Ang Autism Spectrum Disorder o ASD ay tumutukoy sa iba’t ibang kondisyon na may kinalaman sa pagdebelop ng utak ng isang bata. Ayon sa Autism Society of the Philippines, ito ay isang panghambuhay na pagkakaiba sa pag-unlad ng mga kakayahan ng isang bata, at maaari itong maging hamon sa kanyang kakayahang makipagkomunikasyon, makisalamuha, at makiangkop sa normal na pamumuhay sa mundong kaniyang ginagalawan. Ang mga batang may ASD ay may iba't ibang paraan ng pagkatuto, pagkilos, at pagbibigay ng atensiyon.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 1 sa bawat 100 bata ay may autism. Maaaring matukoy ang autism sa murang edad, ngunit may mga kaso rin kung saan huli na ang pagpapakita ng mga sintomas. Ang kakayahan at pangangailangan ng batang may autism ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Iba-iba ang kondisyon at kaso ng mga batang may autism, na nagpapatunay na ang bawat indibidwal ay natatangi at may sariling debelopment. May ilan na kayang mamuhay nang mag-isa, ngunit may iba na matindi ang kapansanan at nangangailangan ng panghabambuhay na pangangalaga at suporta.
Ang Kalagayan ng Autism sa Bansa
Sa katunayan, naalarma na rin ang ating pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng kaso ng autism sa ating bansa. Bagaman sinasabing isang salik na nakaapekto ang genetic at namamana, patuloy pa rin ang mga pag-aaral at pananaliksik upang malaman ang tiyak na mga dahilan nito. Batay sa datos ng Department of Health (DOH) na binanggit sa website ng Senado, mula sa 500,000 Pilipino na may autism noong 2008, umabot na ito sa isang milyon noong 2018. Ang sitwasyon ay higit pang lumala noong pandemya, kung saan karamihan sa mga bata ay nakulong sa bahay at nawalan ng pagkakataon makipag-ugnayan sa mga kalaro at sa labas ng bahay, na nagdulot ng malaking epekto sa kanilang pag-unlad.
Mga Sintomas ng Autism
Ibinahagi ni Mommy Joanne ang kanyang karanasan sa kanyang unica hija na na-diagnose ng ADHD sa edad na 4 na taon. Nang tumuntong ang anak niya ng 2 taon, napansin ng kapatid niya na hindi pa ito nakapagsasalita. Ayon kay Mommy Joanne, sobrang likot din ng bata kapag sila ay lumalabas at hindi ito sumusunod sa kanya. Bagaman alam niyang may kakaiba, nasa stage siya na in denial sa sitwasyon kaya pinapabayaan lamang niya. Ngunit nang mag-4 na taon na ang bata, napansin niyang mahilig itong magpunta sa supermarket at basahin ang mga brand ng produkto na parang nag-iinventory. Nang pumasok na ito sa paaralan, ayaw na ring makipaglaro sa ibang bata, kaya't siya'y nag-alala at nagpasiyang ipatingin ito sa espesyalista. Bukod sa pagiging pandemic baby ng kanyang anak, isa rin sa nakikita niyang dahilan ang maagang pagka-expose nito sa gadget at YouTube.
Ayon sa website ng Autism Pinoy at Centers for Disease Control and Prevention (CDC), narito ang ilang mga karaniwang sintomas ng autism na nangangailangan ng agarang ebalwasyon.
Karaniwang sintomas ng autism sa bawat edad ng bata
Sa 6 na buwan
Hindi ngumingiti o walang ibang mainit na pagtanggap, masayahing ekspresyon pagsapit ng anim na buwan o pagkaraan nito.
Sa 9 na buwan
Hindi nakikipagpalitan ng tunog, ngiti, at iba pang ekspresyon ng mukha pagsapit ng siyam na buwan o pagkaraan nito.
Sa 12 buwan
Walang ginagawang tunong o pag-respond pagsapit ng 12 buwan, hindi rin lumilingon kapag tinatawag ang kanilang pangalan. Hindi rin nagpapakita ng pagsunod ng kilos o galaw, tulad ng pagtuturo, pagpapakita, pag-abot o pagkaway.
Sa 16 na buwan
Hindi pa rin nakakapagsalita sa pagsapit ng 16 na buwan o maaaring gumagamit ng isang salita lamang.
Sa 18 buwan
Kung may speech delay, magagawa nila ang ekspresyon ng mukha at paggalaw ng kamay gaya ng pagtuturo ng bagay o paghihila ng kamay.
Sa 24 na buwan
Walang malinaw o maayos na pariralang nasasabi (na hindi ginagaya o inuulit) pagsapit ng 24 na buwan. Anumang pagkawala ng pananalita o pagbubulaslas o mga kasanayang panlipunan o pakikihalubilo sa anumang edad.
Sa 36 na buwan
Hindi nais na makihalubilo at makipaglaro sa ibang bata
Sa 48 na buwan
Ayaw magpanggap na maging gaya ng ibang tao, tulad ng guro, doktor, o superhero
Sa 60 buwan
Hindi kumakanta, sumasayaw, o kumikilos kapag sinasabi mong gawin ito.
Iba pang posibleng sintomas ng autism:
- Inihahanay ang mga laruan at iba pang gamit at madaling mainis kapag nawala ito sa ayos.
- Paulit-ulit na sinasabi ang isang salita o pahayag (tinatawag itong echolalia).
- Naglalaro ng mga laruan na pareho lamang lagi o ginagawa ang isang bagay nang paulit-ulit.
- Nakapokus sa mga bahagi ng bagay.
- Madaling mainis kahit sa simpleng pagbabago.
- May labis na interes sa isang partikular na bagay.
- Kailangang sundin ang ilang mga nakasanayang gawain.
- Pinapagaspas ang mga kamay, iniindayog ang katawan, o umiikot sa sarili.
- May kakaibang reaksiyon sa tunog, amoy, lasa, o pakiramdam sa mga bagay.
- Nahihirapang sumunod o makiayon sa mga pagbabago sa gawain.
- Hindi nakikipaglaro ng mga ”pretend games” gaya ng pag-aalaga sa baby (doll).
- Hindi nakatingin sa bagay na itinuturo ng tao.
- Iniiwasan ang eye contact at mas nais na mapag-isa.
- Nahihirapang unawain ang damdamin ng iba o ibahagi rin ang kanilang damdamin.
- Papayag lamang magpayakap kapag gusto lamang nila.
Gayunpaman, magkakaiba pa rin ang sintomas ng batang may autism dahil iba-iba rin ang sitwasyon at kaso ng bawat bata. Kailangan lamang na maging bukas ang magulang sa pagtanggap kahit na hindi ito magiging madali sa simula, at maipatingin agad ang anak kung may napapansin nang hindi pangkaraniwan. Ang mga agarang interbensyon ay makatutulong sa pagpapabuti ng sitwasyon ng bata.
Alamin kung paano makakatulong ang Autism Care Bill sa mga bata na nasa Autism spectrum dito.