preschoolers,manners,school,preschool,preschooler,preschool child,etiquette,school-age child,GMRC,sc23,Mabuting Asal Sa Paaralan | Smart Parenting,gmrc, manners, etiquette, children, school, preschool, back to school, curriculum, student, teacher, grade school,Ito ang mabuting asal sa paaralan na marapat matutunan ng mga bata.
ParentingPreschooler

Paggalang, Pagsabi Ng Totoo, Atbp.—8 Mabubuting Asal Sa Paaralan Na Dapat Matutuhan Ng Mag-Aaral

Ang mabuting asal ay unang natutunan sa tahanan.
PHOTO BYADOBE

Ngayong nagbalik-eskuwela na naman ang mga mag-aaral sa paaralan, muling pagbabalik ng mga klase na face to face, mahalagang ipaalala sa kanila ang mabubuting asal sa paaralan na dapat nilang taglayin. Bukod sa pagiging abala nating mga magulang sa pag-aasikaso ng mga gamit at pangangailangan sa paaralan, dapat na isaalang-alang din ang pagbibigay-pansin sa pagpaalala at paghahanda ng ating mga anak sa kaniyang pakikisalamuha sa ibang tao.  

Sabi nga ng palasak na kasabihan, “sa bahay nagsisimula ang mabuting asal.” Hindi mapasusubalian ang mahalagang gampanin ng mga magulang sa pagtuturo ng kabutihang asal sa ating mga anak. Dapat na maging mabuting modelo tayong mga magulang sa ating mga anak. Sabi nga, “kung ano ang ginagawa ng matanda, siyang ginagaya at nagiging tama rin sa tingin ng bata.” 

Totoong responsibildad natin ang paghubog sa kanila na magkaroon mga tamang kaasalan na maipamamalas nila sa kanilang pakikiugnayan sa iba. Maaaring sabihing pareho lamang din ang mga kaasalang kailangang taglayin ng mga bata sa kanilang bahay at sa paaralan. Subalit sa paaralan higit na pinaiigting ang mabubuting asal na natutuhan nila sa bahay sapagkat dito mas marami o iba’t ibang tao ang makasasalamuha nila at sitwasyon ang kanilang kinakaharap.  

Gayunman, may ilang tiyak na mabubuting kaasalan ang inaasahan sa kanila sa paaralan: 

8 mabuting asal sa paaralan

1.  Pagpapakita ng paggalang

Ang mga pagbati gaya ng “Hello po!”, “Kumusta po kayo?”, “Magandang araw po” ay mainam na makasanayan nila bilang pagkilala o paggalang sa mga taong nakasasalubong nila o nakikita. Kasama na rin dito ang pagsasabi ng mga pahayag na “Maraming salamat, Pakiusap (Please), at Paumanhin o Pasensya (Sorry) ay natatanging bagay na dapat maging bahagi ng kanilang kaasalan. Sabi nga ito ang mga “magic word” na unang dapat matutuhan ng mga bata sa murang edad nila na mabibitbit nila hanggang pagtanda. 
Mahalagang igalang din nila ang kanilang guro at ang iba pang miyembro ng paaralan gaya ng tamang pagtawag sa kanilang pangalan at pagsunod sa kanilang bilin. 

2. Pakikinig nang mabuti

Ang pakikinig nilang mabuti sa guro habang nagtuturo ito o kapag may sinasabi ay makabubuti para higit nilang maunawaan ang kanilang pinag-aaralan at ang ibinibigay na panuto sa kanila. Mahalagang matutuhan nila ang pagiging aktibo sa klase habang matamang nakikinig sa guro. Dapat ding hindi sila makipagtalo sa kanilang guro. 

watch now

3. Paghingi ng permiso 

Ang pagpapaalam sa panghihiram ng isang bagay sa kanilang kaklase ay dapat nilang matutuhan din. Hindi nila dapat pakialaman ang hindi nila pag-aari. Bukod dito, kung mayroon din silang hiniram na bagay dapat na matutuhan din nila ang pagsasauli nito at hindi pag-angkin ng bagay na hindi naman sa kanila. 

Ang pagtataglay ng mabuting asal ay nagbibigay ng pagkakataon na maging responsableng mamamayan.

Kailangan din nilang maunawaan na kung may nais silang gawin ay ihingi muna ito ng pahintulot mula sa kinauukulan gaya ng paglabas ng silid. Kung nais nilang pumunta sa banyo, hindi sila basta lalabas lamang ng silid, kundi dapat na humingi muna sila ng permiso sa kanilang guro. Ito ay isang pagpapakita rin ng paggalang. 

4. Paghihintay at pagpapasensya 

Kung naglalaro, kailangan niyang matutuhan ang maghintay para sa kaniyang pagkakataon at magpasensya sa paglalaro lalo na kung madalas siyang matalo. Hindi rin siya dapat maging agresibo na ipilit na siya ang dapat na mauna kung nasa gitna o hulihan na siya ng pila.  

Kung ibig ding magsalita sa klase, maaari siyang magtaas ng kamay sa halip na biglang sumagot o magsalita na hindi pa natatapos magsalita ang isang kaklase na tinawag o ang kaniyang guro mismo. 

5. Pagkilala sa pagkakaiba-iba 

Mahalagang maituro sa mga mag-aaral ang konsepto ng diskriminasyon. Maling magmaliit sila ng kanilang kapuwa o mamuna ng kanilang kapuwa na may ibang kaanyuan o estado sa buhay.  Gayundin sa halip na pagyayabang ng kaniyang kakayahan o talento, mas matutuhan niya ang pagbabahagi nito sa iba. 

RELATED: 'Nakakadurog Ang Ganito' Dad Of Boy With Autism Heartbroken For His Son Wh

6. Pagsasabi ng totoo 

Ituro sa kanilang ang maidudulot ng pagsisinungaling o hindi pagsasabi ng totoo. Ipaliwanag sa kanila na ang pagsasabi ng totoo ay makatutulong upang maiwasan ang anumang kaguluhan o malagay sa kanila sa kapahamakan. Maiiwasan din silang mapagalitan dahil sa mali nilang ginawa. 

Kaugnay nito, mahalaga rin na walang itinatago ang bata sa kaniyang magulang. Bukas siya sa pagsasabi o pagkukuwento ng mga nangyayari sa kaniya sa paaralan at ang mga nararanasan niya sa bawat araw. Sa ganitong paraan, mas nakatitiyak ang magulang sa kung ano ang pinagdadaanan ng kanilang anak at nalalaman din kung sino-sino ang madalas nilang nakakasama. 

7. Pagpapanatiling malinis ang pangangatawan 

Isa sa mga dapat din nilang matutuhan ang pagiging malinis sa kanilang pangangatawan. Ituro sa kanila ang tamang paghuhugas ng kamay at iba pang proper hygiene para makaiwas na makahawa ng sakit o magpalaganap ng sakit. Katulad ng pagtatakip ng kanilang ilong kapag bumabahing. Mahalaga rin na papasok sila sa paaralan na nakaligo at laging malinis ang damit. Ituro din sa kanila ang tamang paggamit ng palikuran o banyo. 

8. Pagpapanatili ng kaayusan sa paligid 

Mahalagang ituro sa mga mag-aaral ang halaga ng bawat bagay.  Hindi sila dapat magsayang ng mga bagay na mayroon sila gaya ng pagkain. Ipaalam sa kanila ang halaga ng pagkakaroon ng mga bagay na natatamasa nila samantalang ang iba ay wala nito. Gayundin naman, mahalagang matutuhan nila ang pagtatapon ng basura o ang paghihiwa-hiwalay nito. Kaalinsabay nito ang tamang pagliligpit ng kanilang mga gamit at paglilinis ng kanilang silid-aralan. 
 
Kung iisipin, ang mga nabanggit na ito ay mga simpleng pag-uugali na dapat nang maikintal sa kanilang isipan sa simula pa lamang. Ito ang mabubuting asal na magagamit nila sa kanilang pagtanda. Ang pagpapalaki sa mga bata na may mga ganitong taglay na kaasalan ay makatutulong sa pagpapataas ng kanilang tiwala sa sarili at maaaring maging susi sa kanilang tagumpay sa hinaharap. Ang pagtataglay ng mabuting asal ay nagbibigay ng pagkakataon na maging responsableng mamamayan. 

Palagi din namang sinasabi na ang paaralan ang ikalawang tahanan dahil dito nahuhubog ang kanilang pagkatao. Dito sila nakasusumpong ng panibagong pamilya. Kaya naman sana matiyak nating maging kabahagi ang ating mga anak sa pagpapanatili ng magandang kapaligiran sa paaralan sa pagtataglay ng mabubuting kaasalan. Mahalagang lumaki silang hindi lamang matalino kundi may puso para sa kapuwa at sa bayan. 

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close