Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Nagulat o nagtaka ka na rin ba sa pabago-bagong kulay ng ihi mo? Hindi ito karaniwang pinag-uusapan, ngunit maraming masasabi tungkol sa lifestyle at kalusugan ng isang tao. Halimbawa nito ang kulay ng ihi ng buntis, pati na ang itsura at amoy.
Pagbubuntis at pag-ihi
Kung ikaw ay buntis, mahalagang malaman na sa loob ng mula 12 hanggang 14 araw pagkatapos ng conception, nadi-detect na ang levels ng hormone na human chorionic gonadotropin (hCG). Napo-produce ang hormone na ito sa panahon ng pagbubuntis at nabubuo sa placenta kung saan mas lalong mabibigyang nutrisyon ang fertilized egg na dumikit sa uterine wall.
Ito ang dahilan kung bakit ang urine-based home pregnancy test ay maaasahang paraan upang makumpirma ang pagbubuntis ng isang babae. Bukod dito, maaasahan din ang kulay ng ihi ng buntis sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa iyong kalusugan.
Dahil buntis ka, mayroong overall increase sa dugong dumadaloy sa iyong katawan at 25 percent ng dugong ito ay napupunta sa bato o kidneys. Dumadaan din sa mga pagbabago ang iyong mga kidney o bato sa panahong buntis ka.
Kapag sinasala ng kidneys ang mga dumi mula sa inumin at pagkaing nakapapasok sa katawan, nagiging ihi o urine ang extra fluid. Kapag naproseso na ito sa bato, mapupunta naman ito sa iyong bladder o pantog.
Ang hormone na hCG din ang dahilan ng madalas mong pag-ihi. Ang ureters ay mga tubo na nag-uugnay sa mga bato at pantog. Mula sa pantog, daraan sa urethra ang ihi upang makalabas sa ating katawan.
Mga kulay ng ihi
Urochrome ang tawag sa standard color ng ating ihi. Mayroon itong dilaw na pigment. Kung hydrated ka, light yellow, close-to-clear ang kulay iyong ihi. Kapag dehydrated o kulang sa fluids ang katawan, mapapansin mong deep amber o light brown na ang iyong ihi.
Ang kulay ng ihi ay dulot ng iba't ibang pigments sa mga pagkain at gamot sa iyong digestive tract. Kasama na rin dito ang laxatives at dyes. Ito rin ang dahilan sa pagbabago ng kulay ng ihi ng buntis.
Karamihan sa mga kulay ay nakapaloob pa sa spectrum ng kung ano ang normal na kulay ng ihi. Ayon sa urologist na si Petar Bajic, MD., ang urine ay magkakahalong tubig, electrolytes at dumi, na sinala na ng ating mga bato mula sa ating dugo.
“It’s completely normal for the color of your urine to vary a little day by day,” paliwanag ni Dr. Bajic sa artikulo ng Cleveland Clinic. “But it should stay within a certain range of yellow.”
Walang kulay o kulay honey
Kung halimbawang inom ka nang inom ng tubig, nada-dilute ng fluids ang dilaw na pigments sa iyong ihi kaya mapapansin mong halos walang kulay ang ihi mo.
Tandaang ang walang kulay na urine ay maaari ding senyales ng sakit sa atay tulad ng cirrhosis at viral hepatitis. Kung hindi ka umiinom palagi ngunit clear pa rin ang ihi, mainam kung kokonsulta ka rin sa doktor.
Dilaw
Kapag kulay honey o mapusyaw na shades ng dilaw ang kulay ng iyong ihi, nasa normal pa ito at nagpapakitang maayos ang iyong kalusugan. Kung mataas sa B-vitamins ang iyong dugo, mapapansing neon yellow ang kulay ng iyong ihi.
Darker yellow o amber
Kung kulang sa tubig, nagiging mas concentrated ang ihi at nagiging darker yellow o amber ito.
Pula o pink na ihi
Pagkain ang madalas na sanhi nito. May mga pagkakataong ganito ang kulay kapag ang kinakain ay beets, rhubarb, at blueberries. Karaniwan ding senyales ng iba’t ibang karamdaman ang iba pang mga kulay ng ihi.
Ayon sa mga doktor, hindi normal ang mga kulay pula (kung may kasamang dugo), bughaw, berde, dark brown, at cloudy white. Kung ganito ang kulay ng ihi ng buntis, kailangang maging alerto sa iba pang sintomas na mararamdaman.
Kung dark orange ang ihi, partikular kung mayroon kang pale stools at naninilaw na balat at mga mata, posibleng atay ang problema.
Kung cloudy urine ito, posibleng mayroong impeksyon, dehydration, at iba pang kondisyon tulad ng preeclampsia. Nagiging cloudy rin ang ihi dahil sa excess white blood cells na lumalaban sa impeksyon, sa pagkakaroon ng dugo sa ihi, o sa posibilidad na nahahalo ito sa vaginal discharge.
Kung dehydrated, payo ng mga ekspero na uminom ng maraming tubig, cranberry juice, gatas, at iba pa upang ma-flush ang bacteria. Sa kabilang banda, malaking tulong din ang antibiotics para magamot ang iba’t ibang impeksyon. Kailangan din ng urine test upang matukoy kung anong antibiotics ang kailangan.
Para sa preeclampsia, malaking ginhawa kapag isinilang ang sanggol. Kailangan din makipagtulungan sa doktor upang ma-evaluate ang susunod na mga hakbang kung mayroong ganitong kondisyon.
Mga sanhi ng pagbabago sa kulay ng ihi
Ilan sa mga dahilan kung bakit nagbabago ang kulay ng ihi ay ang sumusunod:
Dehydration
Nagdudulot ito ng:
- Dark-colored urine
- Pagkauhaw
- Hindi madalas na pag-ihi
- Labis na pagkapagod, pagkalito, pagkahilo
Tandaan ding sanhi ng dehydration ang morning sickness dahil napapadalas dito ang pagsusuka.
Urinary tract infection (UTI)
Nagdudulot ito ng:
- Madalas na pag-ihi
- Masakit o burning sensation habang umiihi
- Matapang na amoy ng ihi
- Pelvic pain
- Strong urge para umihi
- Braxton-Hicks contractions
Preeclampsia
Nagdudulot ito ng:
- High blood pressure
- Pananakit ng ulo
- Vision changes
- Pananakit ng puson o abdominal pain
- Nausea o pagsusuka
- Pagkahingal
- Pamamanas
- Pagbigat ng timbang
Yeast infection
Nagdudulot ito ng:
- Pangangati ng vulva o vagina
- Cottage cheese–like discharge
- Burning sensation habang umiihi
- Sumasakit kapag nakikipagtalik
Sexually transmitted infections (STIs)
Nagdudulot ang mga ito ng:
- Pananakit kapag umiihi o dumudumi
- Foul-smelling discharge
- Vaginal spotting o bleeding
- Lower abdominal pain
Kidney stones
Nagdudulot ang mga ito ng:
- Pagkirot kapag umiihi
- May dugo sa ihi
- Labis na sakit sa puson o likod, lalo sa lower back
- Nausea
- Pagsusuka
Mga rekomendasyon ng doktor
Kung mayroon kang mga karamdamang natuklasan sa tulong ng kulay ng iyong ihi, narito ang ilan sa mga payong treatments na inirerekomenda ng mga doktor:
- Bed rest
- Corticosteroids
- Suppositories at creams
- Anticonvulsant medications
- Blood pressure medications
- Over-the-counter treatments
- Surgery o specialized treatments
- Pain medication o intravenous fluids
- Prescription antibiotics para sa STIs, tulad ng gonorrhea at chlamydia
Bilin din ng mga ekspeto na maging alerto sa mga pagbabago sa amoy ng ihi kapag buntis. Ang matapang na amoy ng ihi ay palatandaan ng UTI. Tandaang mas matalas ang pang-amoy ng buntis kaya mas malakas ang tila ammonia na amoy ng iyong ihi sa panahong ito.
Posible ring light implantation bleeding ang dahilan. Kung may dugo rin sa ihi, maaaring senyales ito ng impeksyon sa puwerta (vagina) o sa cervix.
Kailan dapat komunsulta sa doktor
Ang madalas na urine testing ay nakatutulong sa pagsigurong nasa maayos na kalagayan ang iyong baby. Inirerekomenda ang patuloy na pakikipag-usap sa iyong doktor dahil kalusugan mo at ng iyong baby ang nakataya rito.
Maaasahang source ng impormasyon tungkol sa ating kalusugan ang ating ihi o urine. Mula noong unang panahon na mayroon nang mga manggagamot, ginagamit na itong paraan upang matukoy ang kalagayan ng kalusugan ng mga tao.
Mahalagang magpa-check up kung mararanasan ang iba pang mga sintomas:
- Lagnat
- Pagdurugo
- Matinding sakit
- Pressure sa puson
- Cramping o regular contractions
- Pagbabago sa vaginal discharge
- Pumutok ang panubigan bago ang ika-37 linggo
Paalala ng mga eksperto na delikado rin kapag walang sakit na nararamdaman ngunit mayroong pagdurugo at pagbabago sa kulay ng ihi ng buntis.
Basahin dito kung bakit ihi nang ihi ang buntis.