Ang pamimintas ay isang negatibong pahayag hinggil sa mga bagay na kapuna-puna o hindi nagugustuhan sa isang tao. Dahil sa pagiging negatibo ng pahayag, nagdudulot ito nang hindi mabuting epekto sa emosyonal at sikolohikal na aspeto ng isang indibidwal. Itinuturing ang pamimintas na isang paraan ng pambubully, nasa ilalim ito ng kategorya ng verbal bullying. Gumagamit ng masasakit na pananalita gaya ng panlalait sa pisikal na anyo, paniniwala, kakayahan, kapansanan at iba pa.
Isa sa kaugaliang Pilipino na itinuturo natin sa mga bata na ang pamimintas o panlalait o pagsasabi nang hindi mabuti sa kapwa ay hindi mabuting pag-uugali. Ipinapaliwanag nating walang mabuting naidudulot ito sa isang tao. Bukod sa nakakasakit ka ng damdamin, nasisira mo rin ang kaniyang pagtingin sa mga bagay at pagkilala sa sarili.
Ang Pamimintas sa Lipunang Pilipino
Gayunman, hindi pa ring maiiwasan sa lipunang Pilipino ang hindi makarinig ng pamimintas o panlalait mula sa kapwa. Madalas pa nga ay nagmumula ito sa magulang o miyembro ng pamilya. Kadalasan kasi ay idinadaan natin sa biro ang ilang bagay na sa akala natin mas makabubuti. May ilang mga magulang na pinipintasan ang kanilang anak para sa mabuting intensyon. Iniisip nila na ang pagbibigay ng negatibong puna o pamimintas sa kamalian ng kanilang anak o kahinaan nito ay makatutulong sa bata na mas lumakas ang loob o malampasan ang anumang suliranin sa pag-uugali, matututo sila mula rito ng mga kinakailangang kasanayan para mapagtagumpayan ang pakikipag-ugnayan sa iba at paghusayan ang gawaing pang-akademiko, at magkaroon ng matibay na personal pananagutan.
Sa kabilang banda, hindi nauunawaan ng ibang magulang na may posibleng ibang epekto ang ganitong pagtrato o paraan ng pagwawasto sa kanilang anak. Mahalagang maintindihan na ang mga bata ay may ibang paraan ng pagtanggap ng kritisismo gaya ng pamimintas na hindi tulad sa mga nakatatanda. Naikikintal o naiiwan palagi sa isip ng mga bata ang anumang sinasabi tungkol sa kanila at pinaniniwalaan nila na ito ang totoo o tama, gaya ng pamumuna o pamimintas na isinasapuso nila at kung minsan nagiging pangmatagalan ang emosyonal na sugat ang nagagawa nito.
Kung ang pamimintas naman ay nagmula sa ibang tao, makagagawa tayo ng paraan na protektahan ang ating anak sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga taong sangkot. Huwag maging padalos-dalos sa negatibong reaksyon at pag-aksyon. Paalalahanan lamang ang taong namimintas sa iyong anak na kung sa kaniya gawin o siya ang makarinig ng pamimintas, paano niya ito tatanggapin. Kung walang katotohanan naman ang pamimintas, huwag na lamang din itong patulan.
Ang Mga Epekto ng Pamimintas sa Bata
Paliwanag ng mga eksperto, ang pamimintas sa mga bata ay madalas na pinakanakapipinsalang paraan ng pagdidisiplina sa bata dahil nagiging pangmatagalan ang negatibong epekto nito. Kung puro pamimintas din ang kapaligirang kalalakihan ng bata, lumalaki ang ibang bata na pakiramdam nila hindi sila mahal o pinapahalagahan. Maaaring hindi rin maging mabuti ang kanilang paglaki at piliin nalang nilang mamuhay nang hiwalay sa kanilang pamilya.
Pagkakaroon ng Emosyonal na Sugat
Maraming nagsasabi na mahirap paghilumin ang emosyonal na sugat. Kadalasan na tumatatak ito at nagiging pangmatagalan. Kaya anumang negatibo o nakakasakit na salita, komento, o pahayag na nasabi mo sa isang bata ay tatak sa kaniyang alaala at maaaring dalhin niya hanggang pagtanda.
Nagdadala ng Damdamin ng Kahihiyan o Shame
Ang pagsisisi sa maling nagawa ay normal at katanggap-tanggap na gawain. Subalit ang kahihiyan o shame ay hindi nakabubuti. Kapag nakaramdam ang bata ng kahihiyan o shame, nagsisimula siyang maniwala na may mali o depektibo sa kanya at hindi na ito magbabago. Ipaliwanag na maaaring magkamali sila at sumubok muli, pero iwasan nating ipahiya at mapahiya sila sa pagkakamali o kahinaan nila at higit sa lahat ang ikahiya sila.
Pagkawala ng Tiwala
Kung palaging nakakaranas ng pamimintas ang bata, nawawala ang tiwala niya hindi lamang sa kanyang sarili kundi sa taong gumagawa ng pamimintas sa kanya. Kung sa kapamilya niya ito nagmumula, mababawasan o mawawala ang kanyang pagtitiwala rito.
Kawalan ng Pagtugon sa Responsibilidad
Sa halip na tumugon sila ng tama sa pagkakamaling nagawa o magkaroon ng personal na pananagutan, nawawala ito dahil mas nagtutuon sila sa negatibong damdamin. Hindi na siya nagiging positibo at produktibo kundi, mas nagpopokus na lamang siya sa paggawa ng mali dahil sa ganoong pagtingin sa kanya, at pagdebelop ng pag-iisip na biktima sila ng sitwasyon.
Isaisip ang mga ito!
1. Magkakaiba ang bawat bata
Naniniwala tayo na natatangi o unique ang bawat bata. Hindi nakakatulong sa kanila ang pagkukumpara sa kanila. Nagdudulot lamang ito ng damdamin ng pagseselos o inggit, kawalan ng motibasyon, at pagkamuhi sa sarili.
2. Maging empatiko at maunawain
Sikaping maglaan palagi ng oras para alamin ang mga nangyayari sa likod ng mga pag-uugali o inaasal ng iyong anak. Isaalang-alang ang mga salik na maaaring makaapekto sa karanasan ng bata, sa kaniyang mental health, sa pagpapahalaga at pagtitiwala sa sarili. Ang pagsuporta sa pagdebelop ng pag-uugali ng bata ay pagkakaroon ng habag at pag-unawa, pakikinig, at pagiging bukas.
3. Isiping mabuti ang mga bawat sasabihin
Pagnilayan at isiping mabuti kung paano mas mainam na pag-usapan ang mga sitwasyon at pag-uugali ng iyong anak. Tandaan ang minsang nasabi mo na ay hindi na mababawi. Sikapin na ang mga salitang magmumula sa atin ay makahihikayat sa ating mga anak o magbibigay ng motibasyon sa kanila nang hindi natin nasasaktan ang kanilang damdamin.
Mga Pinagkunan ng Impormasyon: Harmful Effects of Criticising Kids, The impact of shame on child mental health, How to Help Kids Deal With Criticism
Basahin ito upang malaman kung paano matutulungan ang mga bata na maproseso ang mga negatibong emosyon.