Bawat magulang ay nangangarap na magkaroon ng malusog na anak at mapalaki ito nang maayos. Bukod dito, hangad din nila na magkaroon ang kanilang anak ng masaya at normal na pamumuhay. Ngunit, gaano nga ba kahanda ang isang magulang kapag napansin niyang may kakaiba sa kilos at pakikisalamuha ng kanyang anak?
Karaniwan nating naririnig ang autism bilang isang kondisyon sa mga bata kung saan nagkakaroon sila ng problema sa pakikipag-ugnayan sa iba. Nagkakaroon nga lamang palagi ng negatibong pananaw ang iba hinggil sa autism dahil sa kakulangan ng malinaw at malawak na pag-unawa kung ano ito. Gayunman, mahalagang maunawaan kung ano nga ba ang kondisyong ito at ang mga pangangailangan ng taong may autism.
Ano ang Autism Spectrum Disorder?
Paliwanag ng World Health Organization (WHO), ang Autism Spectrum Disorder (ASD) ay isang grupo ng mga magkakaibang kondisyon na batay sa antas ng kahirapan sa pakikipag-ugnayan at komunikasyon sa iba. Kabilang na rin dito ang mga hindi pangkaraniwang asal at kilos gaya ng hirap sa paglipat mula sa isang gawain patungo sa iba, o kaya naman pagbibigay nang sobrang atensiyon sa mga maliit na detalye.
Ganito rin ang paliwanag ng American Academy of Pediatrics (AAP) hinggil sa ASD. Ayon sa kanila, ito ay isang neurological na kondisyon na nakaaapekto sa mga kasanayan ng isang bata sa pakikisalamuha, pakikipagkomunikasyon, at pag-uugali. Itinuturing itong isang developmental disability, kung saan naiiba ang kanilang paraan ng pakikisalamuha, pakikipag-ugnayan, at pakikipag-usap sa iba, kumpara sa mga kapwa nilang bata.
Ang salitang ”spectrum” ay tumutukoy sa malawak na saklaw ng mga sintomas at antas ng epekto ng kondisyon. Halimbawa,may ilang batang may ASD na nakakapagsalita, habang ang iba ay hindi. May ibang bata naman na maaaring matuto sa parehong bilis kagaya ng kanilang kapwa bata nang walang dagdag na tulong, samantalang ang iba naman ay nangangailangan ng suporta. Samantala, ang ilan ay kayang mamuhay nang mag-isa, ngunit may mga nangangailangan ng panghambuhay na suporta at pagkalinga.
Paano nalalaman na may autism ang isang bata?
Batay sa datos ng WHO, tinatayang 1 sa 100 bata sa buong mundo ang mayroong autism. Ngunit nagkakaiba-iba ang bilang depende sa mga naiulat na kaso at lalim ng pagsusuri. Ayon naman sa AAP, batay sa datos mula sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) noong 2023, may 1 sa 36 bata ang apektado ng ASD.
Maaaring malaman na may ASD ang isang tao sa murang edad pa lamang niya, ngunit madalas na hindi ito agad nada-diagnose hanggang sa magka-edad na siya. Karaniwan ding may kasabay na ibang kondisyon ang autism gaya ng epilepsy, depression, anxiety, at attention deficit hyperactivity disorder o ADHD.
Para naman matiyak ang diagnosis ng ASD, kinakailangan sumailalim ang bata sa komprehensibong pagsusuri na ginagawa ng isang developmental pediatrician, psychologist, o neurologist. Gumagamit ang mga eksperto ng estandardisadong gabay para sa pagsusuri. Napakahalaga rin ng maagang pagbibigay rin ng interbensyon sa mga batang may autism dahil nagagawa nitong maturuan ng kasanayang panlipunan at pakikipag-ugnayang sosyal ang mga ito.
Ano ang mga pangangailangan ng batang may autism?
Nagkakaiba-iba ang kakayahan at pangangailangan ng mga batang may autism. Posible rin na magbago ito sa paglipas ng panahon at habang sila’y lumalaki. Tulad ng nabanggit sa una, mayroong may kakayahang mabuhay nang normal tulad ng kapwa nila bata, ngunit may iba na nangangailangan ng panghambuhay na suporta. Isa ito sa malaking hamon na kinakaharap ng kanilang pamilya. Bukod dito, malaking usapin din ang pangangailangan sa edukasyon at ang pagtatrabaho nila.
Kailangan din nila ng mga therapy na makakatulong mapaunlad ang kanilang mga kakayahan. Ilan sa mga ito ay:
- Behavioral therapy: Nagtuturo sa kanila ng mga kasanayang kailangan para sa komunikasyon at pang-araw-araw na gawain.
- Speech therapy: Tumutulong na mapabuti ang kanilang kakayahan sa pagsasalita.
- Social skills training: Nakakatulong na madebelop ang kanilang kakayahan sa pakikipag-ugnayan sa iba.
- Special education programs: Mga angkop na sistema ng pagkatuto para sa kanilang pangangailangan.
Ano ang mga sanhi ng autism?
Batay sa mga siyentipikong ebidensya at mga pag-aaral, sinasabing walang iisang sanhi ang ASD at maaaring maraming salik o factor ang nakaapekto sa mga bata para magkaroon nito, kabilang ang genetic, kapaligiran, at neurodevelopmental factors.
- Genetic: Ipinapakita ng mga pag-aaral na namamana ang ASD. May ilang pagbabago sa genes na naiuugnay rin sa autism pero hindi rin lahat ng kaso ay mula sa genes.
- Kapaligiran: Tinitingnang salik din ang edad ng magulang sa pagbubuntis, kung premature ang panganganak, o na-expose sa toxins habang nagbubuntis ito. Ngunit, paliwanag ng mga siyentipiko na walang ebidensyang nagpapatunay na nagdudulot ng autism ang ilang bakuna, na pinaniniwalaan ng ilan.
- Developmental: May mga pag-aaral din na nagpapakita sa debelopment ng ilang bahagi ng utak ng isang batang may ASD lalo na sa bahagi ng pakikipag-usap sa iba at pagpoproseso ng emosyon.
Pagtanggap at suporta sa lipunan
Sa kasalukuyan, lumalawak na ang kaalaman ng publiko tungkol sa ASD. Tumataas na rin ang antas ng pagtanggap nito sa lipunan nang walang paghuhusga, kundi higit na pag-unawa at walang panghuhusga sa mga may autism. Marami rin ang nagtataguyod nito tulad ng mga organisasyon at adbokasiya na nagsusulong sa karapatan ng mga taong may autism at para mawala na rin ang diskriminasyon sa kanila.
Ang ASD ay isang kondisyon na komplikado at magkakaiba ang anyo sa bawat tao. Mahalaga ang patuloy na pagtulong ng pamilya, paaralan, at komunidad para maitaguyod ang isang lipunang nagpapahalaga at sumusuporta sa bawat indibidwal na may autism. Kailangang matiyak na natutugunan ang pangngailangan ng bawat isa at may patas na oportunidad sa mga may autism.
Alamin ang ilang sintomas at pattern ng pag-uugali na kaugnay sa autism dito.