-
'Hindi Pala Madali ang Pagbubuntis. Ang Dami Mong Kailangang Isakripisyo'
"Takot akong magkaron ng anak. Marami akong pangamba noon. Pero nang dumating ang anak ko, nagbago lahat."
- Shares
- Comments

Takot akong magkaron ng anak bukod sa mga nababasa at napanood kong paraan ng panganganak na masakit, kaya inaayawan ko talaga ang magbuntis. Isa pa ay ang pagiging guro ko — kung mahirap maging pangalawang magulang, mas natatakot ako kung paano ko palalakihin ang aking anak dahil sa nakikita ko sa mga estudyante ko.
Marami akong pangamba noon. Pero nang dumating si Kali o Kaleng (sarili kong tawag) sa buhay ko, nagbago ang lahat.
Nang malaman kong may sanggol sa aking sinapupunan, higit kong naramdaman ang kakaibang damdamin ng pinaghalong kaba — ano ang susunod na mangyayari — at pananabik na makita ang aking baby. Marahil sasang-ayon ang ibang first-time moms sa akin kung sasabihin ko na hindi pala madali ang pagbubuntis. Ang dami mong kailangang isakripisyo.
Hindi mo na puwedeng gawin ang mga bagay na magagawa mo at pagkain na gusto mo. Mas magiging conscious ka sa lahat ng kilos at kinakain mo. At mas matindi pa kapag nariyan na si baby.
What other parents are reading
Ang aking journey bilang buntis
Sa kultura nating Pilipino, hindi naman talaga inaaral ang pagmamagulang. Madalas kinukuha lang natin sa ating mga magulang ang pamamaraan, naipapasa natin kung paano tayo pinapalaki. Pero wala na kasi ang Mama ko kaya wala akong masandalan. Buti malapit lang sa amin ang Tita ko na tinatawag kong nanay sapagkat siya rin halos ang nag-alaga sa amin. Siya ang naging sandigan ko noong buntis ako at sa pag-aalaga at pagpapalaki kay Kali.
Iba-iba ang experience ng bawat babae sa pagbubuntis (maaaring magkapareho rin ang iba), pero gusto kong ibahagi ang napagdaan ko baka sakali may matulungan sa naging journey ko.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPrenatal checkup
Mahalaga ang prenatal checkup para malamang maayos ang kalagayan ng baby at ang pagbubuntis. Nang maging positive ang pregnancy test ko, agad akong nagpatingin sa ob-gyn kasama ang asawa ko.
Kinailangan kong mag-bed rest matapos lumabas ang mga laboratory test at dahil na rin nagble-bleeding ako na hindi malaman kung saan nanggagaling. Matapos nito, bumalik ako para sa next check-up. Ang nakalulungkot wala na daw heartbeat ang baby ko pero sobrang laki ng tummy ko para sa 12 weeks. Sabi ng doktor baka “kiyawa” ang pagbubuntis ko. Hindi ko naintindihan iyon lalo na first-time mommy ako. (Ang kiyawa, o molar pregnancy sa English, ay isang komplikasyon na kung saan ang tissue sa uterus ay namumuo at nagiging tumor imbes na placenta.)
What other parents are reading
Nagdesisyon ako magpa-second opinion hanggang sa tuluyan nang nagpalit ako ng ob-gyn. Naiyak ako nang marinig kong maayos naman ang heartbeat ng baby ko. Pero, may nakapang malaking bukol sa matris ko. Nang ma-ultrasound ako doon nakita ang malaking myoma. Mayroon akong subserosal uterine fibroid, nasa ibabaw ito ng kaliwang bahagi ng uterus ko. Ito ang dahilan bakit ang laki ng tummy ko.
Paglilihi
Gaya ng ibang buntis, iba-iba man ang karanasan namin, hindi madali ang pagdalantao. Marami ang kailangang isakripisyo. Naging mahirap sa akin ang mapait na panlasa, pagiging sensitibo sa amoy lalo na ang pabango ng lalaki, amoy ng ginigisang bawang, at ang pagsumpong lagi ng sinusitis ko. Wala akong pinaglihiang pagkain pero naibigan ko lang ang pagkain ng lansones at rambutan dahil naibsan nito ang mapait na panlasa ko.
CONTINUE READING BELOWwatch nowPagbilog ng tiyan
Dahil nga sa mayroon akong myoma na halos kasinlaki rin ng baby ko, para akong may dalang kambal sa sinapupunan ko. Madalas mapuna ng mga tao ang laki ng tiyan ko. Maririnig ko lagi sa kanila lalo na sa nakakasalubong: “Kambal ba ‘yan?” “Ang laki mo naman magbuntis.” Ayaw mo namang ipaliwanag pa sa kanila ang dahilan. Pero nakakapagdamdam din na sana nga kambal na lang ang pinagbubuntis ko. Gayunman, habang lumalaki ang baby ko, lumalaki rin ang myoma ko. Mas mabigat at masakit sa likod.
Sabi ng ob-gyn ko, puwede namang uminom ng paracetamol para maibsan ang sakit pero tiniis ko na lang para safe na lang din.
What other parents are reading
Pagbibigay ng pangalan
Bilang magulang gusto natin ang magandang pangalan sa anak natin. Kahit nga magiging palayaw nila kasama na rin sa pinag-iisipan natin. Kaya bilang first-time mommy, naghanap ako ng pangalan na gusto kong kakaiba. Tayong Pilipino madalas may kultura sa pagpapangalan sa pamilya. Nakagawian naming magkakapatid ang K at J sa pangalan ng mga anak.
Dahil guro ako, gusto kong konektado sa literatura ang pangalan ng anak ko dahil gusto kong makahiligan niya ang pagbabasa. Pinaniniwalaan ko na ang kahulugan ng pangalan mo ay tataglayin mo rin ang katangian nito. Sa pagsangguni sa kaibigang guro (si Ara, ninang ng baby ko), natagpuan ko si Kalliope (isa sa mga anak ni Zeus sa Greek Mythology ang Muse ng Epic Poerty). Hinayaan ko naman ang asawa ko para sa J. Natagpuan niya ang Joni na mula sa Hebrew na ibig sabihin “God is gracious.”
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWParaan ng pangangak
Isa pa sa kulturang Pinoy ang pagpapahilot. Noong nasa first trimester, hinilot ako at ang sabi mababa raw ang matris ko. Matapos noon, hindi na ako nagpahilot pa. Pero nang kabuwanan ko na, muli akong pinahilot. Ang sabi matagal pa raw ako manganganak. Lalaki rin daw ang anak ko. Ang totoo sa ultrasound hindi pa malinaw ang gender ng baby ko kasi hindi makita.
Sa simula rin nakondisyon ako sa normal delivery dahil sabi ng ob-gyn ko hindi naman daw nakakasagabal ang myoma ko. Sabi rin ng sonologist na tumingin sa akin nang sukatin muli ang myoma ko (na umabot nang 13x10 cm ang laki) na kakayanin ko ang normal delivery.
What other parents are reading
Nang sumapit ang pang-38 weeks ko, muli akong nagpa-checkup. Sarado pa ang cervix ko kaya hindi pa ako manganganak. Susubukin pa sana ituloy gamot para mag-dilate ito pero itinigil na dahil sa ultrasound may cord coil ang baby ko at kaunti na ang amniotic fluid ko (olygohyramnios). Dahil dito, nagdesisyon ang ob-gyn ko na mas makabubuti ang ceasarian delivery sa akin.
Noong una, hindi ko tanggap at takot ako sa operasyon dahil itong panganagak ko ang first time kong maoospital. Actually, takot din ako sa opsital. Pero kailangan kong tapangan para sa baby ko kaya pumayag na rin ako sa Cesarean section delivery. Pero hindi inalis ang myoma ko.
Pag-aalaga sa anak
Akala ko pagka nanganak na, mas magiging madali na ang lahat. Makakabalik na ako sa normal na buhay ko. Magagawa ko na lahat ng gusto kong gawin. Makakain ng gusto kong kainin. Mabibili lahat ng gusto kong bilhin. Mali pala.
Dahil CS ako, mahirap sa akin ang kumilos. Matindi rin ang pinagdaanan kong postpartum pero dahil supportive ang asawa kong si Charls nakayanan kong lahat. Nagtutulungan kami sa pag-aalaga at sinisikap niya na may sapat akong tulog at pahinga para hindi rin ako mabinat. Buti na lang nga dahil home-based ang trabaho niya. Nakayanan naman naming dalawa ang pag-aalaga.
Usaping pinansiyal
Bukod sa mahal ang panganganak, magastos din ang pagkakaroon ng baby dahil sa mga pangangailangan niya na kailangan tustusan. Buti na lamang nakapag-ipon kami bago ang panganganak ko. Malaki rin ang naitulong ng health card para sa gastusin naming sa ospital at ang SSS maternity benefit para sa iba pang gastusin. Nakatipid din kami dahil nagbreastfeeding ako. Pero kinailangan kong mag-mixed ng formula milk nang bumalik ako sa trabaho dahil humina ang supply ng breast milk ko.
Isang bagay na natutuhan ko sa pagiging isang first-time mommy, “mahirap man pero “worth it” ang pagiging magulang” kasi marami kang matutuhan sa buhay. Mula sa pagdiskarte, pagtitiis, at pagsasakripisyo. Magbabago ang pananaw mo sa buhay at kung pano mo tinitingnan ang mga bagay. Mas may kabuluhan ang lahat ng ginagawa mo dahil alam mong may pinaglalaanan ka ng lahat ng iyong pinagsusumikapan. Challenging din ang maging working mom pero nawawala ang lahat ng pagod at alalahanin dahil sa nakikita mong development sa baby mo.
Si Dinalene Castañar-Babac ay isang first-time nanay ng isang happy baby girl, si Kalliope Joni. Maituturing din siyang nanay ng kanyang mga students sa isang exclusive school for girls. Tinatapos niya ang kanyang doctoral degree kasabay ng kanyang pagtuturo.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWWhat other parents are reading

- Shares
- Comments