Kabilang sa mga paghahanda ni Solenn Heussaff sa panganganak sa ikalawang anak nila ni Nico Bolzico ay ang pasiguro na ayos lang ang kanilang panganay na si Thylane Katana.
Napapansin ni Solenn na nakakaramdam na ng selos si Thylane Katana, na tinatawag din nila sa nickname na Tili. Pero normal naman daw ang ganoong pakiramdam ng mga nakakatandang anak kapag may parating na bagong baby. (Baby girl ulit ang kanila, basahin dito).
"They're excited, but at the same time, siyempre, lahat ng attention, made-divide na into two," sabi ni Solenn nang makausap ng Smart Parenting sa event ng Cetaphil Baby nitong Thursday sa Makati City. Isa si Solenn sa mga celebrity mommy ambassador ng global skincare brand.
Ikinuwento ng artist/performer/entrepreneur ang ilan sa mga sinasabi niyang regression ng anak na magti-three years old sa January 1, 2023.
"So dati, iniiwan ko s’ya sa room n’ya. Sasabihin ko, ‘Good night,’ ’ta’s aalis ako. Okay na. Ngayon, kailangan ko na tumabi sa kanya until matulog s’ya. That’s one regression.
"’Yung second, ’yung bottle n’ya binibigay ko sa kanya sa kama, then she’ll get it and sleep. Ngayon, gusto na n’ya na nakaupo s’ya dito [sa lap ko]. Nandito [sa kaliwang balikat] ’yung lampin.
"And then lagi ko s’yang binubuhat, kahit sinasabi ko, ‘May tiyan na ako, di ko na kaya.’ [Sasabihin niya] ‘Up, up, up!’ So I carry her."
"’Yun ang three points of her regression at the moment," sabi ni Solenn tungkol kay Tili. "She’s acting like a little girl again. It’s so cute."
Pagsang-ayon niya, "Oo, naglalambing. But I think it’s normal din. Three years, mag-isa lang s’ya sa bahay. Two of that, pandemic. Kami ni Nico, as in 150 percent of our time kasama namin s’ya. Biglang magkakaroon ng baby. So magbabago ang dynamics sa bahay. So big change talaga."
Lahad pa ni Solenn na kinakausap niya si Tili tungkol sa parating nilang baby. Pero "once in a while" lang at "not naman all the time."
Ayaw daw niyang maging "tired" ang bata sa kakarinig tungkol sa baby. Baka raw isipin nito na, "Bakit ’yun ang parating pinagu-usapan? You always talk about that.’"
Imbes na sabihin ni Solenn kay Tili na merong baby sa kanyang tiyan, gumamamit siya ng scientific photos para mas maintindihan nito ang konsepto ng pagkakaroon ng sanggol. Ipinapaliwanag din niya sa bata kung paano napupunta ang pagkain kay baby.
Binabasahan din ni Solenn si Tili ng mga libro na tungkol sa pagiging mag-ate. Balak pa niyang sundin ang narinig niyang tradisyon ng pagbibigay ng regalo para sa batang magiging ate o kuya.
Pero maingat si Solenn na hindi ma-overwhelm si Tili sa mga paghahanda sa baby. Titignan na lang daw nila kung anong mangyayari. Siguro naman siyang magbabago ang "dynamics" sa kanilang bahay dahil nasanay silang tatlo lang sila doon. Pagdaan ng ilang buwan, masasanay na raw sila sa pagiging apat sa bahay.
Basahin dito ang ilang tips sa paghahanda sa anak na magiging ate o di kaya kuya.