Natural sa mga bata ang pagiging malikot at makulit. Para silang mga kitikiti na hindi mapakali sa kanilang inuupuan o kinatatayuan. May mga batang na palaging nais maglakad or tumakbo, umakyat sa mataas na lugar, at magtatalon-talon sa mga higaan o upuan. Meron ding mga bata na hindi natitigilan sa isang gawain, palipat-lipat mula sa isang aktibidad papunta sa iba. Para bang wala silang kapaguran. Madalas nating sinasabi na normal lang ito dahil bata pa sila.
Marami rin sa mga bata ang palatanong at paulit-ulit sa kanilang mga tanong. Sinusubukan din nilang gawin ang iba’t ibang bagay dahil sa kanilang kuryosidad, at talagang marami silang enerhiya. Ngunit minsan, kapag sobra na ang kanilang pagiging aktibo, napapaisip tayo kung normal pa ba ito o baka may kondisyon na. Bagaman parte nga ng paglaki ng bata ang sobrang kakulitan at kalikutan, paano nga ba natin masasabi kung hyper na bata lang nga ba o baka ADHD na ang kondisyon nito?
Ano ang pagiging hyper na bata?
Hindi naman sa lahat ng pagkakataon na ang isang hyper na bata ay may ADHD na. Normal sa mga bata ang magkaroon ng mataas na antas ng enerhiya, lalo na kapag masaya sila o aktibo ang kanilang kapaligiran. Ang isang bata na hyper ay kaya pa ring magpokus kung kinakailangan, o sa mga partikular na sitwasyon. Halimbawa, kapag nanonood ng kanilang paboritong palabas, nagagawa nilang manatiling tahimik at nakatutok.
Ang pagkain ng matatamis o mga pagkaing may caffeine ay maaari ring magdulotng pagiging pagiging hyper o aktibo ng isang bata. Gayunpaman, kaya pa rin nilang sumunod sa mga utos at manatiling kalmado kapag binigyan ng gabay. Nagagawa rin nilang magpokus sa mga gawain na nae-enjoy nila sa matagal na panahon gaya ng panonood. Nababawasan din ang kanilang pagiging hyper kapag naging may estruktura ang kapaligiran nila.
Ngunit para sa mga batang may ADHD, hindi nawawala ang pagiging hyper anuman ang sitwasyon. Mahirap talaga para sa kanila ang umupo at manatili sa isang lugar nang matagal, at madalas hindi nila natatapos ang anumang sinimulang gawain. Bukod pa rito, nagpapakita rin sila ng mga impulsive na kilos, tulad ng pagsabat sa usapan, o pagkuha ng mga bagay nang walang paalam.
Paano malalaman kung ang bata ay hyper o may ADHD na?
Karaniwan nating naririnig sa mga magulang ang mga pahayag na, ”Napakakulit ng anak ko. Nakakaubos talaga ng pasensya.” Maraming mga magulang ang nalilito at hindi matiyak kung normal lang ba ang ikinikilos ng kanilang anak o may dapat nang ipag-alala.
Sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga ang pag-oobserba sa pag-uugali ng bata sa iba’t ibang kapaligiran nito gaya sa bahay, sa paaralan, sa mall o iba pang lugar. Kasama na rin ang pag-obserba sa pakikisalamuha o pakikitungo nila sa ibang tao.
Narito ang ilang mga tanong na maaaring maging gabay sa pag-oobserba:
- Madali ba silang madistract?
- Nahihirapan ba silang sumunod sa mga sinasabi o inuutos sa kanila?
- Hindi ba nila natatapos ang mga sinimulan nilng gawain?
- Masyado ba silang makakalimutin?
- Madali ba silang mainip at hindi makapaghintay?
- Madalas ba silang sumabat sa usapan ng ibang tao?
Kung napapansin mo ang mga ganitong pag-uugali at tila hindi na normal o katanggap-tanggap para sa edad ng bata, makatutulong ang pagkonsulta sa espeyalista para tiyak na masuri ang iyong anak. Hindi kailangang matakot sa ideya na baka may ADHD ang iyong anak. Ang wastong pagsusuri ay makakatulong upang maibigay ang tamang suporta at atensyon na kailangan nila.
Ano ang mga sintomas na may ADHD ang isang bata?
Ang Attention Deficit Hyperactivity Disorder o ADHD ay isang kondisyon na nakakaapekto sa pag-uugali ng isang tao. Ayon sa National Health Service (NHS), maaaring kabilang sa mga sintomas ng ADHD ang pagiging labis na malikot o hyper, hirap sa pagtuon ng pansin, hindi mapirmi sa isang lugar, at impulsive na mga kilos. ay isang kondisyon na nakaapekto sa pag-uugali o behavior ng isang tao.
Ayon sa KidsHealth, ang mga batang may ADHD ay madalas nahihirapang magbigay ng atensyon sa isang bagay, makinig at sumunod sa mga tagubilin, at maghintay ng kanilang turn. Ang mga sintomas na ito ay maaaring makasagabal sa kanilang pang-araw-araw na gawain at pag-unlad. Kabilang sa mga sintomas ng ADHD ay ang patuloy na pagiging inattentive, hyperactive, at impulsive.
Ang mga batang may ADHD ay mapapansin ding madalas na distracted ng mga bagay-bagay sa kanilang paligid. Hirap silang magbigay ng buong atensyon sa mga gawain, sumunod sa mga panuto, at maging organisado. Kailangan nila ang paulit-ulit na pagpapaalala sa paggawa ng mga bagay. Bukod pa rito, padalos-dalos sila sa mga bagay na tila hindi napag-iisipan kaya nakakagawa ng mga pagkakamali. Ginagawa rin nila ang mga bagay na hindi dapat kahit alam nilang mali at nahihirapan silang maghintay at magbahagi.
Isa pang karaniwang sintomas ng ADHD ay ang kawalan ng kontrol sa sarili, tulad ng biglang pagsabat sa mga usapan o paggawa ng mga bagay na hindi naaayon. Hirap din silang maghintay, kaya madalas nilang sinasabay ang sarili sa usapan kahit hindi pa tapos ang kausap.
ADHD ba o normal lang na kakulitan?
Mahalagang tandaan na hindi lahat ng makulit at malikot na bata ay may ADHD. Ang mga batang may ADHD at nagpapakita ng mga sintomas nang patuloy at hindi lamang sa iisang sitwasyon. Mahalaga ang pagkakaroon ng wastong pagsusuri upang matukoy kung mayADHD ang isang bata o normal lamang ang kanilang pagiging hyper.
Kung napapanisin na ang bata ay hindi na nakaka-pokus sa kanilang mga gawain, o mga aktibidad na kadalasan namang nakakaaliw sa kanila, o kung madalas silang hindi sumusunod sa mga panuto o utos, o nagpapakita ng labis na paka-impulsive sa pag-uugali, makakabuting kumonsulta sa doktor upang magkaroon ng tamang diagnosis at mabigyan ng tamang suporta ang bata.
Sa huli, ang pagiging hyper na bata o pagkakaroon ng ADHD ay hindi maituturing na malaking problema sa bata. Bahagi ito ng kanilang masalimuot at makulay na mundo ng pagkabata at pag-unlad. Sa ganitong mga pagkakataon, mahalaga ang gampanin ng mga magulang, guro, at iba pang tao sa kanilang paligid ang lubos na pag-unawa at matibay na suporta para matiyak ang kanilang paglaki sa isang kapaligirang puno ng pagmamahal at paggabay. Kailangang kilalanin ang kanilang pangangailangan at tugunan ang tama ito upang matulungan silang maabot ang kanilang higit na potensiyal sa kabila ng kondisyon.
Read here for a pediatrician’s advice to parents in diagnosing ADHD.