positibong epekto ito sa kanilang paglaki.
Maraming channel naman sa YouTube na hindi lamang nakapagbibigay ng aliw sa mga bata kundi nagtataglay rin ng mahuhusay na educational content gaya ni Miss Rachel, TED-Ed, SciShow Kids, Nat Geo Kids, Khan Academy Kids, Alphablocks, Pinkfong, Blippi, at iba pa.
Pagiging hadlang ng YouTube sa development ng bata
Batid natin na kapag labis ang pagiging expose sa digital media ay nakapagdudulot ng negatibong epekto sa kognitibong pag-unlad ng bata.
Sinasabi ng mga pag-aaral na ang mga batang labis ang screen time ay mahihirapan sa pag-aaral ng mga bagong salita o makisangkot sa mga larong ginagamitan ng role-playing o imahinasyon. Kaya ipinapaalala sa mga magulang ang pagtitiyak ng pagiging balance ng mga bagay.
Hindi naman dapat hadlangan ang mga bata na gumamit o magkaroon ng akses sa teknolohiya ngunit kailangang magtakda ng limitasyon. Nakabubuti pa rin ang paglalahok ng mga tradisyonal na paraan ng pagkatuto kasabay ng paggamit ng teknolohiya na magtataguyod ng pagkatuto.
Tips para sa magulang:
1. Bawasan ang pang-araw-araw na screen time at sundin ang mga inirerekomenda ng mga eksperto sa kada edad.
2. Hikayatan ang mga anak na magbasa ng libro o maglaro ng mga board games at iba pang laro.
3. Maglaan ng quality o bonding time sa pamilya lalo na sa mga anak para mailayo sila sa screen.
Maaaring maging nakaaadik ang YouTube
Mararanasan ng mga bata ang digital addcition sa sobrang pagkahumaling sa mga pinapanood sa YouTube. Ito ay tumutukoy sa labis na paggamit ng teknolohiya sa paraang negatibong nakaapekto sa pang-araw-araw na buhay nila.
Dahil sa patuloy na pag-akses ng mga bata sa YouTube, magiging nakaaakit sa kanila ang content ng kanilang pinapanood at nanainisin nilang subaybayan ito o paulit-ulit na panoorin. Magdudulot ito na maging mahirap na silang ihiwalay sa screen. Maaaring magbago ang kanilang paguugali o mood gaya ng pagwawala kapag inalis ito sa kanila dahil nganagbibigay ito sa kanila ng kasiyahan.
Makaapekto rin ito sa kanilang maayos na pagtulog kung manonood pa ng YouTube ang mga bata bago ang sila matulog. Mahihirapan kasi silang makatulog agad kung labis ang ginugol nilang oras sa harap ng screen.
Tips para sa magulang:
1. Maglaan ng oras ng para sa paggamit ng mga device at tiyaking may sapat na oras para sa ibang gawain gaya ng pag-aaral, paglalaro, at pakikisalamuha sa iba.
2. Ipaliwanag sa anak ang magiging negatibong epekto kapag labis ang kanilang panonood ng isang palabas.
3. Magbigay ng mga alternatibong gawain sa iyong anak na hindi kailangang gamitan ng teknolohiya gaya ng paglalaro ng sports, pagsayaw, pagkanta at iba pa.
Nakapagtataguyod ng hindi mabuting kaasalan ang ilang palabas sa YouTube
Hindi na bago sa ating pananaw na naiimpluwensiyahan tayo ng ating mga nakikita at napapanood. Ganoon din ang ating mga anak na sa murang edad nila nae-expose sila sa iba’t ibang content na kanilang napapanood sa YouTube.
Dahil din sa murang edad ng mga bata at kanilang kuryosidad, ninanais nilang
gawin o subukan ang kanilang napapanood na hindi naiisip kung mabuti o masama ang magiging epekto nito sa kanila o sa ibang tao.
Tips para sa magulang:
1. Alamin kung ano ang mga sikat na palabas sa YouTube at ang sinusubaybayang palabas ng iyong anak.
2. Magkaroon ng bukas na komunikasyon sa iyong anak tungkol sa ligtas na paggamit ng internet at ang halaga ng pangangalaga ng kanilang privacy.
3. Gumamit ng mga parental control para ma-monitor din ang mga online activity ng iyong anak.
May patalastas sa YouTube na nakahihikayat sa mga bata
Posibleng ang mga adbertisment o patalastas sa YouTube ay mayroon ding epekto sa mga bata. Maaaring negatibong maimpluwensiyahan ang mga bata sa kanilang pagtingin o pagkilala sa sarili.
Magagawa nilang ihambing ang kanilang sarili sa iba na hindi naman kailangan o pagbuo nila ng mga hindi reyalistikong pamantayan na ipinapakita sa mga komersyal sa YouTube. Maaaring gayahin o hangarin nila ang mga ito bilang pagnanais nilang maging ganoon din sa ipinapakita ng mga patalastas.
Tips para sa magulang:
1. Kung posible na maalis ang mga patalastas sa pinapanood ng iyong anak.
2. Subukin ang ibang alternatibong platform na makapanonood ang iyong anak na walang kinakailangang patalastas.
3. Pakikipag-usap sa iyong anak kung ano ang mga taktika ng mga patalastas at mag-isip sila ng kritikal sa mga napapanood.
Ang mga komento sa YouTube na nakakapanakit ng damdamin
Ang pagbabasa ng mga komento sa YouTube ay maaaring nakaaliw o nakatutuwa ngunit hindi rin mawawala ang mga negatibong komento na makasasakit ng damdamin. Maaaring makapulot din sila rito ng mga salitang hindi mabuti o angkop sa kanila.
Sa kabilang banda, posibleng naisin din ng iyong anak na mag-upload siya ng kaniyang video sa YouTube dahil sa talentong taglay niya gaya ng ibang napapanood niya. Ngunit hindi palaging positibo ang mababasang komento, mayroon din talagang iyong hindi mabubuting salita na bibitiwan ang iba. Maaaring masiyahan siya sa mga magagandang feedback ngunit nakapaninira din ng tiwala sa sarili ang masasakit na salita, isama na rin ang kaunting likes at subscribers.
Tips para sa magulang:
1. Gabayan ang iyong anak sa pagbabasa ng comment section.
2. I-turn off ang comment section sa YouTube para maiwasan ang hindi angkop na komento rin.
3. Ipaliwanag sa iyong mga anak na hindi lahat ay maaaring magbigay ng positibong komento.
Tandaan na hindi lahat ng aspekto ng YouTube ay masama, kailangan lamang ang pagtatakda ng mga limitasyon o hangganan. Mahalaga na magkaroon ng holistiko at positibong karanasan ang mga bata sa kanilang paglaki na hindi lubog sa mundo ng teknolohiya. Sa modernong panahon, palagiang posible ang
pagsasama ng teknolohiya at tradisyonal na aktibidad para sa makabuluhang pagpapalaki sa mga bata.
Basahin ang mga YouTube shows na HINDI nirerekomenda ng mga magulang dito.