embed embed2
  • 'Sabi Ko Noon Gusto Ko Ng Maraming Anak, Pero Hindi Ko Ginusto Na Iba-Iba Ang Tatay Nila'

    Sa edad na 25, may apat na anak si Isabel Dizon ng Smart Parenting Mom Network.
    by Jocelyn Valle .
'Sabi Ko Noon Gusto Ko Ng Maraming Anak, Pero Hindi Ko Ginusto Na Iba-Iba Ang Tatay Nila'
  • Kahit na may half-siblings siya, lumaking solong anak si Isabel Belen-Dizon sa parehong panig ng kanyang mga magulang. Kaya naman nangarap siyang magkaroon ng malaking pamilya — at natupad niya ito pagkatapos malampasan ang maraming pagsubok sa buhay. 

    “Sabi ko noon, gusto ko marami ang anak ko,” lahad niya sa aming panayam para sa Smart Parenting Mom Network. “Pero hindi ko naman ginusto na iba-iba ang tatay nila.”

    Sa edad na 25, may apat na anak si Isabel. Ang tatay ng kanyang panganay na si Jai, 10 years old, ay dati niyang karelasyon. Isa pang ex-boyfriend ang daddy ng sumunod niyang dalawang anak, sina Lance, 6, at Nigel, 5. Ang bunso niyang si Inarah, 1 year old, ay unang supling nila ng asawa na niya ngayon na si Ralph Dizon.

    Pag-amin ng mommy blogger, “Di ako proud na maaga akong nagbuntis. Actually, gusto kong ipakita sa mga kabataan ngayon na hindi madali ang maging batang ina…Although hindi naman ako nagsisisi kasi [my kids are] so beautiful. Blessing sila sa akin.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    “Kailangan kong kumita”

    Kuwento niya na 16 years old lamang siya nang isilang si Jai noong 2009. Pero sinikap niya na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at nakapagtapos siya ng two-year associate course sa computer technology. Sa casino ang una niyang naging trabaho. Katwiran niya na “sa casino kasi pag 18 years old, puwede ka nang mag-work.”

    Taong 2011 nang pumanaw ang nanay ni Isabel dahil sa suicide. Naikwento niya ito sa kanyang Instagram post na may paalala: “Life is short, spend it wisely.” Kinalaunan, nalaman niya na ang kanyang tatay na si Delfin ay mayroong ibang pamilya. Inuwi ni Delfin ang kanyang ibang pamilya sa bahay nila ni Isabel at anak ni Isabel na si Jai.

    Aniya, “Feeling ko, ako ang saling-pusa do’n sa pamilya…Mula bata, naghahanap ako palagi sa labas, friends gano’n. Mas naging close ako sa ibang tao kesa sa daddy ko.”

    Sa casino, naging boyfriend ni Isabel ang isang katrabaho. Nagsama sila at nagkaroon ng dalawang magkasunod na supling, sina Lance at Nigel. Naging malabo ang kanilang pagsasama at tuluyang naghiwalay. Walang mauwian si Isabel dahil ang kanyang Daddy Delfin ay sumama sa asawa nito na taga-Nueva Ecija. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naisip niya ang isang kaibigan na nagtatrabaho din sa casino pero sa bansang Laos, at na-enganyo siyang maging overseas Filipino worker (OFW). Bukod kasi sa perang kikitain ay sagot ng kumpanya ang pabahay at pagkain doon. Wika niya, “Kailangan ko rin kasing kumita. Ang dami kong dapat ayusin. Kailangan kong suportahan ang sarili ko.”

    Nakapagtapos si Isabel ng two-year associate course sa computer technology (kaliwa) at nagtrabaho na agad sa edad na 18 taong gulang. (Kanan) Myembro si Isabel ng Smart Parenting Mom Network.
    PHOTO BY Dix Perez (right)
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Pinakamahirap na desisyon

    Nagpaalam si Isabel sa kanyang tatay at pinayagan naman siya. Noong mga panahon na iyon ay may diabetes na si Daddy Delfin kaya hindi nito maaalaga ang mga apo. Kaya nagdesisyon si Isabel na ipagkatiwala ang panganay na si Jai sa tatay nito at ang dalawang sumunod, sina Lance at Nigel, sa pareho nilang ama. Lumipad siya papuntang Laos noong February 2017.

    “So iniwan ko [ang mga anak ko]. Para sa akin, ’yon ang pinakamahirap na desisyon,” pagtatapat ni Isabel, sabay pag-alala sa ibang tao. “Magtatanong sila sa ’yo. ‘Bakit mo sila iniwan? Okay lang sa ’yo na iniwan mo sila?’ May ibang tanong na may halo na agad na judgment.”

    “Nanay ka kasi,” she explained. “Ang concept ng tao pag nanay ka, na sa ’yo ang anak mo. So, sa case ko, since alam ko na wala namang ibang tutulong sa ’kin, sarili ko lang at saka si Lord, tinignan ko na opportunity ang pagiging OFW.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa Laos, nagpatuloy ang komunikasyon ni Isabel sa kanyang tatay at ipinakita nitong malakas pa kahit may iniindang sakit sanhi hindi lamang ng diabetes kundi pati ng cancer. Bandang August 2017, nagkaroon ng masinsinang pag-uusap ang mag-ama. Umamin si Isabel na may bago siyang napupusuan ngunit hindi niya ito kasama sa ibang bansa. Iyon nga si Ralph.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Long distance relationship 

    Mula pagkabata hanggang high school ay magkaibigan sina Isabel at Ralph, bagamat higher year ang huli. Ilang taon silang hindi nagkita hanggang isang araw, napag-usapan si Isabel ni Ralph at isang mutual friend. Biglang nakatanggap si Isabel ng text mula kay Ralph na nangungumusta. Mula noon ay naging regular ang kanilang komunikasyon. 

    Aniya, “Kami na ang nakapagkuwentuhan. Kasi sa ibang bansa, ang hirap…Walang [Pinoy], Chinese ang mga ando’n. Ang mga Pilipino na kasama ko do’n, kami-kami lang din. Ako, no’ng time na ’yon, naghahanap ng someone na makakausap ’tsaka ’yong may concern.”

    Ipinagtapat ni Isabel sa kanyang Daddy Delfin ang tungkol kay Ralph. Pero “hindi ko alam kasi may mga anak ako sa mga ex ko.” Sinabi din niya na naiintindihan na niya kung bakit itinago ng kanyang tatay ang tungkol sa iba nitong pamilya. 

    Saad niya sa ama, “Siguro di mo lang maamin sa ’kin no’ng nagkaroon ka ng ibang pamilya kasi ayaw mong ma-disappoint ako sa ’yo kasi tatay kita. ’Yan ngayon ang nararamdaman ko. Ayaw kong ma-disappoint sa akin ang mga anak ko. ‘Ano ba ’yan, iba na naman.’ ’Yon nga, maja-judge ang mga anak ko ng ibang tao.”

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Inamin ni Isabel na maraming gumugulo sa kanyang isip, ngunit sigurado siyang hindi na makikipagbalikan sa kanyang ex-boyfriend kahit may dalawa silang anak. Kaya naman binigyan siya ng payo ng ama. “Ang sabi niya, ‘Alam mo ang isa sa mga natutunan ko sa buhay natin is hindi magandang kaugalian ’yong pagpi-pretend o pagsisinungaling. Kasi mararamdaman mo ’yan pag di ka masaya.’ 

    “Sabi din niya sa akin, ‘Kung saan ka masaya, sundin mo kung ano ang nararamdaman mo pero huwag mong iwanan ang isip mo.’ Parang magtitira ka ng pagmamahal sa sarili mo. 

    “Dagdag niya pa, ‘Maging honest ka sa mga anak mo. Pagdating ng panahon, maiintindihan, malalaman din naman nila ’yon ang lahat. Sila pa ang magsasabi sa ’yo na I want you to be happy.’”

    Pagkatapos ng heart-to-heart talk sa ama, nagpasya si Isabel na tuluyang makipagmabutihan kay Ralph, kahit na long distance relationship sa una. Kinasal sila noong February 14, 2019.
    PHOTO BY courtesy of Isabel Belen-Dizon
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    “Naayos ang life ko”

    Nang maospital si Daddy Delfin, nagpasabi si Ralph na dadalaw ito kaya ibinigay ni Isabel ang pangalan at room number. Doon unti-unting natuklasan na si Delfin at ang yumaong tatay ni Ralph ay best friends noong panahon ng kanilang panunungkulan bilang pulis.

    Sa kaliwang imahe pinakita ni Isabel na magkasama ang ama niya at ama ni Ralph sa isang handaan. Sa kanan, si Ralph at ang ama ni Isabel.
     PHOTO BY courtesy of Isabel Belen-Dizon
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa simula, nag-alinlangan si Isabel na umuwi dahil may kontrata siya sa Laos at nakaka-sampung buwan pa lamang siya doon. Nag-alala din siya sa mga anak dahil wala siyang inaasahang tirahan at trabaho sa Pilipinas. 

    Ngunit sinabihan siya ni Ralph, “Anak ka, ikaw ang maglilibing sa tatay mo. Responsibilidad natin ’yan bilang anak. Obligasyon ’yan, actually. So umuwi ka. Ako ang bahala.”

    Mula Laos, umuwi si Isabel baon ang konting ipon at ilang nahiram na pera. Naipalibing niya ang kanyang tatay. Pero overwhelmed siya kung paano magsisimulang muli. Ayaw na niyang bumalik sa dating trabaho sa casino dahil, aniya, “hindi ako naggo-grow do’n.” Nag-apply siya bilang secretary, at natanggap sa opisina ng isang Chinese businessman. Umupa siya ng kuwartong matitirhan at unti-unting binayaran ang kanyang mga utang.

    “Ayun, naayos ko na ang life ko,” pahayag niya ng may ngiti. “Then no’ng pagdating ng May 2018, ’yon na, sabi ko buntis ako.” Pagkalipas ng walong buwan, January 2019, isinilang ni Isabel ang ikaapat niyang anak na si Inarah. Noong panahon na iyon ay nagsasama na sila ng tatay ng bata na si Ralph sa Manila. Ikinasal sila noong February 14, 2019.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Greatest joy

    Sa kanilang lugar din sa Manila nakatira ang panganay ni Isabel na si Jai sa piling ng tatay nito. Tuwing weekend ay sa kanya naman umuuwi ang bata. Lahad niya, “Siya na ang nagde-decide kung saan niya gusto. May cellphone din siya. Nakakatuwa, para lang kaming magkapatid. Lumaki naman siya sa akin. Iniwan ko lang no’ng nag-OFW ako.”

    Samantala ang two boys na sina Lance at Nigel ay sa pamilya ng kanilang ama sa Laguna naninirahan kaya natagalan bago sila nakitang muli ni Isabel sa pagpasok ng taong 2019. Aniya, “Nakakatuwa, ando’n ang instinct nila. Kilala nila na ako ang mommy nila. Hindi sila ’yong ‘Ayaw kong sumama sa ’yo.’”

     

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naulit ang kanilang pagkikita ng December. Pansin niya na walang ilangan sa pagitan ng mga anak, at natutuwa ang mga ito sa bunso nilang kapatid. Nagpapasalamat din siya sa asawang si Ralph at sa pamilya nito sa pagtanggap sa kanilang lahat.

    “Ang greatest joy ko talaga as a mom is makita ko ang mga anak ko na sama-sama,” sabi ni Isabel. “At saka makita silang masaya. Pag nanay ka, masaya ka na din talaga. Kahit hindi kayo mayaman, kahit hindi kayo makapunta sa ibang bansa, okay na ’yon. Basta ang mga anak mo, makita mong sama-sama sila at saka maayos silang magkakapatid.” 

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
Trending in Summit Network
View more articles