Sa panahong ito na dulot ng maraming modernisasyon at ang mga bata ay ititinuturing na mga digital natives. Malawak na ang impluwensya ng teknolohiya sa mundo na kanilang ginagalawan. Bagaman hindi na sila maihihiwalay sa digital world na kinakalakihan nila, maaari namang lagyan ng limitasyon ito o hangganan.
Sa tulong din ng teknolohiya, napadadali ang akses at proseso ng mga bagay tulad ng mga smart assistants na sina Siri at Alexa, at mga makina sa mga industriya na nagpapabilis ng mga produksyon at pagkuha ng mga datos. Totoong malaking pagbabago ang nagagawa ng AI sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Halos lahat ng nasa paligid natin ngayon ay AI at ang lahat ng bagay na kaugnay natin ay AI.
Ano ang Artificial Intelligence o AI?
Ayon sa Britannica, ang AI ay ang kakayahan ng isang digital computer o computer-robot na gawin ang isang gawain ng tao. May kakayahan itong mag-isip tulad ng isang tao. Madalas na ginagamit ang terminong ito sa pagbuo ng mga sistemang bahagi ng intelektuwal na proseso gaya sa katangian ng tao, tulad ng kakayahang mangatuwiran, magpaliwanag, tumuklas ng kahulugan, magbigay ng desisyon o solusyon, at kaalaman mula sa dating karanasan.
Batay sa artikulo sa Edureka, noong 1956 binigyang kahulugan ni John McCarthy ang salitang Artificial Intelligene bilang “ang siyensiya at inhrenyeriya ng paggawa ng matatalinong makina.” Sa katunayan, ginagamit ang AI sa halos maraming sektor o larang gaya ng transportasyon, medisina, edukasyon, negosyo, at iba pa.
Ano-ano ang mga uri ng AI?
Isinasaad ng isang artikulo mula sa website ng Simplilearn na may iba’t ibang uri ng AI na batay sa kakayahan nito, sa gamit, at sa teknolohiya. Pagtuunan natin ang kakayahan nito na nauuri sa tatlo:
1. Narrow AI (Mahina)
Idinisenyo ito para magsagawa ng isang simpleng gawain gaya ng facial recognition, paghahanap sa internet, voice assistant, at mga pagmamaneho ng kotse. Gumagana sila na limitado at may mga nakatalagang lawak na kayang gawin.
2. General AI (Malakas)
May kakayahan naman itong magsagawa ng anumang intelektuwal na gawain na kayang gawin ng tao. Nagagawa nitong magsimula ng bago at hindi pamilyar na gawain nang mag-isa.
3. Superintelligent AI (Mahusay)
Kumakatawan ito sa hinaharap ng AI na pagbuo ng makina na lumalampas sa talino ng tao sa lahat ng antas at larangan. Ispekulasyon pa lamang ito at pinagtatalunan pa kung posible ito at ano ang magiging implikasyon ng pagkakaroon nito.
Paano nagiging kapaki-pakinabang ang AI?
Hindi maitatangging sa maraming pagkakataon, gumagamit tayo ng AI. Ayon na rin sa mga eksperto, halos lahat ng tao ay araw-araw na gumagamit nito. Kung mahusay ang AI, mas mahusay ito sa pag-angkop sa pangangailangan ng tao, konteksto, kahingian, at mga prayoridad. Mas malayo ang mararating kung talagang naaangkop ang AI sa mga sumusunod:
- Mga personalized na learning tool na maaaring palawakin ang akses at mapabuti ang edukasyon para mga bata at matatanda.
- Pagpapadali ng mas advanced at mahusay na supply demand na tumutugma sa pagpapabuti ng akses sa mga trabaho, pagbabahagi ng resources, pangmatagalang trabaho, at iba pang anyo ng networking na makakabawas sa pagsasayang ng oras at resources at mas magamit ang ibinibigay na pagkakataon.
- Pagpapabuti ng mga datos na makakatulong sa pagsasaayos ng mga proseso lalo na iyong may kinalaman sa kalusugan, urban planning, at agrikultura na makapag papaunlad ng ating bansa at agarang pagtugon sa mga suliraning kaugnay ng mga ito.
- Karagdagang kaalaman, kakayahan, at talino na maibibigay sa atin ng mga teknolohiya. Dahil sa pagkakaroon ng mas malawak na akses sa impormasyon at mas nagiging epektibo sa atin ang iba’t ibang personal at propesyonal na mga tungkulin. Makakatulong din sa pagpapahusay ng interes ng isang tao.
- Pagkakaroon ng aksesibilidad ng iba’t ibang uri ng tao sa mga bagay-bagay na higit sa kaalaman. Gaya ng tulong ng mga virtual assistant, robotic devices at iba pang teknolohiya na makapagbibigay ng akses sa mga tao na may ibang kakayahan o nagbibigay ng pisikal na suporta. Bukod sa pisikal na suporta, nagagawa rin nitong makapagsalin ng mga salita para sa mga tao na may kapansanan. Nakapagbibigay rin ito ng suportang mental at emosyonal para sa mga taong nangangailangan nito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga pinagdadaanang pagsubok ng iba o mga usapin sa kalusugang mental.
Sa kabilang banda, malaki rin ang naitutulong ng AI para sa mga bata lalo na sa paggawa nila ng kanilang mga takdang aralin o homework sa klase. Ipinapaliwanag ng isang artikulo sa Healthy Children na malaki ang naitutulong kahit ng Generative AI sa pagbuo ng mga nilalaman na noon ay nagmumula lamang sa tao. Halimbawa nito ang paggawa ng isang report sa paggamit ng ChatGPT. Nakapagbibigay ito ng ideya o nakapagmumungkahi ng salita na magagamit sa pagsulat ng artikulo. Maaaring makabuo rin ng isang parang totoong larawan ang isang artist sa paglalagay ng deskripsyon ng nais niyang iguhit sa isang AI na programa.
Dahil dito, masasabing malaki ang naitutulong ng AI sa mga mag-aaral sa paaralan. Madali rin nilang nahahanap ang mga impormasyon ngayon na kailangan nila para sa kanilang ginagawang proyekto o pananaliksik. Nakatutulong din ito sa kanila na tingnan at magbigay ng ideya o feedback sa kanilang isinulat. Ngunit higit na nagagamit ito ng mga bata sa paggawa ng kanilang assignment kaya mahalagang i-check talaga ng guro ang ipinapasa ng mga bata at maturuan sila ng katapatan sa paggawa ng kanilang output at magkaroon ng konkretong gabay ang mga paaralan sa paggamit ng AI sa mga gawaing pang-akademiko.
Dapat mo bang pagbawalan ang anak mo sa paggamit ng AI?
Kung iisipin, malaki ang naitutulong ng AI sa mga magulang dahil nagiging katuwang natin ito sa pagtuturo sa ating mga anak. Kumbaga, nagkakaroon din sila ng instant tutor para sa kanilang mga gawain sa paaralan.
Bukod pa rito, nagtataguyod din ito ng pagiging malikhain ng bata. Nabubuhay tayo ngayon sa isang mundo na pinahahalagahan ang biswal. Kinakailangan ng bata na maipahayag ang kanyang ideya sa pamamagitan ng larawan, imahe, graph, at iba pa. Hindi lamang nagbibigay ang AI ng mga agarang larawan, kundi nahihikayat din ang mga bata na bumuo ng sarili nilang mga biswal.
Dagdag pa, nagbibigay rin ito ng motibasyon at nakahihikayat ng pakikisangkot ng mga bata sa bagong paraan. Mas nagiging interaktibo at masaya para sa mga bata ang inihahaing bagong karanasan ng AI sa kanila.
Ngunit sa malawak na sakop ng AI lalo na sa online platforms kailangan ng mga bata ng paggabay at pagsubaybay mula sa mga magulang o nakatatanda sa kanilang paggamit nito.
Bukas at madali sa mga bata ang akses dahil sa AI. Batay na rin sa paliwanag ng UNICEF, nagiging dependent din ang mga bata sa AI dahil na rin sa mga interaktibong laruan, laro, at mga internet platforms na nagiging bahagi ng libangan nila. Subalit mahalagang isaalang-alang din ang magiging epekto nito sa social at emotional na kalusugan ng mga bata.
Ano ang mga banta sa paggamit ng AI?
- Maaaring ibahagi ng bata ang kanilang mga personal na impormasyon
- Maaaring isipin nila na ang mga AI platforms ay labis na katulad ng tao
- Mas higit silang nagtitiwala sa AI kaysa sa mga totoong tao
- Mas palagian ang paggamit nila ng AI sa pang-araw-araw
Bukod pa rito, kung hindi mababantayan ang mga bata sa paggamit ng AI, maaaring maging daan sa pagpapalaganap ng bullying, pang-aabuso, diskriminasyon, hindi pagkakapantay-pantay, at isteryotipo sa lipunan. Nagagawa rin nitong alisin ang privacy ng isang tao dahil sa malawak nitong impormasyon na nakolokekta nang hindi nalalaman ng tao. Higit sa lahat, nagiging mas bukas din ang mga bata sa mga impormasyon na walang matibay na pundasyon ng katotohanan o mapananaligang datos dahil ang AI ay kumukuha lamang din ng impormasyon mula sa iba’t ibang sanggunian na kanyang pinagsasama-sama. Dahil dito, mahirap matukoy nang ganoon lamang ang kawastuhan ng mga detalye o impormasyon dahil walang sapat na batayan.
Kung nais mong pagamitin ang iyong anak ng AI, walang masama rito basta natuturuan mo ang iyong anak ng tamang paggamit nito.
1. Mahalagang kausapin mo iyong anak sa paggamit ng AI.
Isaisip ang mga bagay na sasabihin mo sa kanya sa antas na mauunawaan niya. Hindi dapat takutin ang bata sa paggamit nito sa halip mas nararapat na ipaliwanag sa kanya ang pagkakaroon ng kamalayan sa mga maaaring epekto nito sa kaniya.
2. Turuan ang iyong anak sa pamamahala ng kanyang online privacy.
Ipaliwanag sa iyong anak kung paano pamamahalaan ang mga website na binibisita nila, cookies, pag-aalis ng mga browsing histories, pag-block sa social media na hindi nila dapat nakikita o napupuntahan. Magbigay ng mga sitwasyon na makikita nila ang halaga ng pagprotekta sa kanilang sariling privacy.
3. Ipakita sa iyong anak kung paano gumagana ang isang AI.
Maaaring subukan ninyo nang sabay ang paggamit ng isang AI programa gaya ng ChatGPT. Makatutulong ito sa iyo na maipakita sa kanya ang mga isyu na isinasaalang-alang mo sa paggamit nito.
4. Hikayatin ang iyong anak na mag-isip ng kritikal.
Turuan ang iyong anak na maging mapanuri at kritikal na mag-isip sa mga bagay na nakikita niya at impormasyong ibinibigay ng AI gaya na lamang ng pagtukoy sa larawan na AI generated kung ano ang peke at totoo. Maaaring maipaliwanag na rin dito kung gaano kahalaga ang pagiging totoo sa mga impormasyon na nakakalap at pag-iwas sa panggagaya o pangongopya.
Makapangyarihan ng teknolohiya at malaki ang kakayahan nitong mabago ang ating kinabukasan kung hahayaan natin kainin tayo ng sistema nito. Tunay na nagagawa nitong pagaanin ang mga trabaho at gawain natin, pero mahalagang tandaan na mas nakapag-iisip ang tao nang mahusay kaysa sa mga ito na gawa lamang din ng tao. Isaisip ang tamang pagtuturo sa mga anak sa paggamit ng teknolohiya at maging matalino sila sa paggamit nito lalo na ng mga AI platforms.
Basahin ang istoryang ito tungkol sa isang teen na nagtetext sa AI bot.