Ang pagiging saksi sa paglaki ng isang anak ay isang natatanging karanasan para sa bawat magulang. Bawat bata ay may mga tinatawag na developmental milestones—mga kasanayan o gawaing inaasahang magawa nila sa tiyak na edad. Sa pamamagitan ng mga milestone na ito, mas madaling matukoy kung may mga posibleng isyung kaakibat ang kanilang pag-unlad. Kaya mahalagang obserbahan ng mga magulang ang mga pagbabagong ito mula pa sa simula ng buhay ng kanilang anak.
Bagaman may magkakaibang bilis ng development ang bawat bata, ang hindi pagtamo ng mahahalagang milestone o stage ng bata ay pinangangambahan dahil maaaring senyales ito ng Autism Spectrum Disorder (ASD).
Ang autism ay isang neurological at developmental disorder na nakaapekto sa mga kasanayang panlipunan ng isang bata, tulad ng paglalaro, pakikipag-usap, pagkatuto, at paggawa ng mga gawain. Ang bawat kaso ng autism ay bahagi ng tinatawag na ”spectrum,” mula sa banayad (mild) hanggang sa malubha (severe).
Mga Palatandaan ng Autism sa Baby
Bibihira na makita ang mga signs o senyales ng autism sa mga bagong silang na baby. Gayunman, may ilang magulang na maagang nakikita ang mga signs ng autism sa kanilang anak mula 6 hanggang 12 buwan o maaaring mas maaga pa rito. Magkakaiba man ang antas ng pag-develop ng bawat baby, mahalaga pa ring malaman kung anu-ano ang mga dapat bantayan.
Masasabing isang hamon ang pag-diagnose ng autism sa bata dahil isa itong kondisyon na makikita sa iba’t ibang indibidwal. May ibang bata kasi na mabilis na nararating ang kanilang developmental milestones at may iba naman na mabagal. Magkakaiba ng phasing ang bawat bata kahit na wala silang anumang sakit o problemang pangkalusugan. Gayunman may mga pagkakaibang developmental na makapagsasabing may autism ang isang baby. Narito ang ilang signs ng autism mula sa handout ng “Early Warning Signs of Autism Spectrum Disorder” ng Center for Disease and Control Prevention at inisa-isa rin ang ilan sa mga ito ng Kagarawan ng Kalusugan sa paglulunsad ng Autism Consciousness Week tuwing ikatlong linggo ng Enero.
1. Kawalan ng Pakikipag-ugnayang Panlipunan
- Hindi tumitingin ng direkta o naaangkop sa tao
- Kawalan ng masasayang ekspresyon
- Kawalan ng pagbabahagi ng interes
- Kawalan ng pagtugon sa mga pahiwatig mula sa sitwasyon
- Hindi pagtugon kapag tinatawag ang pangalan
- Kawalan ng koordinasyon sa di-berbal na komunikasyon
2. Kakulangan ng Pakikipagkomunikasyon
- Hindi nagpapakita ng interes sa pakikipag-ugnayan
- Kawalan ng kayayahan sa pagtuturo ng bagay
- Kakaiba ang tono o paraan ng pagsasalita
- Kawalan ng malinaw na pagbigkas ng mga tunog ng salita
- Paggamit ng kamay ng iba
3. Paulit-ulit na Gawi o Kilos at Limitadong Interes
- Pauulit-ulit na paggalaw gamit ang mga bagay (tulad ng paikot-ikot na pag-roll)
- Pauulit-ulit na kilos o posisyon ng katawan
- Kawalan ng nais sa paglalaro na may iba’t ibang uri ng laruan
- Kakaibang paraan ng paggamit ng pandama (tulad ng sobrang sensitibo sa tunog o ilaw)
- Sobrang interes sa ilang partikular na laruan
4. Regulasyon ng Emosyon
- Pagkabalisa kapag inalis ang isang bagay
- Mahirap pakalmahin kapag naiistorbo
- Biglaang pagbabago sa emosyon
- Hindi pagtugon sa mga pakikipag-ugnayan
Bukod sa mga nabanggit, narito pa ang ilan pa sa posibleng signs ng autism sa bawat milestone ng baby:
Para sa nasa edad 0-3 buwan:
- Hindi pagsunod ng kanilang paningin sa paggalaw ng mga bagay
- Sensitibo sa mga malalakas na tunog
- Limitadong ekspresyon ng mukha
- Nangingilala masyado lalo na sa mga bagong nakikita
Para sa nasa edad 4-7 buwan:
- Nagpapakita ng kawalan ng interes sa mga partikular na tunog
- Kawalan ng damdamin
- Limitadong pag-babbling
- Limitado ang mga berbal na ekspresyon
- Hindi pag-abot sa mga bagay
- Nagpapamalas ng limitadong ekspresyon at emosyon gaya ng hindi pagngiti
Para sa nasa edad 8-12 buwan:
- Hindi paggapang
- Pag-iwas sa pagtingin o eye contact
- Limitado ang nauunawaan sa mga sinasabi
- Limitado sa mga gawi o kilos gaya ng pagkaway o paggalaw ng ulo (pag-iling at pagtango)
- Hindi pagturo sa mga bagay o larawan
- Kawalan ng kakayahan sa pagtayo kahit na may suporta na
Ayon sa Autism Science Foundation, kailangan ng bata na matingnan agad ng espesyalista kapag hindi nito naaabot ang mga inaasahang milestone niya o magpamalas din ng mga sumusunod na senyales:
- Pagkawala ng mga kakayahan sa mga bagay na kaya nilang gawin dati
- Kakaiba ang gawi sa pagkain at pagtulog
- May kailangang sundin palagi na partikular na gawain o routine
- Pagkumpas ng kamay, paggalaw ng katawan, o pag-ikot
- Paulit-ulit na pagbigkas ng mga salita o parirala
- Kakaiba ang nagiging reaksiyon sa tunog, amoy, lasa, hitsura, at pakiramdam sa mga bagay
- Paghahanay ng mga laruan at iba pang bagay at naiinis kapag binago ang ayos nito
- Labis na pagtitig sa mga kakaibang bagay na nakasabit o nakabitin
- Hindi karaniwan ang pagiging mapag-isa at hindi aktibo sa mga panlipunang sitwasyon
Mahalaga ang Maagang Pagsusuri
Sa tumataas na kaso ng autism sa Pilipinas—umabot sa humigit-kumulang 1 milyon noong 2018 ayon sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan—mas naging mahalaga ang maagap na pagtugon.
Inirerekomenda ng mga pediatrician na magkaroon ng regular na screening ang mga may autism at iba pang developmental conditions para sa maayos na pagbibigay ng interbensyon sa kanila at ang anumang suportang kanilang kinakailangan. Ayon naman sa American Academy of Pediatrics, dapat magkaroon ng routine assessment ang mga batang may developmental delay kapag sumapit sila sa edad na 9,18, at 24 o 30 buwan.
Basahin kung anong kinalaman ng genes sa pagkakaroon ng autism.