Ang article na ito ay nadagdagan na ng updates noong March 31, 2023.
Bagong karanasan ang pagdadalang-tao lalo na kung unang pagkakataon ito para sa isang babae. Kaya naman nakakagambala kapag may hatid itong kakaibang pakiramdam o kondisyon. Mainam na alamin ang dahilan, halimbawa, kung bakit dinudugo ang buntis.
Ano ang kulay ng spotting pag buntis?
Sa mga unang linggo ng pagbubuntis, may mararanasan na kaparis ng pagkakaroon ng regla o menstruation. Ang tawag dito ay implantation bleeding. Sa regular menstruation, mula light pink hanggang dark brown ang dugo na tuloy-tuloy na dumadaloy sa loob ng ilang araw. Sa implantation bleeding, mula bright hanggang dark red ang vaginal discharge at on-and-off ito.
Bakit dinudugo ang buntis
Nangyayari ang implantation bleeding, ayon sa American Pregnancy Association (APA), kapag ang fertilized egg ay pumuwesto sa loob o interior lining ng uterus, na kilala din sa tawag na endometrium. Paliwanag pa ng What to Expect, mula anim hanggang 12 araw ang paglalakbay ng fertilized egg mula sa fallopian tube papunta sa uterus o matres. Sa paggalaw ng fertilized egg ay may maliliit na blood vessel na natatamaan at pumuputok kaya nakakaroon ng pagdudugo.
Bagamat hindi kailangang mag-alala sa pagkakaroon ng implantation bleeding, makabubuti pa rin sa buntis na ipagtapat niya ito sa kanyang doktor.
Bukod sa implantation bleeding, may iba pang posibleng dahilan ng banayad na pagdudugo, ayon pa rin sa APA. Maaaring dahil ito sa iritasyon sa cervix pagkatapos magpa-check-up o kaya makipagtalik, mag-ehersisyo nang todo, at magkaramdam ng vaginal infection.
Gaano kadami ang spotting ng buntis?
Buntis pero dinudugo? Ang isa pang dahilan nito ay ang first trimester bleeding na karaniwang ilang patak lang kaya tinatawag din itong spotting. Maraming buntis ang nakakaranas nito at nanatili silang malusog hanggang manganak.
Ngunit rekomendado pa rin ang pagpapatingin sa doktor. Maaari kasing unang senyales ang spotting ng seryosong kondisyon, tulad ng ectopic pregnancy, molar pregnancy, at miscarriage.
Nagkakaroon ng ectopic pregnancy kapag ang fertilized egg ay hindi nakarating sa uterus at pumuwesto sa ibang parte ng female reproductive system, kadalasan sa fallopian tube. Kaya tinatawag din ang klase ng pagbubuntis na ito na tubal pregnancy. Kailangan na magamot kaagad ito dahil walang kakayahan ang fallopian tube na maging bahay-bata at hindi mabubuo ang embryo dito.
Ang molar pregnancy ay isang abnormality ng placenta na resulta ng genetic error habang nasa fertilization process pa lamang. Nagkakaroon ng abnormal tissue sa uterus at hindi na nabubuo pa ang embryo dito. Isa sa bawat isang libong pagbubuntis sa United States ay nagiging molar pregnancy, ayon sa APA, at mas mataas pa ang bilang ng mga kaso sa Mexico at mga bansa sa Southeast Asia, partikular ang Pilipinas.
Humahantong sa miscarriage o nakukunan ang buntis bago niya marating ang 20th week, ayon sa Mayo Clinic website. Dagdag pa nito na 10 hanggang 20 porsyento ng pagbubuntis ay nauudlot. Minsan pa nga ay nakukunan ang isang babae nang hindi niya namamalayan dahil nangyayari ito nang hindi pa siya nakakakuha ng pregnancy test.
Bukod sa spotting, may ibang sintomas ang ectopic pregnancy, molar pregnancy, at miscarriage. Ilan sa mga ito ang pagkirot ng tiyan, pananakit ng likod, at hirap sa pag-ihi o pagdumi.
Nagkakaroon pa rin ng spotting kahit malapit nang manganak kung may pagbabago sa cervix ng buntis o may vaginal infection siya. Maaari ding dahil sa tinatawag na “show,” na inilalarawan ng United Kingdom National Health Service (NHS) ang pagkawala ng “plug of mucus” sa cervix. Ang ibig sabihin daw nito ay naghahanda na ang cervix sa paglabas ng sanggol mula sa sinapupunan at nangyayari ito ilang araw bago makaramdam ang buntis ng contraction.
May ilan pang dahilan kung bakit dinudugo ang buntis sa huling bahagi ng kanyang pagdadalang-tao, ayon pa rin sa NHS. Kabilang dito ang placental abruption, low-lying placenta o placental praevia, at vasa praevia. Mga seryosong kondisyon ang mga ito na nangangailangan nang agarang medical attention.
Huwag agad mabahala agad kung ikaw ay nakakaranas ng spotting habang buntis
Maraming mga kababaihan ang nagtataka kung normal ba ang pagdurugo sa panahon ng kanilang pagbubuntis. Sa katunayan, ang pagdurugo sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring maging sanhi ng pagkabahala at pangamba. Kailangan malaman ng mga buntis na hindi lahat ng pagdurugo ay dapat ikabahala.
Gayunpaman, kung mayroong hindi karaniwang pagdurugo tulad ng malakas na dugo, malaking buo ng dugo, o kasabay ng matinding sakit sa tiyan, kailangan itong iparating agad sa doktor. Ang ganitong pagdurugo ay maaaring senyales ng mas malalang karamdaman tulad ng panganganak na maaga o miscarriage. Kaya't mahalagang magpakonsulta sa doktor upang masiguro ang kalagayan ng buntis at ng sanggol sa sinapupunan.
Anong ang spotting na hindi dapat ikabahala kapag buntis?
Sa panahon ng pagbubuntis, maaaring magkaroon ng pagdurugo na hindi naman gaanong nakakabahala. Halimbawa nito ay ang spotting o pagkakaroon ng konting dugo sa panty liner. Karaniwan, ang ganitong uri ng pagdurugo ay hindi malakas at hindi kasabay ng sakit sa tiyan o ng iba pang sintomas. Ito ay maaaring dulot ng pagbabago ng hormonal balance sa katawan ng buntis o sa implantation bleeding, o kaya naman ay dahil sa maaaring sensitibong cervix ng buntis.
Mahalagang bantayan ang uri, kulay, at dami ng dugo na lumalabas. Kung hindi ito malakas at walang kasamang sintomas, maaaring hindi ito maging malaking alalahanin. Gayunpaman, kailangan pa rin ng regular na prenatal checkup at pakikipag-ugnayan sa doktor upang masiguro ang kalagayan ng buntis at ng sanggol sa sinapupunan.