online safety,digital parenting,big kids stage,con-00432,lch-00432,smart parenting digital parenting,Paano Pangalagaan ang Online Privacy ng Mga Bata: 8 Tips,Alamin ang 8 paraan para maprotektahan ang online privacy ng mga bata.
ParentingBig Kids

8 Paraan Sa Pangangalaga Ng Online Privacy Ng Mga Bata

Paano nga ba mapapangalagaan ng mga magulang ang online privacy ng kanilang mga anak?
PHOTO BYCanva

Sa kasalukuyang panahon, ang mga bata ay nahaharap sa isang mundo ng pagmamasid. Tila may mata na laging nakasunod o nakamanman sa kanila saan man sila magpunta o makarating. Dahil dito, nakataya ang kanilang pagkakakilanlan, lalo na sa mundo ng internet.

Noon, naitatago natin ang ating mga impormasyon at karanasan sa pagsusulat sa diary, kung saan maililihim natin ang ating mga kwento at mga ninanais. Sa modernong panahon ngayon, higit na lantad ang mga bata sa mundo teknolohiya. Mas maraming oras ang ginugugol nila online, mas maraming impormasyon ang nakokolekta ng mga kompanya na ang layunin ay impluwensiyahan ang kanilang pag-iisip at pag-uugali. Ang panonood nila ng mga online video ay lumampas na sa telebisyon dahil sa mga media activity na gusto ng mga bata.

Gayunpaman, isang paalala sa mga magulang na ang utak ng mga bata ay patuloy na nagde-develop at mas emosyonal kaysa rasyonal. Gumagawa sila ng dagliang desisyon nang hindi iniisip kung ano ang magiging kapalit o resulta nito. Kaya’t higit silang dapat gabayan sa pangangalaga ng kanilang online privacy.

Paano nakakokolekta ang mga personal na impormasyon sa online?

Ang online privacy ay karapatan ng bawat isa na kontrolin ang anumang impormasyon na ibinabahagi at kung sino ang maaaring makakuha nito kapag gumagamit ng internet. Mahalaga ang pagprotekta sa online privacy sa mga bata dahil maaaring magamit ang kanilang personal na impormasyon sa iba’t ibang layunin gaya ng pagnanakaw ng kanilang identidad, cyberbullying, at iba pa.

Maraming paraan para makuha ang mga impormasyon gaya ng paggawa ng isang account o profile sa mga social media. Ang iba pa ay:

  • Pagsagot ng mga personality test o IQ quiz sa online.
  • Pag-download at pag-register sa mga program, application, at plug-ins.
  • Pagkonekta sa mga wifi connection sa mall at pag-turn on ng location settings.
  • Palagiang pag-click ng “accept all cookies” ng mga website na binibisita. 

Paano mapangangalagaan ang online privacy ng mga bata?

Karaniwan na sa mga bata ang pagkakaroon ng peer pressure lalo na kapag nag-aaral na sila. Higit ito sa social media kung saan nagpo-post sila ng larawan, nagta-tag ng ibang tao, at naglalagay ng kanilang lokasyon. Kaya mahalaga na pag-usapan sa pamilya ang tungkol sa online privacy nang maaga bago pa sila pumasok sa paaralan para matulungan silang maprotektahan ang kanilang online privacy.

watch now

Ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa online privacy ay makatutulong upang ma-enjoy nila ang paggamit ng smartphone habang nananatiling ligtas ang kanilang impormasyon.

  1. Mag-set ng mga tuntunin sa bahay at hangganan ng paggamit ng mga social media, gaya ng pag-follow ng mga account at pag-turn off ng kanilang location setting.
  2. Gumamit ng privacy setting sa mga social media. Turuan sila na sa pag-sign up ng bagong account, ay hindi nila awtomatikong tanggapin ang mga default setting. Simulan sa pag-restrict ng ibang mga impormasyon na hindi kinakailangan.
  3. Maging maingat sa pagbabahagi ng personal na impormasyon lalo na sa pagbibigay ng tunay na pangalan at aktwal na kaarawan. Sa paglalagay ng profile photo, maaaring gumamit ng avatar o ibang larawan sa halip na selfie.
  4. I-turn off ang GPS (global positioning system) para hindi malaman ang mga eksaktong lokasyon. Gumagamit din kasi ito ng geo-tagging na kasama ang mga larawan kaya pwedeng alisin din ang lokasyon sa iyong camera.
  5. Turuan silang pumili ng kakaibang password na mahirap hulaan at iwasan ang pagbabahagi nito sa iba. Gumamit ng kombinasyon ng mga letra, simbolo, at numero, at iwasan ang paggamit ng mga personal na impormasyon gaya ng birthday.
  6. Paalalahanan sila sa pagsagot ng mga survery online na biglaang nagpa-pop up sa kanilang mga screen o mga trending na online quizzes.
  7. Iwasan ang pagbukas ng mga mensahe na ipinapadala sa kanila na naglalaman ng mga link na kailangang puntahan o i-click para makita ang mensahe.
  8. Pagkilala sa mga clickbait at phishing. Iwasan ang pag-click ng mga links, ads, o pop-ups na nakadisenyo para kunin ang kanilang atensyon at hikayatin silang i-click ang link. Maaaring paniwalaan nilang lehitimo ang mga source na ito, pero nagtataglay ito ng mga hindi angkop na content o kaya virus at maaaring dalhin sila sa mga hindi kanais-nais na website na makaaapekto sa kanilang device.

Sa kabuuan, mahalagang suriin at bantayan ang mga online activity ng mga bata at ang kanilang pakikipagkomunikasyon. Sa pamamagitan nito, matutulungang maprotektahan at agad na malaman ang anumang potensyal na panganib o banta sa kanilang online privacy gaya ng cyberbullying, scams, pagnanakaw ng identidad, at iba pa.

Makatutulong din ang pagbibigay ng mga senaryo na mauunawaan ng mga bata ang magiging epekto ng pagbabahagi nila ng kanilang mga impormasyon sa internet o hindi pagsasapribado ng mga ito. Mas higit nilang nauunawaan kung makapagbibigay ng mga awtentikong sitwasyon o pangyayari.

Sa aking karanasan, isang video ang ipinapanood ko sa aking mga anak at pamangkin tungkol sa online privacy mula sa channel ng Smile and Learn, na maaaring maakses sa link na ito. Dito ipinakita ang isang senaryo kung ano ang maaaring mangyari kung i-post nila sa lahat ng social media account ang mga detalye nila. Mula rito, naiproseso ko sa kanila ang kinakailangang pag-iingat sa pag-share ng kanilang impormasyon at mas nabigyang diin ko ang konseptong ”think before you click.”

Hindi madaling papaniwalain ang mga bata at kabataan sa mga bagay-bagay, lalo na’t malawak ang akses nila sa mga impormasyon ngayon. Pero kung bukas ang pagtuturo sa kanila tungkol sa digital literacy, mas higit silang magiging responsableng digital citizens.

Read here to learn why parents need a guide to raising kids in a digital world.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close