Trigger Warning: This article has graphic photos of a baby's injury. This may be difficult for some readers.
Mahirap para sa ating mga ina makitang may malubhang karamdaman ang ating mga anak. At tila mas nakakahabag pa kapag ang may karamdaman ay musmos na sanggol pa lamang.
Ito ang nangyari kay Mommy Kim LJ Simbulan.
Sa kanyang TikTok account ay ibinihagi ni Mommy Kim LJ ang nangyari sa kanyang bagong silang na anak, na si Kaizer Joaquin Simbulan.
Pinanganak ni Mommy Kim LJ si Kaizer noong July 17 na premature ng 31 weeks. At dahil preemie baby si Kaizer, sabi ni mommy ay mahina pa raw ang baga nito kaya kinailangan nilang manatili sa ospital. Naging maayos naman ang kanyang lagay at dapat ay makakalabas na ng ospital, ngunit hindi ito natuloy dahil kinailangan siyang i-revive nang tumigil ang kanyang puso.
Dahil sa pangyayaring ito ay kinailangan muli nilang manatili sa ospital. At sa panahong ito ay nakitaan din si baby Kaizer ng ibang mga sakit, tulad ng sepsis at pulmonya.
Ayon kay Mommy Kim LJ, pinalitan ng swero si baby Kaizer sa kadahilanang hindi na raw tumutulo ang dextrose. Sa pagpapalit o pagtusok ng swero ni baby Kaizer ay hindi naging maayos ang pagdaloy ng dugo sa kanyang kamay, kung kaya’t namaga at nangitim ang kanyang kamay at braso. Kinailangang putulin ang braso ni baby Kaizer.
Sa ngayon ay nasa ospital pa din at nagpapagaling si baby Kaizer. Nireklamo na ni Mommy Kim LJ ang nangyari sa ospital at nakausap na niya ang mga opisyal nito. Ngunit, sabi niya ay wala silang nakuhang malinaw na paliwanag tungkol sa nangyari. Umaasa din si Mommy Kim LJ na makakalabas na din si baby Kaizer mula sa ospital at makakasama at maaalagaan na niya ito sa bahay.
Ani ni Mommy Kim LJ sa kanyang post: "Sobrang tapang mo anak, ipinanganak kitang premature pero hanggang ngayon lumalaban ka. Mahal na mahal ka namin at hindi kami papayag na hindi sila mapapanagot sa nangyari sayo."
Panoorin ang istorya ni Mommy Kim LJ at Baby Kaizer dito.