Overwhelmed ka ba sa dami ng ginagawa ng iyong anak sa paaralan?
Dahil sa pandemya, lalong naunawaan ng mga magulang tulad mo kung gaano na kabigat ang academic load ng mga bata ngayon. Hindi pa kasama rito ang extracurricular activities na maaaring pagpilian. Mula Kinder hanggang kolehiyo, napakahaba ng listahan ng mga asignaturang kailangan nilang maipasa. Mula sa mga pop quizzes hanggang sa standardized tests at performance tasks, lahat ay dapat paghandaan ng iyong anak.
Ano-ano nga ba ang dapat gawin upang matulungan mo ang iyong anak sa paghahanda sa pagsusulit? Paliwanag ng Kids Health, hindi dapat mag-panic ang mga bata at/o magulang kapag malapit na ang pagsusulit.
Narito ang inirekomenda nilang mga hakbang para sa paghahanda sa pagsusulit:
Paano paghandaan ang pagsusulit
1. Simulan ang review sa loob mismo ng paaralan.
Paalalahanan ang iyong anak na makinig siya nang mabuti sa guro at kumopya ng notes tungkol sa aralin. Life-skill ang note-taking at epektibong paraan ito upang matandaan ang mahahalagang impormasyon. Sa paraang ito, maaalala ang talakayan sa klase at ang kanyang mga binabasa sa aklat at hand-outs.
Banggitin ding dapat isulat ang lahat ng sinusulat ng guro sa pisara at lagyan din ng marka ang mga salita at konseptong hindi pa gaanong nauunawaan. Maaari itong balikan pagkatapos ng klase.
Kailangan ding gawing organisado ang mga tala o notes at ayusin ang pagsusulat upang maunawaan ang mga ito.
Ipaalala sa anak na maaaring humingi ng tulong sa kanyang guro sakaling may paglilinaw na kailangan tungkol sa aralin.
2. Bumuo ng study plan at magtakda ng oras sa pag-aaral.
Pag-isipan kung gaano katagal ang oras na ilalaan sa bawat subject. Gumawa ng study time na pang-araw-araw o linggo-linggo. Halimbawa, kapag may nakaiskedyul na pagsusulit sa Biyernes, maaaring maglaan ng 30 minuto kada araw para sa paghahanda sa pagsusulit.
Makatutulong kung maglalaan ng mas matagal na oras sa pinakamahihirap na asignatura. Kapag malapit na ang mga exam, makatutulong kung ililista lahat ng petsa ng pagsusulit sa bawat asignatura.
'Tandaan ding higit pa sa mga markang kanyang makukuha ang uri ng attitude at pag-uugali na natututuhan at nabubuo habang nag-aaral at naghahanda sa pagsusulit.'
Paliwanag din ng Kids Health, halimbawang may pagsusulit tungkol sa World War II, puwede itong hatiin sa ispesipikong mga bahagi tulad ng mga pangyayari sa loob ng bawat taon o ang mga materyales tungkol sa bawat battle.
3. Mag-aral batay sa uri ng pagsusulit.
Karaniwang sinasabi ng guro bago mag-exam kung ano ang format ng pagsusulit. Makatutulong ito sa paghahanda. Halimbawa, kung magkakaroon ng multiple-choice na mga tanong tungkol sa World War II, maaaring mag-focus sa facts at mahahalagang detalye.
Kung magkakaroon naman ng pagsulat o essay questions, puwedeng paghandaan ang mga paksang maaaring lumabas sa pagsusulit. Maaari mong tanungin ang guro o ang iyong anak tungkol sa format ng pagsusulit. Makatutulong din ang pag-check sa pointers to review na ipinapakopya sa mga bata at/o ipinapadala sa mga magulang.
4. Iwasang ipagpaliban ang paghahanda o review.
Karaniwang nauuwi sa procrastination ang pag-aaral kapag may pagsusulit. Hindi ito nakatutulong lalo na kung masasanay ang iyong anak sa last-minute reviews.Habang bata pa, matuturuan mo rin siya ng time management kung makasasanayan niyang maaga siyang maghahanda para sa pagsusulit at sapat ang kanyang oras parasa bawat asignatura.
5. Maghanap ng tutor, learning partner, o study group.
Malaking tulong ang pagkakaroon ng study group lalo na para sa older kids. Maaari silang magtulungan para sa paghahanda sa pagsusulit kung sabay-sabay silang bubuo ng mock exams at susubukin nila ang kaalaman ng bawat isa.
May mga batang mas natututo kapag mag-isa lamang silang nagrerebyu o one-on-one ang arrangement. Mayroong mga bata na mas motivated kapag may study group.
Para naman sa mga mas batang mag-aaral, makatutulong ang pagkakaroon ng tutor (face-to-face man o online) na gagabay at tutulong sa paghahanda sa pagsusulit.
Ang paghahanda sa pagsusulit ay depende rin sa learning style ng iyong anak. Mainam kung matutukoy ninyong dalawa ang kanyang learning style at tulungan siyang higit pang matuto.
Narito ang learning styles ng mga bata:
- Visual
- Verbal
- Logical
- Auditory
- Social
- Intrapersonal
- Physical
- Naturalistic
Kapag natukoy mo ang pinakaepektibong paraan upang matuto ang anak mo, mas mabibigyan mo siya ng wastong gawain, resources, at tools sa kanyang pag-aaral.
Ilan pang dapat tandaang teknik na makatutulong sa paghahanda sa pagsusulit ang sumusunod:
- Repetition o Pag-uulit
Makatutulong ang paulit-ulit na pagrerebyu ng notes at ang pagsusulat ng mga salitang posibleng lalabas sa pagsusulit, lalo na ang pangunahing mga ideya at konsepto. Nakatutulong ang memorization strategies tulad ng acrostics, acronyms, mga awitin at rhymes o mga salitang magkatugma ang tunog.
Kapag tungkol sa agham o matematika, mahalagang gawin ang practice problems. Karaniwang natalakay na sa klase ang mga lumalabas na word problems o mga sitwasyong kailangang pag-isipan sa pagsusulit.
May tinatawag ding study technique na "chunking"o paghihiwa-hiwalay sa malalawak na paksa sa chunks o mga piraso.
- Pomodoro Method
Nabanggit din ni Jennifer Katzenstein, Ph.D., direktor ng psychology at neuropsychology sa Johns Hopkins All Children’s Hospital ang pomodoro method sa panayam na mapapanood dito.
Halos lahat ng mga batang may access na sa cellphones at gadgets ay mabilis ma-distract habang nag-aaral. Ilan din sa kanila ay nahihilig sa video games at mas nagmamadaling maglaro bago at pagkatapos mag-aral. Inirerekomenda ni Katzenstein ang tuloy-tuloy na pag-focus sa review o takdang-aralin at masusundan ito ng limang minutong break.
- Video Recordings
Isang teknik para maalala rin ng bata ang kanyang pinag-aaralan ang pag-rekord ng sarili habang tinatalakay ang paksa. Layunin sa pagbuo ng video recording na ito ang sanayin ang bata na siya mismo ang nagpapaliwanag hanggang sa kaya niya itong ituro sa iba.
Napakarami pang available na tips at resources online tungkol sa paghahanda sa pagsusulit. Tandaang mahalaga ring paalalahanan ang iyong anak na mag-relax lamang bago at habang kumukuha ng pagsusulit. Paalalahanang dapat basahin niya nang mabuti ang mga panuto para malinaw sa kanya kung ano ang tanong at inaasahang sagot.
Sa huli, mainam kung conducive o matiwasay ang environment ng bata sa parehong paaralan at tahanan upang lalo niyang maunawaan ang kanyang pinag-aaralan. Makatutulong kung tatanggalin muna ang distractions sa paligid upang masanay siyang naka-focus lamang sa aralin.
Tandaan ding higit pa sa mga markang kanyang makukuha ang uri ng attitude at pag-uugali na natututuhan at nabubuo habang nag-aaral at naghahanda sa pagsusulit. Malaking bagay kung sa kanyang pagsisikap at pagiging masipag ay maging buo rin ang kumpiyansa niya sa sarili.
Bukod sa paraan ito upang makamit niya ang academic success, panahon din ang paghahanda sa pagsusulit upang mag-bonding ang magulang at anak o kung wala ka man sa mismong oras ng kanyang pagrereview, maaaring sundin ang mga nabanggit na payo upang maipadama mo pa ring nariyan ka upang gabayan at tulungan siya.
Basahin dito ang mga homework strategies para sa mga bata.