May nakilala ka na bang hirap makipag-usap? O hindi talaga nakapagsasalita—at tandaang iba pa ito sa pagiging mute o walang kakayahang makapagsalita.
May medical condition na kung tawagin ay nonverbal autism, na isang aspeto ng Autism Spectrum Disorder (ASD). Mga pagsubok sa pamamaraan ng komunikasyon ang dala nito.
Narito ang gabay tungkol sa ganitong medical condition—mga dapat malamang sanhi, senyales, lunas, paano maiiwasan, at kung kailan dapat kumonsulta sa doktor.
Table of Contents
- Ano ang Nonverbal Autism?
- Mga Sanhi ng Nonverbal Autism
- Mga Senyales ng Nonverbal Autism
- Treatment Options
- Paano Maiiwasan ang Nonverbal Autism
- Mga Dapat Gawin Kung May Nonverbal Autism ang Iyong Anak
- Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor?
Ano ang Nonverbal Autism?
Ang nonverbal autism ay subtype ng autism spectrum disorder, isang diverse group ng mga medical conditions na may kaugnayan sa development ng utak. Nagkakaroon ng mahahalaga o significant challenges sa expressive language development ng isang tao gawa ng ASD.
Paliwanag ng World Health Organization (WHO), isa sa isandaang (1:100) mga bata ay mayroong autism. Posibleng mayroon na ring mga senyales mula pagkabata ngunit karaniwang ang diagnosis ay nabubuo matapos ang ilan pang mga taon.
Ang mga kakayahan at pangangailangan ng mga may autism ay maaari ding magkakaiba at nagbabago sa paglipas ng panahon. May ilang kakayaning mamuhay nang nag-iisa, at mayroon ding mga kailangan talaga ng panghabambuhay na gabay at suporta.
Pagdating sa nonverbal autism, ang mga indibidwal na mayroon nito ay hirap sa pakikipag-usap at sa pagsasabi kung ano ang kanilang mga kailangan, naiisip, o nadarama.
“When a person with autism is nonspeaking, they do not communicate using spoken language, including vocalizations or sounds which have symbolic meaning,” paliwanag ni Meghan O’Neill, MD, neurodevelopmental disabilities physician sa Ann & Robert H. Lurie Children's Hospital ng Chicago at isang assistant professor ng Pediatrics sa Northwestern University Feinberg School of Medicine. “But when someone is nonverbal, this does not mean that the individual cannot engage in communication, which broadly represents the exchange of messages or information between two people.”
Mahalagang maunawaan na ang mga mayroong ganitong uri ng autism ay gumagamit ng iba pang paraan ng komunikasyon kagaya ng gestures, visuals, o assistive communication devices.
Kung tutuusin, maraming ASD advocacy groups na gusto nang iwasan ang paggamit sa salita o term na “nonverbal;” may paliwanag din si Dr. O’Neill dito.
Aniya, mayroon kasing mga tao na nag-aakalang kapag nonverbal ay hindi na nakauunawa sa wikang ginagamit. Ginagawa nilang katumbas ng nonverbal ang general inability o pangkalahatang kawalan ng kakayahang makipag-ugnayan. Nagkakaroon tuloy ng maling mga akala o assumptions tungkol sa taong hindi nakapagsasalita o hindi nagsasalita.
Ang mga batang may ASD ay nahihirapan dahil sa primary, brain-based deficits sa pag-unawa sa aspektong social, at pabalik-balik o back-and-forth nature ng komunikasyon.
“We have to learn to communicate before we can move to the next step of learning to use language,” dagdag pa ni Dr. O’Neill.
May ibang tao na gumagamit sa term na “preverbal” kapag tinutukoy ang mga hindi nakagagamit ng mga salita o wika pero marunong nang gumamit ng kilos o gestures sa pakikipag-usap. Ito ay inisyal na ring hakbang sa mga natututo pa lamang na magsalita.
Karagdagan pa rito, maraming mga batang may ASD na hirap din sa pag-unawa sa mga simbolo at kahulugan ng mga ito. May malaking impact kasi ito sa pagkatuto ng wika, word learning, at abilidad na makapag-engage sa symbolic play. Halimbawa, kapag naglalaro sila ng mga manyika at pinakakain ang manyika, o kaya may hawak silang saging at ginagamit ito bilang telepono.
Mga Sanhi ng Nonverbal Autism
Mahirap matukoy ang eksaktong sanhi nito. Kailangan ding tandaang ang ASD ay complex condition na naiimpluwensiyahan ng kombinasyon ng genetic at environmental factors.
Mayroong mga pag-aaral na nailathala na rin sa medical journals, tulad ng Journal of Autism and Developmental Disorders, na nagsasabing ang kombinasyon ng genetic predisposition at prenatal factors ang maaaring naging sanhi ng nonverbal autism.
Mga Senyales ng Nonverbal Autism
Malaking tulong kapag habang maaga pa'y natutukoy nang may signs ng nonverbal autism ang isang bata. Kasama sa mga ito ay ang sumusunod:
- Limitado o wala talagang spoken language
- Hirap sa pag-unawa at paggamit ng nonverbal communication (hal., gestures, facial expressions)
- Hirap sa pakikisama o sa pakikipagkaibigan
- Repetitive behaviors o intense focus sa specific interests
- Sensory sensitivities (hal., sensitivity sa liwanag, tunog, o sa touch)
Treatment Options
Walang tiyak na gamot o lunas para sa ganitong medical condition. Ngunit tandaang mayroong iba't ibang interventions at therapies na nakatutulong para mag-improve ang communication skills at ang overall wellbeing ng pasyente.
Ilan sa inirerekomenda ng mga propesyonal at healthcare providers ang sumusunod:
Speech and Language Therapy
Mainam ang pakikipagtulungan ng speech therapists upang makabuo ng alternatibong paraan ng komunikasyon. Kasama rito ang paggamit ng sign language o augmentative at alternative communication (AAC) devices.
Behavioral Therapy
Ang Applied Behavior Analysis (ABA) ay malawakang therapeutic approach na nakatuon sa pagpapalakas sa positive behaviors at pagbabawas sa challenging behaviors.
Occupational Therapy
Ang therapy na ito ay nakatuon sa sensory sensitivities at sa pagtuturo ng daily living skills.
Paano Maiiwasan ang Nonverbal Autism?
Wala pang natutukoy na paraan upang maiwasan ito ngunit ang maagang pagtukoy at intervention ang maaaring makatulong upang ma-improve ang lagay ng pasyente.
Maituturing na preventive measures ang sumusunod:
- early prenatal care
- pag-iwas sa exposure sa environmental toxins
- genetic counseling
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), makapagbibigay ng impormasyon ang genetic counseling tungkol sa mga kondisyong nakaaapekto sa iyo at sa iyong pamilya.
Ang isang genetic counselor o iba pang healthcare professional ay mangongolekta ng personal at family health history. Magagamit ito para matukoy ang posibilidad ng pagkakaroon ng genetic condition.
Mga Dapat Gawin Kung May Nonverbal Autism ang iyong Anak
Tandaang ang mga indibidwal na mayroon nito ay maari pa ring maging malusog, masaya, at maayos ang pamumuhay. Mahalaga lamang na mayroon silang pamilyang nakasuporta sa kanila.
Narito ang tips para sa mga may inaalagang mayroong nonverbal autism:
Gumamit ng Alternatibong Komunikasyon
Maging handa sa paghahanap at paggamit ng iba pang paraan ng komunikasyon. Ilan dito ang visual supports, mga larawan, o communication devices
Magbigay ng Supportive Environment
Bawasan ang sensory triggers at mag-provide rin ng calm, structured environment dahil dito siya makararamdam ng comfort at seguridad
Bumuo ng Social Connections
Hikayatin siyang makipag-usap at makisama sa mga kaedad niya at mga kapamilya. Maaari pa ring ma-develop ang social skills sa tulong ng iba't ibang mga gawain at shared interests
Maghanda ng Individualized Education Plans (IEPs)
Mainam din ang pagkonsulta at pakikipag-collaborate sa educators para sa kanyang personalized education plans. Makatutulong kung mayroong mga oportunidad na magagamit ang kanyang natatanging strengths o lakas sa pagharap sa iba't ibang sitwasyon.
Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor?
Paalala ni Dr. O’Neill, dapat tandaan ng mga pamilyang apektado ng ASD lalo ng nonverbal autism na complex ang wika at higit na malawak ang komunikasyon kaysa sa kakayahan ng taong makapagsalita at makipag-usap sa kapwa.
Malaking tulong kung maaga pa lamang ay natukoy nang may nonverbal autism ang isang bata. Kung mayroong mga senyales na ang iyong anak ay may ganitong medical condition, agad nang komunsulta sa doktor.
Narito ang ilang maaaring mapansin o maobserbahan kung mayroong nonverbal autism ang iyong anak:
Lack of Speech Development
Normal naman ang delays sa speech and language milestones ngunit kung kapansin-pansing nahuhuli na ang anak, komunsulta na sa inyong doktor.
Social o Behavioral Concerns
Kapag napansing hirap ang anak sa pakikisama o pakikitungo sa iba, o nahaharap siya madalas sa hindi maayos na sitwasyon at repetitive behaviors.
Regression
Kapag nalilimot niya ang natutuhang mga salita o social skills.
Sensitibo sa stimuli
Kung sensitibo siya sa stimuli at nakaaapekto ito sa kanyang daily activities.
Mayroon ding evidence-based psychosocial interventions na maaaring makapagpabuti sa communication at social skills, na mayroon ding positive impact sa well-being at kalidad ng buhay ng mayroong mga nonverbal autism at ng mga nag-aalaga sa kanila, kagaya ng mga kapamilya.
Mahalaga ring tandaan na ang pag-aalaga sa mga taong may autism ay dapat na nasa community level din para mas mayroong access ang mga nangangailangan ng suporta, pang-unawa, at pag-aaruga.