
Madalas naming makuha ang tanong na ito mula sa aming online community: Napansin ko na naging makakalimutin ako pagkatapos kong manganak. Normal ba ito?
Ayon sa mga eksperto, naaapektuhan talaga ng pagbubuntis at panganganak ang isipan mo. Lumalabas sa mga pag-aaral na literal na nagkakaroon ng pagbabago sa utak mo kapag naging nanay ka na.
Sa pananaliksik ng mga researchers, ang mga pagbabagong ito ay makakatulong para mas maintindihan mo ang mga pangangailangan ng iyong anak. Sa kabilang banda, ang mga pagbabagong ito rin ang maaaring nagiging dahilan kung bakit madalas kang makalimot sa mga bagay-bagay.
Ano ang mom brain?
Gamit ang tinatawag na magnetic resonance imaging, tinignan ng mga eksperto, sa pangunguna ng anesthesiologist na si Anita Holdcroft, M.D., ang utak ng sampung buntis, bago at pagkatapos nilang manganak. Dito nakita ng team ni Holdcroft na mas maliit ang utak ng isang buntis kumpara sa utak niya pagkatapos niyang manganak.
"Brain cell volume actually decreases in pregnancy," sabi ni Holdcroft. Nagsasagawa na ng mas malawak na pag-aaral ang kanilang team para mas makahanap pa ng koneksyon sa nararanasang ito ng mga nanay.
Sa pag-aaral namang ginawa ng University of Southern California psychologist na si J. Galen Buckwalter, Ph.D., nalaman niyang hindi lang lumiliit ang utak ng isang buntis, nagkakaroon din ito ng tinatawag na impaired cognitive functioning.
Ibig sabihin, nahihirapan ang mga buntis at bagong panganak na mag-concentrate. Apektado rin ang short-term memory mo at nababawasan din ang kakayahan mong matuto at mag-absorb ng mga bagong impormasyon. Isa ang pagbabagong ito sa laki ng iyong utak sa mga dahilan kung bakit ka nagiging makakalimutin.
Anu-ano pa ang ibang nagdudulot ng mom brain?
Apektado rin ng pagdami ng hormones sa iyong katawan ang iyong isipan. Ayon kay Dr. Louann Brizendine, tumataas ng 15-40 times ang dami ng progesterone at estrogen sa katawan ng isang buntis. "With progesterone's sedative-like effect, no wonder pregnant women are tired and forgetful," paliwanag niya.
Bagaman nagiging makakalimutin ka, nagkakaroon ka naman ng built-in sensor na magagamit mo para mas mabigyang proteksyon mo ang iyong anak.
Paano maiiwasan ang mom brain?
Taliwas sa iniisip ng nakakarami, hindi mo na kailangan pang uminom ng gamot para sa pagiging makakalimutin.
Ugaliing magsulat ng mga notes
Sa halip, mas makakatulong kung magfofocus ka sa paghahanap ng mga paraan para mapaalalahanan mo ang iyong sarili sa mga dapat mong gawin.
Makakatulong kung isusulat mo ang mga kailangan mong gawin sa isang notepad o sticky note. Iwan mo ito sa mga lugar sa bahay ninyo kung saan kailangan mo ng pagpapaalala.
Mag-iwan ka na rin ng papel at notepad sa iba't-ibang bahagi ng inyong bahay, para kung may kailangan ka mang isulat na paalala, mayroon kang magagamit.
Matulog nang sapat
Mahirap mag-concentrate kung kulang ka sa tulog. Hindi ito madali sa umpisa, lalo na kung kapapanganak mo lang at wala pa kayong bedtime routine mag-ina. Ngunit malaki ang maitutulong ng sapat na tulog para makapag-isip ka ng maayos.
Permanente ba ang mom brain?
Bagaman lumalabas na bahagi talaga ng pagbubuntis ang brain shrinkage, hindi ito panghabang-buhay. Paniniguro ng mga eksperto, babalik din sa normal ang laki ng iyong utak at ang talas ng iyong pag-iisip.
May kakaibang kakayahan ang utak natin para mag-adjust para sa ating mga pangangailangan. Bagaman naging makakalilmutin ka, napalitan naman ito ng kakayahang mas maintindihan ang mga pangangailangan ng iyong anak.
Bukod pa riyan, mas sensitibo ka na rin sa kaligtasan ninyong mag-ina. Dulot din ng pagbabagong ito sa iyong isip ang mas pinatinding mother-infant bonding.
Sabi ng mga eksperto, hindi naging dull o mapurol ang iyong pag-iisip at memorya. Nagbago lang ang focus ng iyong isipan kaya may ilang mga bagay na hindi mo maalala, maintindihan, o maisip agad.