Maraming nagsasabi na isa sa challenges ng mga magulang ay ang pagdidisiplina sa makukulit at pasaway nilang mga anak. Sanhi rin ng frustration ng magulang kapag madalas mag-tantrums at hindi maayos ang pag-uugali ng kanilang anak habang lumalaki. Dahil dito, naging karaniwang paraan na ng pagdidisiplina ang pamamalo sa bata sa maraming tahanan sa buong mundo. Mayroong mga magulang na naniniwalang sa pamamalo lamang nila maituturo ang tuwid na pag-uugali at pagkilos.
Sa isinagawang pag-aaral na The National Baseline Study on Violence against Children (NBS VAC) noong 2015, natuklasan ng mga eksperto na tatlo sa limang (64.2%) respondents ang nakaranas ng physical violence noong mga bata pa sila; mahigit sa kalahati nito (57%) ay nangyari sa loob mismo ng kanilang mga bahay. Ang Violence Against Children (VAC) ay isang global problem na kinahaharap ng bawat bansa sa buong mundo.
Sa artikulong ito, sisikapin nating tukuyin ang mga pagkakaiba ng pagdidisiplina at ng pisikal na pananakit.
Mga sintomas ng pamamalo sa bata
Kapag ang bata ay pinapalo ng magulang, kapansin-pansin ang sumusunod:
- Behavioral changes
- Emotional indicators
- Pagbabago sa relasyon ng magulang at anak
Paliwanag ng UNICEF, ang marahas na pagdidisiplina ay isa sa pinakakaraniwang anyo ng karahasang nararanasan ng mga bata. Kahit pa mahalagang matutuhan nila ang maayos na pag-uugali maraming eksperto pa rin ang nagsasabi na hindi dapat gamitin ang corporal punishment.
Karaniwang metodo ng pananakit o corporal punishment
Ang pamamalo sa anak ay nagdudulot ng pananakit ng katawan at discomfort. Kasama sa mga pamamaraan ng corporal punishment ang sumusunod:
- Pamamalo
- Pananampal
- Pangungurot
- Panununtok
- Pagsipa
- Pananakal
- Electric shock
- Pagkulong sa maliliit na espasyo
- Labis na pisikal na ehersisyo
- Pagtayo o pagluhod nang hindi gumagalaw
Karaniwan ding ginagamit ang sinturon, hanger, walis tambo o tingting, at mismong mga palad at kamao ng magulang sa pananakit sa anak.
Mga epekto ng pamamalo sa bata
Ayon sa UN Committee on the Rights of the Child, ang corporal o physical punishment ay alinmang parusang ginagamit ng pisikal na lakas at sinadya upang mapinsala,masaktan, o hindi maging komportable ang isang bata.
Nakasaad sa Convention on the Rights of the Child maaari ding may non-physical forms of punishment na marahas at nakapagdudulot ng trauma sa bata.
Narito ang mga nararamdaman ng mga bata:
- Sakit
- Lungkot
- Takot
- Galit
- Shame o Kahihiyan
- Guilt
Ang mga batang nakararanas ng mga ito ay posible ring nakararanas ng physiological stress at ng activation ng neural pathways na sumusuporta sa pagharap sa mapanganib na mga sitwasyon. Ang mga batang biktima ng corporal punishment at kinakikitaan din ng mataas na hormonal reactivity sa stress. Overloaded din ang kanilang biological systems, kabilang dito ang kanilang nervous, cardiovascular at nutritional systems, maging ang mga pagbabago sa utak o brain structure at function.
Maaaring maging positibo ang impluwensiya sa behavior ng anak nang panandalian. Ngunit tandaang ang pamamalo sa anak ay posible ring magresulta sa sumusunod:
RELATED: ‘I Used To Believe In Spanking’: Disiplina Ba Ang Pamamalo? Studies Say It's Ineffective
Posibleng resulta ng pamamalo sa bata
Pambubulas o bullying sa kapwa bata
- Pagiging agresibo
- Behavioral problems
- Takot sa mga magulang
- Mababang self-esteem
- Maling pananaw tungkol sa pananakit
- Increased risk ng depression, anxiety, at iba pang personality problems
May mga pagkakataong hindi rin nila naiintindihan kung bakit sila sinasaktan. Mas malaki lamang ang pagkakataong maaalala nila ang sakit at hindi ang aral o dahilan nito. Ayon din sa mga eksperto, may kaugnayan ang pamamalo sa bata sa iba’t ibang kaso ng negatibong outcomes sa mga batang biktima ng corporal punishment sa buong mundo. Kasama rito ang pisikal at mental na mga sakit, impaired cognitive at socio-emotional development, mababang academic performance, increased aggression, at tendency na maging marahas din.
Lahat ng anyo ng karahasan ay paglabag sa karapatan ng mga bata. Dahil hindi rin nauunawaan ng ibang mga tao ang mga epekto nito, hindi nila nagagawang kontrolin ang kanilang galit at pagkadismaya. Ang pananakit ay maaaring mauwi sa injury, loss of custody, arrest, jail-time, at ang masaklap dito, puwede pang ikamatay ng bata. Sa iba pang extreme na mga sitwasyon, puwede rin itong mauwi sa malala at abusadong behavior ng iyong anak sa kapwa niya bata.
Totoong kailangang may limitasyong ibibigay sa mga anak para hindi rin sila lumaki sa layaw. Kailangan ding lumaki sila nang may paggalang sa mga tuntunin o rules, mula sa loob ng tahanan hanggang sa paaralan at komunidad. Maraming paraan upang maipaalam at maipaunawa sa kanila ang mga ito. Iwasan lamang ang pamamalo sa bata dahil ayon sa mga eksperto hindi rin ito mainam na paraan ng pagdidisiplina.
Mahalaga ring alam nilang may consequences kapag may hindi sila nasusunod na tuntunin. Ilan sa mga ito ang time out, pagbawi sa ilang pribilehiyo, at iba pa.
Tandaan ding ayon sa mga pag-aaral, ang mga magulang na nakaranas ng corporal punishment ang gumagawa rin nito sa sarili nilang mga anak.
Ibang Paraan ng Pagdidisiplina
Marami pang ibang mga paraan para maturuan at madisiplina ang iyong anak.
- Pagkakaroon ng healthy, positibo, at supportive relationship sa kanya
- Clear limit setting
- Positive reinforcement
May tinatawag ding Positive Discipline. Isa itong non-violent approach para matulungan at magabayan ang mga bata na makabuo ng positibong behavior. May paggalang ito sa kanilang karapatan sa healthy development, protection from violence, at participative learning, alinsunod sa nakasaad sa 2017-2022 Philippine Plan of Action to End Violence Against Children ng gobyerno ng Pilipinas.
Kailan dapat komunsulta sa doktor
Komunsulta sa doktor katulad ng pediatrician, sa isang child o adolescent psychiatrist o psychologist, o iba pang qualified mental health professionals sakaling hindi ka sigurado kung ano ang dapat gawin kapag may behavioral problems ang iyong anak.
- Age-focused
- Age-appropriate behaviors
- Iwasang magbigay ng reward o positive support kapag hindi maganda ang ginagawa ng iyong anak. Halimbawa, kung siya ay may tantrum, hindi siya dapat bigyan ng paborito niyang cookies para lang tumahimik.
- Huwag pansinin ang bad behavior.
- Huwag siyang payagang manood ng TV o kumain ng dessert kapag ayaw niyang makinig.
- Bigyan siya ng gawain o “time out”.
- Posible ring iparanas sa kanya ang natural na resulta. Halimbawa, kung ayaw niyang kumain, matutulog siyang makararamdam ng gutom.
Paliwanag ni Jennifer Katzenstein, Ph.D., direktor ng psychology at neuropsychology sa Johns Hopkins All Children's Hospital, makaaapekto sa pagtitiwala ng anak sa iyo ang paraan mo ng pagdidisiplina sa kanya.
Mahalagang maunawaan na ang positibo at mapagmahal na pundasyon ang pinakamahalaga, lalo na sa mga pagkakataong kailangang disiplinahin ang anak. Kapag pakiramdam ng bata na wala na siyang ginagawang tama, posibleng mag-give up na siya sa paggawa ng tama o pagiging mabuti. Makatutulong din kung magsasabi sa anak ng hanggang tatlong mabuting bagay na kanyang nagawa para sa bawat corrective feedback. Sa ganitong paraan, mas mararamdaman niyang hindi ka lamang sa mga pagkakamali nakatingin.
Kailangan din maging konsistent. Kapag sinabi mong may gagawin ka, kailangang ipakita mo talaga sa kanyang gagawin mo ito. Halimbawa, kapag sinabi mong kukunin ang kanyang gadget kapag hindi niya gagawin ang kanyang takdang aralin, kailangang gawin mo talaga ito. Sikapin ding magbibigay ka lamang ng commands o mga utos o magtatanggal ng pribilehiyo na kaya mong gawin. Kapag konsistent ka, mas magtitiwala siya sa iyo.
Kailangan ding fair ang iyong pagdidisiplina. Logical consequences ang kailangang maunawaan ng iyong anak. Halimbawa, kapag itinapon niya ang pagkain sa sahig, siya rin ang dapat na maglinis nito. Kapag nagawa niya nang pulutin at linisin ang kalat, tapos na ang consequence o “parusa”. Dito malinaw na makikita na ang parusa ay ang mismong may koneksyon sa “behavior” o ginawa niya.
Mahalaga rin ang prevention. Imbes na lalala ang pag-uugali ng anak, makatutulong kung sa simula pa lang ay tuturuan na siya kung paano maging mabuti at magalang na bata. May mga teknik na magagamit upang maiwasan ang behavior problems.
Isa rito ang pagbibigay sa anak ng kakayahang mamili o magpasya. Dito niya mararamdaman na may halaga ang naiisip at nararamdaman niya, at may karapatan siyang pumili ng gusto at/o kailangan niya. Kahit bilang magulang, nasa iyo pa rin ang huling pasya, nabibigyan mo siya ng pagkakataong madinig ang kanyang saloobin.
Ikalawang teknik ang redirection. Kung halimbawang hindi ka payag sa gusto niya, puwede kang magbigay ng iba pang mga opsyon.
At huli, malaking tulong din kung hindi mo na papansinin ang maliliit na mga bagay na nakadidismaya. Bigyang halaga lamang ang rules na talagang may bigat sa iyo, at ipaliwanag sa kanya kung bakit napakahalaga ng mga ito.
Iwasan ang pamamalo sa bata dahil tinuturuan mo lamang ang iyong anak na maging agresibo rin. Sakaling napakaemosyonal mo na dahil sa nakikitang ginagawa ng anak, mas mainam kung lalayo ka muna at pakakalmahin ang sarili.
Tandaan na labag sa karapatan ng mga bata ang pamamalo o pananakit sa kanila. Mayroong karapatan sa physical integrity, human dignity, mabuting kalusugan, development, edukasyon, at kalayaan mula sa pananakit o degrading treatment o punishment ang mga bata.
Paano didisiplinahin ang bata nang hindi gumagamit ng pananakit?
Kailangang ituon ang pansin sa maling ginawa ng bata. Sabi ng psychologist na si Jon Lasser, Ph.D., na espesyalista sa bata at pamilya, “When a child does something wrong, parents do not punish, but rather work with the child to better understand what happened and then develop better alternatives.” (Kapag may ginawang mali ang bata, hindi dapat parusahan ng magulang, sa halip higit na ipaunawa sa bata kung ano ang nangyari at umisip ng mas mabuting gawin.)
Ang pagdidisiplina o pagtuturo sa mga anak ng wastong pag-uugali at kilos ay talagang bahagi ng parenting o pagiging magulang. Ngunit tandaan na ang methods o pamamaraang pinipili at ginagamit ng mga magulang ang pinakamahalaga. Kailangang maging bukas sa positibong disiplina, paghahanap ng suporta, at pagbuo ng matibay na relasyon sa pagitan ng magulang at anak. Sa pamamagitan nito, makabubuo tayo ng kapaligirang makabubuti sa mga bata, sa iba’t ibang aspektong emosyonal, sosyal, at intelektwal.