Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
7 Bagay na Bukambibig ng Magulang, Walang Epekto sa Anak
PHOTO BY @yongtick/iStock
  • Hindi sapat ang salitang “challenging” upang ilarawan kung paano mag-alaga ng anak, lalo na kung preschooler pa lamang ito. Ang pagpapasunod sa batang edad 3-5 ay para na ring pakikipagtagisan ng talas ng isip sa kanila — at madalas ay sila pa ang nananalo.

    Pagdisiplina sa anak: Mga linyang hindi dapat sabihin

    Dahil na rin sa sobrang pagod, hindi na natin minsan napipigilan ang makapagsabi ng mga bagay na nakasanayan na nating mga Pilipinong magulang. Maaaring sa iyong karanasan, umepekto rin ang mga ito noon. Ngunit tandaang may mga sinasabi tayo na maaaring hindi na pala makabubuti sa pagdisiplina sa bata. Narito ang ilan na mabuting iwasan. 

    1. “Huwag kang umiyak.”

    Gusto lamang nating gumaan ang pakiramdam ng ating mga anak kaya natin ito nasasabi. Ngunit ayon kay Janet Lansbury, ang pagkilala sa nararamdamang sama ng loob ng ating anak ang higit na makatutulong sa kaniya upang maging okay ulit. Si Lansbury ay parenting advisor at host ng sikat na podcast, Respectful Parenting.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    “Feeling understood is a powerful thing,” (Malaking bagay ang maramdamang nauunawaan ka) aniya. Dapat ipaalam sa ating mga anak na okay lang makaramdam ng samut-saring emosyon tulad ng kalungkutan at galit. Ang mahalaga’y kung paano ginagamit at napangingibabawan ang mga ito.

    Ito na lang ang sabihin: “Alam kong galit ka dahil gusto mong bilhin natin ang laruan pero…”

    Ipaliwanag lamang nang mabuti sa kaniya kung bakit hindi ninyo bibilhin ang bagay na gusto niya.

    More from Smart Parenting

    2. “Umayos ka!” o “Tama na!”

    Kapag hindi malinaw ang ating sinasabi, maaring hindi sumunod ang mga bata dahil hindi nila naintindihan, lalo kung ang iyong anak ay napakabata pa upang maunawaan ang gusto mo talagang sabihin. Kailangang malinaw at eksakto ang ating sasabihin kapag mayroon tayong gustong ipagawa o gustong ipatigil na gawin sa ating anak.

    Ito na lang ang sabihin: “Umupo ka lang diyan,” o “Hawakan mo ang kamay ko, anak.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    3. “Sige ka, iiwan kita dito.”

    Madalas, napakahirap para sa isang bata na umalis sa playground dahil enjoy na enjoy pa siya sa paglalaro. Kapag oras na para umuwi, bigyan lamang siya ng sapat na oras, at iwasang sabihin na iiwan mo siya. Kung paulit-ulit ang pananakot sa kaniya, posibleng mawalan siya ng tiwala sa iyo at mapalayo pa ang kalooban sa iyo.

    Sa panayam sa The Atlantic, sinabi ni Dr. L. Alan Sroufe, propesor sa Institute of Child Development ng University of Minnesota, ang pagiging malapit ng bata sa kaniyang mga magulang at sa mga nag-aalaga sa kaniya ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng kaniyang paglaki.

    “Threatening your child with abandonment, even in seemingly lighthearted ways, can shake the foundation of security and well-being that you represent, (Kahit pabiro pa, ang pananakot sa bata na iiwan siya ay maaaring makapagpahina sa pundasyon ng seguridad at kabutihang kinakatawan mo bilang magulang) dagdag pa ni Sroufe.

    Ito na lang ang sabihin: “Malapit na ang dinner, aalis na tayo pagkatapos ng 5 minuto.” Maaari ring sabihin sa kaniya kapag apat, tatlo, dalawa, hanggang isang minuto na lang ang natitira.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    4. “Mag-sorry ka.”

    Hindi inirerekomenda ng mga eksperto ang pagpuwersa o pagpilit sa bata na humingi ng tawad. Mali ito ayon sa child psychologist na si Dr. Laura Markham. Kapag pinipilit ang bata na mag-sorry gayong hindi pa siya handa, hindi ito nakatutulong na maayos ang relasyon, dagdag pa niya. Imbes na maturuan siya ng mahalagang aral, nagiging isyu tuloy ito ng paghingi niya ng tawad.  

    Ito na lang ang sabihin: “Ano sa tingin mo ang nararamdaman ng kaibigan mo? Kung ikaw siya, ano ang mararamdaman mo? Anong magagawa mo para makatulong?”

    More from Smart Parenting

    5. “Lagot ka pagdating ni Daddy.”

    Pinakaepektibo ang pagdidisiplina kapag ginagawa ito pagkatapos ng pagkakamali o pagsuway ng iyong anak. “By the time the other parent gets home, it's likely that your child will actually have forgotten what she did wrong,” (Sa oras ng pagdating ng tatay, posibleng nakalimutan na ng anak mo ang nagawa niyang kasalanan) pahayag ni Paula Spencer, co-author ng The Happiest Toddler on the Block, sa isang artikulo para sa Parenting. Minamaliit din ng linyang ito ang awtoridad mo bilang magulang, dahil maiisip ng bata na ang tatay lamang niya ang dapat dumisiplina sa kaniya.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ito na lang ang gawin: Magtakda ng tuntuning susundin niya at ng mga angkop na bunga ng kaniyang mga gagawin. Makikita ang ilang tips sa pagdidisiplina dito.

    6. “Pag behaved ka, bibili tayo ng toy later.”

    Ayon kay Heidi Murkoff, awtor ng What to Expect When You’re Expecting series, hindi makatutulong ito dahil laging naghahanap ng kapalit na reward ang iyong anak sa bawat gagawin niya. Kahit gaano pa katindi ang temptasyong sabihing may premyo o regalo siya, dapat itong iwasan upang hindi lumaking brat ang anak.

    Ito na lang ang gawin: Ipaalam sa iyong anak na hinihingi sa lahat ng pagkakataon ang mabuting asal at hindi lamang kung mayroong kapalit na premyo para sa kaniya.

    7. Naririnig ka ng iyong anak na sinasabi mo sa iba: “Mahiyain e.” o “Matigas ang ulo.”

    Ayon kay Spencer, “Young children believe what they hear without question, even when it's about themselves. So negative labels can become a self-fulfilling prophecy.” (Ang mga bata’y naniniwala sa kanilang naririnig nang walang kuwestiyon, kahit tungkol pa ito sa kanila. Kung kaya’t ang negatibong labels ay maaaring maging self-fulfilling prophecy.) Ang pag-ugnay ng anomang label tulad ng “mahiyain” ang maaaring makaapekto sa pagtingin ng bata sa sarili. Hindi rin makatutulong ang bansag na “matigas ang ulo,” “spoiled,” “tamad,” o “magulo.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ano ang iyong maaaring gawin? Pagtuunan ng pansin kung paano matutulungan ang iyong anak.

    Ito na lang ang sabihin: “Oo, mas gusto niyang mag-isa sa simula pero nakikipaglaro din siya sa ibang mga bata.”

    Mahalagang pag-isipan ng mga magulang ang kanilang sinasabi sa kanilang mga anak dahil karamihan sa mga ito ang magmamarka sa isip ng mga bata at dadalhin nila sa kanilang mga puso sa kanilang paglaki. Sadyang tunay na makapangyarihan ang salita.

    Ang impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa 7 Things Pinoy Parents Say to Discipline a Child That Don't Really Work

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles