Ang Autism Spectrum Disorder (ASD) ay isang kondisyong nagpapakita ng patuloy na hamon sa sosyal na pakikisalamuha, pagsasalita at non-verbal communication, at mga limitado o paulit-ulit na mga pag-uugaling hindi karaniwang nakikita sa isang indibidwal.
Naglalayon itong magbigay ng mas malawak na pag-unawa sa mga maagang senyales ng autism sa mga bata, mga maaaring gawin ng mga magulang at tagapag-alaga upang harapin ang kondisyong ito, at ang kahalagahan ng maagang interbensyon.
Ano ang ASD?
Maituturing na isang neurological disorder ang ADHD. Ibig sabihin, nakakaapekto ito sa paraan ng pag-iisip ng isang tao at kung paano siya mag-thrive sa society. Nagsisimulang makita ang senyales nito mula sa pagkabata at nagpapatuloy sa buong buhay ng isang tao.
Nakakaapekto ito sa kung paano kumilos at makisalamuha ang isang tao sa iba, kung paano siya nakikipag-ugnayan, at kung paano siya natututo. Tinutukoy ng terminong "spectrum" sa autism spectrum disorder ang malawak na hanay ng mga sintomas at kalubhaan nito.
Pag-Diagnose ng Batang May ASD
Kinakailangan ang paglahok ng magkakaiba uri ng eksperto upang maayos na ma-diagnose ang batang hinihinalang may ASD. Dahil walang single medical test para matukoy ang ASD, binabatay ang proseso sa pag-observe sa pag-uugali ng bata at sa development history niya.
Narito ang mga hakbang na karaniwang sinusundan upang ma-diagnose ang ASD:
- Developmental Screening. Sa mga regular na check-up, ang pediatrician ay maaaring gumamit ng mga specific na screening tools upang masuri ang development ng bata. Ang mga maagang screening ay makakatulong na makilala ang mga bata na maaaring nasa risk ng ASD at iba pang developmental disorders.
- Comprehensive Diagnostic Evaluation. Kung may mga senyales ng posibleng ASD ang isang bata, siya ay dapat sumailalim sa isang mas detalyadong evaluation. Kasama dito ang pisikal na eksaminasyon, neurological testing, genetic testing, questionnaires at interviews, pag-obserba sa kilos ng bata, language and cognitive testing, at pagsusuri ng mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan.
- Paggamit ng Diagnostic Criteria mula sa DSM-5. Upang masuri ang ASD, susuriin ng mga propesyonal ang pag-uugali ng bata at ikukumpara ito sa diagnostic criteria na nakasaad sa DSM-5 (Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders).
- Pagsusuri ng Social Interaction at Communication Skills. Mahalagang bahagi ng diagnosis ang malalimang evaluation ng kakayahan ng bata sa social interaction at komunikasyon, kasama na rin ang kanyang mga interes at repetitive behaviors.
Ang pag-diagnose ng ASD ay maaaring magsimula sa maagang edad, mula 18 buwan pataas. Maaaring magkaroon ng malaking impact sa bata ang maagang pagtukoy at interbensyon sa kondisyon. Nagbibigay-daan din ito sa kanila upang magamit nang husto ang kanilang potensyal at magkaroon ng mas fulfilling na buhay.
Maaaring maging mahaba at emotionally challenging para sa mga pamilya ang proseso ng diagnosis, kaya naman mahalaga ang suporta at pag-unawa mula sa mga propesyonal sa kalusugan at ang komunidad na kinabibilangan ng bata.
Mga Sanhi
Bagama't hindi pa lubusang nauunawaan ang eksaktong sanhi ng ASD, iminumungkahi ng mga pag-aaral na maaaring magkaroon ng ambag ang genetics at kapaligirang kinalakihan ng mga bata.
Mga Maagang Senyales ng Autism sa Mga Bata
Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga maagang senyales na madalas mapapansin bago mag-two years old ang bata:
- Kakulangan ng eye contact
- Pagkaantala sa mga kasanayan sa pagsasalita at wika
- Kakulangan ng tugon sa kanilang pangalan sa edad na 12 buwan
- Mga paulit-ulit na pag-uugali kagaya ng pagpapakpak, paggulong, at pag-ikot nang walang malinaw na dahil kung bakit niya ginagawa ito
- Hindi pangkaraniwang sensitibo sa mga tunog, amoy, lasa, texture, at ilaw
Maaaring Gawin ng mga Magulang at Tagapag-alaga
Narito ang ilang mga estratehiya upang suportahan ang mga batang may autism:
Maagang Pagdulog sa Ispesyalista Para sa ASD
Mas maagang mapapa-checkup ang bata, mas mabuti upang hindi siya masyadong mahirapang makamit ang mga milestones na malimit na obserbahan sa mga bata. Kasama sa mga serbisyong ito ang therapy upang tulungan ang bata sa pag-usap, paglakad, at pakikisalamuha sa iba.
Structured Environment
Makakatulong ito sa mga batang may ASD na makaramdam ng seguridad at mapabuti ang kanilang pag-uugali. Nagbibigay din ang structured routines ng assurance sa bata na alam nila ang susunod na gagawin depende sa kung ano'ng oras na.
Mga Teknik sa Komunikasyon
Ilan sa mga makakatulong na mapahusay ang pag-unawa at komunikasyon ang paggamit ng mga visual aids at pagpapasimple ng wika kapag kausap sila.
Ang Kahalagahan ng Komunidad at Propesyonal na Suporta
Mahalaga para sa mga pamilyang apektado ng ASD na magtayo ng isang network ng suporta. Kasama dito ang pakikipag-ugnay sa:
Mga Propesyonal sa Pangangalagang Pangkalusugan
Maaaring magbigay ng patnubay at mga plano sa paggamot ang mga pediatrician, neurologist, at developmental specialist.
Mga Serbisyong Pang-edukasyon
Maaaring suportahan ang pag-aaral at pag-unlad ng bata sa pamamagitan ng mga espesyal na programa sa edukasyon at therapist.
Support Groups
Maaaring magbigay ng emosyonal na suporta at praktikal na payo kung makikipag-ugnayan sa ibang mga pamilya na nahaharap sa katulad na mga hamon.