Mahalagang tulong medical ang ultrasound upang makita ang mga internal organ ng ating katawan. Gumagamit ng sound waves ang ultrasound para makabuo ng imahe. Batay sa Harvard Health, isinasagawa ang prosesong ito ng isang radiologist o ultrasound technician at ob-gyn sonologist, kung saan naglalagay sila ng lubricant sa balat ng pasyente at sa mismong gagamiting aparato para mabawasan ang friction o hindi masaktan ang pasyente.
Kapag ipinasok na ang aparato sa katawan, magdadala ng mga sound waves ang transducer sa katawan at kunin naman nito ang echo na na magmumula sa internal organ o tissue na bubuo naman ng imahe na siyang nakikita sa screen. Naglalakbay sa iba’t ibang bilis depende ang mga sound waves depende sa uri ng tissue na madadaanan nito. Ang bilis kung saan bumabalik sa transducer ang mga sound waves, pati na rin ang dami ng bumabalik na sound waves ay isinasalin ng transducer bilang iba’t ibang uri ng tissue.
Karaniwan na ang pelvic ultrasound at transvaginal ultrasound ay ginagamit para suriin ang mga internal organ ng mga kababaihan, buntis man sila o hindi. Sa kaso ng mga kababaihan, isang ob-gyn sonologist ang gumagawa ng ganitong mga ultrasound.
Ano ang pelvic ultrasound?
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, isang non-invasive procedure ang pelvic ultrasound. Karaniwang sinusuri nito ang mga internal organ ng babae tulad ng matris, obaryo, fallopian tubes, at pantog. Ginagawa ito sa paglalagay sa ibabaw ng tiyan sa mga bandang puson ng transducer. Ito ay isang maliit na aparato na naglalabas at tumatanggap ng sound waves. Karaniwang kailangang uminom ng maraming tubig bago isagawa ang procedure na ito para mapuno ang pantog na makatutulong naman upang maging malinaw ang pagkuha ng imahe.
Kailan ginagawa ang pelvic ultrasound?
Isinasagawa ang pelvic ultrasound para sa pagsusuri ng mga sumusunod:
1. Para makita kung may abnormalities sa pelvic ograns sa bahagi ng matris, obaryo, pantog gaya ng cysts, fibroids, polyps, o tumors.
2. Para sa pagkumpirma ng pagbubuntis at masubaybayan ang paglaki ng baby sa sinapupunan ng ina.
3. Para sa pagtukoy ng sanhi ng pelvic pain gaya ng endometriosis, myometritis, o pelvic inflammatory disease o PID.
4. Para sa pag-alam sa suliranin sa pag-ihi na matiyak kung may problema sa pantog.
Ano ang transvaginal ultrasound?
Kilala rin ito bilang endovaginal ultrasound dahil ang aparato na kumukuha ng imahe sa iyong pelvic cavity ay ipinapasok sa vagina. Batay sa Cleveland Clinic, isa itong mabilis na proseso at hindi ganoon nagdudulot ng sakit. Kung minsan, maaaring makaranas din ng simpleng sakit o hindi pagiging komportable sa simula ng pagpasok ng aparato pero sa kabuuan ng proseso ay wala na ring mararamdaman. Sasabihin din ng ob-gyn sonologist sa pasyente na huminga sa bibig para mawala ang pakiramdam ng bahagyang discomfort.
Gumagamit din ng transducer dito ngunit kaiba sa pelvic ultrasound. Ito ay mahaba at manipis at nilalagyan ng cover na plastic o latex sheath saka ng conductive gel bago ito ipasok sa loob ng vagina.
Sa ultrasound na ito, nakukuha ang mas detalyadong imahe ng mga pelvic organs. Mas nagiging malinaw ang mga nabubuong imahe dahil mas malapit ang aparato sa mga organs. Ito ang karaniwang ipinapagawa ng mga ob-gyn sa mga nagsisimula pa lamang magbuntis.
Kailan ginagawa ang transvaginal ultrasound?
1. Para makita ang mas maliliit na abnormalities sa mga pelvic ograns na maaaring hindi makita sa pelvic ultrasound.
2. Para sa pagkukumpirma ng maagang pagbubuntis at nasusubaybayan ang pagdebelop ng fetus sa unang trimester ng pagbubuntis.
3. Para matingnan ang kalagayan ng obaryo at matris upang malaman kung may problema na maaaring magdulot ng infertility. Kabilang na rin dito ang pag-alam sa kapal ng lining ng matris na mahalaga para malaman ang problema sa pagreregla at iba pang kondisyon.
4. Para matukoy kung ano ang sanhi ng abnormal vaginal bleeding kapag may nararanasan ang isang babae.
Pelvic vs. vaginal ultrasound: Alin ang para sa iyo?
Ang pagpili sa pangangailangan ng pelvic o transvaginal ultrasound ay depende sa iyong mga sintomas, medikal na kondisyon, at layunin ng pagsusuri.
Ang transvaginal ultrasound ang kadalasang inirerekomenda ng mga ob-gyn sa buntis sa unang trimester o kapag may sintomas ng pelvic pain o abnormal bleeding para mas detalyadong ang pagsusuri.
Kapag nasa ikalawa o ikatlong trimester na ng pagbubuntis, sapat na ang pelvic ultrasound para sa pangkalahatang pagsusuri ng abnormality sa pelvic area.
Ipinagagawa naman ang pelvic o abdominal ultrasound kapag hindi puwedeng gawin ang transvaginal ultrasound. Halimbawa, kapag buntis at ang placenta ay malapit sa matris, maaaring magdulot ng pagdurugo ang transvaginal kaya pelvic ultrasound ang ipinagagawa.
Ano ang dapat paghandaan kapag sumailalim sa pelvic o transvaginal ultrasound?
Walang paghahanda ang kailangan. Isipin lamang na kailangang alisin ang damit pambaba at magsuot ng gown para mas madali ang pagsasagawa nito. Kakailanganin din ang pag-aalis ng mga alahas. Pagkatapos ay hihiga ka na sa examination table o bed.
Kapag natapos din ang proseso, bibigyan ka ng tissue para alisin sa iyong balat o katawan ang iniligay na lubricant o conductive gel at wala ring kailangang pangangalaga o inaasahang pagbabago sa katawan.
Gayunman, depende pa rin ito sa ilang partikular na sitwasyon. Maaaring may ibigay na payo rin sa iyo ang doktor sa dapat na gawin ngunit walang dapat na ikabahala.
Ang parehong pelvic at transvaginal ultrasound ay ligtas at walang iniwang radiation sa katawan. Mahalaga ang mga ito sa maagang pagtukoy ng mga reproductive health issues. Kung may concerns ka tungkol sa proseso, huwag mag-atubiling kumonsulta sa iyong doktor upang matiyak ang pinakaangkop na pagsusuri batay sa iyong kalagayan.