Ang kwentong ito ay hango sa isang tunay na #SPConfessions na ipinadala sa amin sa Smart Parenting Village. Ang ilang mga detalye ay bahagya naming binago upang bigyang proteksyon ang nagpadala nito.
“Ako ang sinisisi kung bakit nag-cheat iyung husband ko sa akin, kasi puro daw ako work at tumaba na. Madami kasi akong raket before and I was earning 6 digits monthly. At that time, lagi ko silang binibigyan ng pera, kahit iyung mga kapatid ng husband ko. Weekly din naman kaming lumalabas ng husband at ng anak ko–walang palya until hindi na umuwi ang husband ko.
“Pinapalayas ko palagi ang husband ko dahil sa cheating issue. At nang kakasuhan ko na siya ng VAWC dahil diagnosed ako ng Major Depressive Disorder, sinabihan ako [ng biyenan ko] na hindi daw nila pinag-aral ng Engineering iyung husband ko para ganun-ganunin ko lang. Isusumpa daw ako kapag nakulong siya.
“How did I deal with it? In-unfriend ko sa Facebook mga kapatid ng husband ko. Hindi ko din kinakausap ang mga biyenan ko. Si husband, nagresign siya sa work (after working there for 9 years) at sinundan ako sa province namin. Ayaw niyang umalis kahit na pinag-tatapon ko lahat ng mga gamit niya sa tambakan ng basura. Natutulog siya sa labas ng bahay o sa sahig. Hindi na humahawak ng cellphone. Tumutulong sa businesses ko at ng papa ko. Nag-open kasi ako ng dalawang business dito sa amin while working from home. Iyung anak ko, na-diagnose ng PTSD. Ayaw ko nang makipag-away na nakikita niya.
“Ang nasa isip ko ngayon, magwo-work nalang ng magwo-work. Hindi man ako masaya sa ngayon, at least sana, maging okay na ang anak ko.”
“Walang sapat na dahilan para maghanap ng iba”
Marami nang naibahagi na “horror stories” na may kinalaman sa in-laws o biyenan ang mga magulang sa Smart Parenting Village. Kaya’t maraming kumento na sumusuporta kay mommy, lalo na sa punto na hindi sapat na dahilan ang pag-iba ng katawan ng asawa o ang pagtrarabaho nito para humanap ng iba. Ani ng isang mommy:
“Kaya maraming marriage ang nasisira dahil sa mga in-laws at kamag-anak, kadalasan sa side pa ng mga lalaki. Kahit pa sabihin nating puro work at tumaba ka, hindi sapat na dahilan iyon para maghanap siya ng iba! Kunsintidorang nanay at lalaki.”
Pinansin din ng ibang kumento ang pag-panig o pag-kunsinti ng pamilya ng lalaki sa kanilang anak kahit na may pagkakamali din ito. Sabi ng ilan:
“Kaya maganda talaga bumukod ang mag-asawa. Ang pag-aaway at problema ay hindi nawawala kahit sa mga mag-asawa. Pero iyung susulsulan at eeksena pa sina mother-in-law. Magtatapos talaga sa hiwalayan.”
“Nakaka-bwiset mga ganyan. Enabler.”
Paano makikitungo sa in-laws na nag-ooverstep ng boundaries
Ang kadalasang pakikialam o pag-ooverstep ng boundaries ng mga in-laws ay maaaring makasira ng relasyon ng mag-asawa, gaya ng nangyari sa mommy na nag-post. Kung nararanasan niyo ito, narito ang ilang maaaring gawin upang subukang mai-ayos ang relasyon sa kanila.
Kausapin ang inyong asawa
Sabihin sa asawa kung paano naaapektuhan ng in-laws ang inyong pagsasama at pamilya. Pero iwasan na manisi o maglabas ng sama ng loob. Maging objective hangga’t maaari at alalahanin na ikaw, ang iyong asawa, at ang in-laws ay may kinalaman kung bakit hindi naging maayos ang inyong relasyon. Bilang mag-asawa, planuhin ang mga pagbabago sa inyong pakikitungo sa kanila nang hindi sila nasasaktan.
Matutong magsabi ng “No, thank you,” at mag-enforce ng iyong boundaries
Kailangang linawin niyong mag-asawa sa inyong in-laws na mature adults na kayo na kayang alagaan at panindigan ang sarili at ang binubuong pamilya. Kaya’t matuto din magsabi ng “No” o “Hindi na po, salamat” sa in-laws kung sa iyong palagay ay nanghihimasok na sila sa inyong pamilya.
Kausapin ang in-laws
Kung kinakailangan, kausapin ang in-laws tungkol sa mga problema ng inyong relasyon. Ngunit subukan maging mahinahon at objective. Ipahiwatig sa kanila na lubos niyong pinahahalagahan at nagpapasalamat sa lahat ng patnubay at tulong nila. At ilahad din na ang pagkuha ng marami sa inyong responsibilidad ay maaaring hindi makabuti sa inyong bagong pamilya. Siguraduhin din sa kanila na kung kailangang-kailangan niyo ang patnubay o tulong, ay lalapitan niyo sila.
Edited for spelling, punctuation, grammar, and formatting.
Mayroon ka bang sarili mong #SPConfessions na nais ibahagi sa amin? Ipadala lang kay Sara Palma sa Smart Parenting Village o hindi kaya ay i-email sa amin sa smartparentingsubmissions@gmail.com.