Ang pagtatalo o pag-aaway ng magkapatid ay hindi na bagong usaping pampamilya at parte na rin ng pagpapalaki sa mga anak. Kahit sino rin namang magulang ay nais na magkaroon ng payapa at maayos na relasyon ang kanilang mga anak. Nais nilang ma-enjoy ng magkapatid ang isang magandang samahan. Ngunit kailangan ng tamang gabay at suporta mula sa magulang upang magkaroon ng malapit na ugnayan ang magkapatid sa isa’t isa.
Sinasabi ng mga eksperto na basta hayaan na lamang ang pag-aaway o balewalain ito. Ngunit mayroong mga pamamaraan na maaaring gawin para matulungan ang magkapatid na magkasundo, maiwasan ang pag-aaway, at mapagtibay ang kanilang relasyon na susuporta sa kanilang paglaki o sa habambuhay na pagsasama nang magkaroon ng maayos at matiwasayan na bahay.
Paano Magkakasundo ang Magkapatid
Pagyamanin ang relasyon ng iyong mga anak sa isa’t isa upang matutuhan nilang pahalagahan ang bawat isa at ang natatanging katangian o pagkakaiba nilang magkapatid.
1. Magpakita ng mabuting halimbawa ng maayos na samahan.
Ang mga magulang ang pangunahing role model para sa mga magkakapatid. Kung ano ang nakikita nilang pagtrato sa isa’t isa ng kanilang magulang, tiyak na ito rin ang kanilang susundin. Kung nakikita ng inyong anak ang palagiang pag-aaway ninyong mag-asawa, iisipin nilang normal lang din na palagi silang nag-aaway magkapatid. Kaya naman mas mainam na ipakita ang paggalang sa isa’t isa nang ito ang gayahin nila.
2. Magtakda ng malinaw na family rules.
Sa pagkakaroon ng malinaw na family rules at maayos na pagpapatupad nito sa bahay, mas nauunawaan at natututunan ng bata kung ano ang dapat at hindi dapat. Kung mayroon ding sinusunod na family rules, madaling mapaalalahanan ang mga anak kung ano ang inaasahan sa kanila na pakikitungo at pagturing sa sa isa’t isa.
Paalala: Isangkot ang iyong mga anak sa pagbuo ng family rules. Kapag kasama sila sa pagbuo nito, mas madali nilang maalala at maitataguyod ang paggalang at pagsunod sa mga itinakdang family rules.
3. Magbigay ng mga positibong reward o reinforcement.
Kapag naitakda na ang mga rules, mangangailangan ng panahon na matutunan ng mga bata ito. Hindi naman ito agad-agad o basta-basta na masusunod nila. Mahalaga ang pagbibigay ng papuri o reward sa mga nagagawa nilang mabubuti at iwasan ang pagbibigay tuon masyado sa mga pag-uugali na hindi kanais-nais.
4. Maging bukas sa pagkakaiba-iba ng bawat isa.
Normal sa mga bata na magkaroon ng iba’t ibang responsibilidad, stress, pagtanggap, pananaw, o pagtingin sa mga bagay, at mga pang-araw-araw na gawain. Maaaring maikumpara mo ang iyong anak na bakit ang isa madali namang nakukuha o naiintindihan ang nai-set na rules pero ang isa o iba pa ay hindi naman. Bakit ang isa mabait o matalino pero ang isa ay hindi?
Hindi agaran ang pagkakasundo ng magkapatid, mahabang proseso ito at nangangailangan ng sapat na panahon para maisabuhay.
Maaaring ikumpara din ng iyong anak ang kaniyang sarili sa kaniyang kapatid. Halimbawa nito, iisipin ng nakababatang kapatid na ”unfair” o hindi patas para sa kaniya dahil hindi siya pinapagamit ng gadget samantalang pinapayagan ang nakatatandang kapatid, ngunit para ito sa paggawa nito ng assignment lamang. Mahalagang ipaliwanag na magkakaiba ang pangangailangan ng bawat isa. Kailangan ding maging bukas sa pakikipagkomunikasyon sa mga anak. Kung maiiwasan ang pagkukumpara sa kanila, mas matatanggap din nila ang kanilang pagkakaiba bilang magkapatid. Walang kompetensiya na magaganap.
5. Magtakda ng malinaw na gampanin at tungkulin.
Madalas na pinagtatalunan ng magkakapatid ang hindi pantay na responsibilidad na iniaatas sa nakatatanda kaysa sa nakababatang kapatid. Nakakadagdag pa ng stress at pressure kapag nauutusan ang nakatatandang kapatid na magbantay sa nakababatang kapatid at sinabing dapat na siya ang mag-set ng mabuting halimbawa sa kapatid.
Sa ganitong pagkakataon, mahalagang ipaliwanag sa bawat isa ang kanilang mga gampanin at tungkulin. Sabihin na ang mga naka-set na responsibilidad nila ay naayon naman sa kanilang mga edad at kakayahan. Ngunit huwag kalimutan na kumustahin at tanungin sila sa mga inaatas na gampanin at tungkulin nila.
6. Hikayatin ang Pagtutulungan at Pagbabahaginan
Bukod sa pagtatakda ng kanilang mga gampanin at tungkulin, mahalaga ring matutuhan nila ang pagtutulungan sa nakaatang na mga responsibilidad. Ipaliwanag na maaari silang magtulungang magkapatid sa paggawa ng kanilang mga gampanin at tungkulin.
Mas mainam din na magbahaginan sila ng mga bagay na kinahihiligan nila. Alamin ang kanilang mga parehong interes at pagtuunan ito ng pansin. Mas mae-enjoy nila ang bonding na magkapatid sa paggawa ng mga bagay na pareho nilang kinahihiligang gawin.
7. Huwag maging referee sa pag-aaway ng magkapatid
Sa halip na pagtimbangin ang alitan ng magkapatid o alamin kung sino ang may kasalanan at biktima, mas mahalagang pakinggan ang parehong panig. Pagkatapos, hayaan silang bumuo ng resolusyon o umisip ng paraan ng paglutas ng kanilang pag-aaway o alitan. Iwasan ang pagkakaroon ng kampihan. Ipaliwanag ang sitwasyon at bigyan sila ng mga opsiyon upang makabuo sila ng mahusay na solusyon. Sa ganitong paraan, matuturuan din sila kung paano humaharap sa mga pagtatalo at bumuo ng mga tamang desisyon.
Tandaan na ang kanilang kapatid ang una nilang nagiging kaibigan. Bukod sa kanilang magulang, ito rin ang isa sa una nilang nagiging takbuhan, sandalan, o kakampi. Hindi agaran ang pagkakasundo ng magkapatid, mahabang proseso ito at nangangailangan ng sapat na panahon para maisabuhay. Ang tanging formula sa pagkakasundo ng magkapatid ay ang pagkakaroon nila ng paggalang at pagmamahal sa isa’t isa. Ito ang magdudulot ng mabuti at matibay na ugnayan nila simula pagkabata hanggang sa pagtanda.
Sabi nga sa pelikulang Frozen, ”Only an act of true love can thaw a frozen heart.”
Posible bang magpalaki ng magkapatid nang walang pag-aaway? Basahin dito.