Karaniwang dahilan ng pagdiriwang ang panganganak. Masaya ang lahat sa pagdating ng iyong baby. Para sa ibang mga nanay, mayroon silang pinagdaraanang mahirap tanggapin dahil mayroong damdamin tulad ng kalungkutan.
Kung minsan pa nga, bukod sa lungkot, mayroon pang anxiety at labis na pagod. Na para bang nawawalan sila ng gana sa buhay.
Marami na rin ang nakaaalam tungkol sa postpartum depression. Maraming mga babae ang naaapektuhan nito matapos nilang isilang ang kanilang anak. Sa artikulong ito, tatalakyin natin ang Delayed Postpartum Depression. Gaano ba katagal bago masabing delayed ang nasabing medical condition? Paano masusuportahan ang mga nanay na dumaranas nito?
Ano ba ang Delayed Postpartum Depression?
Ang delayed postpartum depression ay kilala rin bilang postpartum depression with delayed onset. Uri ito ng depresyong nararanasan ilang linggo at kahit pa nga buwan matapos manganak ang isang babae (first year postpartum). Kung minsan, labingwalong buwan ang lilipas bago mo maramdaman ang mga sintomas.
Ayon sa mga eksperto, may limang porsyento (5%) ng mga bagong nanay na nakararanas pa nito tatlong taon matapos silang manganak.
Mga Sintomas ng Delayed Postpartum Depression
- Hindi nawawalang pakiramdam ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa
- Pagiging iritable o mabilis magalit
- Kawalan ng gana sa mga bagay na dati namang na-e-enjoy
- Pagbabago sa gana sa pagkain
- Pagbabago sa timbang
- Hirap sa pakikipag-bonding sa baby
- Hirap sa pagtulog
- Mabilis magising kapag nakatulog
- Labis na pagod
- Kawalan ng enerhiya
- Pakiramdam ng guilt o pagiging walang kuwenta
- Hirap mag-concentrate o focus
- Hirap sa pagpapasya o paggawa ng desisyon
- Nakakaisip na saktan ang sarili o mag-suicide
- Nakaiisip na saktan ang baby
Mahalagang matukoy nang maaga kung may ganitong nararamdaman. At dahil nga delayed, kailangan pa ng higit na suporta sa mga tao sa paligid na posibleng nabibigla sa mga pagbabago sa nanay na kapanganganak pa lang.
Inaasahan kasing magiging masaya ang nanay sa kabila ng pagod. Hindi rin lahat ay nauunawaan ang depression.
Hindi rin maiiwasang mismong nanay ang nakaiisip na pagod lang siya. Wala siyang ideya na delayed postpartum depression na pala ito. Aakalaing temporary fluctuations sa mood lang ang dinaranas. Kaya mahalagang komunsulta sa doktor sakaling may ilan sa mga sintomas na nabanggit ang mararamdaman.
Risk Factors ng Delayed Postpartum Depression
Dahil hindi pa lubos na nauunawaan ang DPD, maraming salik ang nakapagdudulot ng risk na magkaroon ng ganitong kalagayan ang mga babae.
Kasama sa risk factors ang sumusunod:
- History ng depression o anxiety
- History ng postpartum depression sa naunang mga pagbubuntis at panganganak
- Mataas na levels ng stress o may mga pinagdaanang pagbabago sa buhay
- Kakulangan sa social support
- Hirap sa pagpapasuso o breastfeeding
- Unplanned or unwanted pregnancy
- Problema sa mga relasyon sa pamilya o sa asawa
- Problemang pampinansyal
- Mga komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak
- Hormonal fluctuations
- History ng mental illness sa pamilya
- Traumatic na karanasan sa panganganak
- Addiction Recovery
Maraming doktor din ang naniniwalang kapag kulang ang suportang natatanggap ng mga nanay, mataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito.
Mga Epekto ng Delayed Postpartum Depression
Sa ganitong kalagayan, labis ang pagbaba ng hormones. Ang levels din ng estrogen at progesterone, na mataas habang nagbubuntis, ay bumababa matapos manganak.
Bukod sa pisikal at emosyonal na mga demand ng pagiging nanay, ang hormonal changes na ito ang nakaaapekto sa chemistry sa utak.
Paano Ginagamot ang Delayed Postpartum Depression?
Sa oras na may nararanasang sintomas, makabubuti ang pagkonsulta sa doktor. Mahalaga ang pag-monitor sa kalusugan at tandaang mayroong treatment options para sa delayed postpartum depression.
Kasama rito ang sumusunod:
- Cognitive-behavioral therapy (CBT), interpersonal therapy (IPT), at iba pang mga uri ng counseling
May mga kasong nangangailangan ng medical intervention at psychotherapy. - Antidepressant medications
Ayon sa mga eksperto, kailangan simulan ang pagbibigay ng gamot nang low dose muna
at saka lang daragdagan nang unti-unti. Kailangang komunsulta sa doktor kung ikaw ay
nagpapasuso para malaman kung may mga epekto ba ang gamot sa iyong baby. - Support Groups
Malaking tulong ang pagkakaroon ng mga taong makakausap at makararamay sa panahong ito. - Self-Care
Mainam din ang pananaliksik tungkol sa self-care upang guminhawa ang pakiramdam
sa ganitong panahon. - Social Support
Kailangang mayroong masasabihang kapamilya at kaibigan tungkol sa iyong
pinagdaraanan. Sa ganitong paraan, maiibsan ang bigat na dala mo.
Sa mga babaeng nagkakaroon ng suicidal ideations, kailangang komunsulta sa mga mental health professionals para sa agarang lunas at wastong medikasyon.
Mga Dapat Gawin Kung Mayroon Kang DPD
Ayon sa NHS, mainam na tandaan ang sumusunod:
- may tulong at suportang available, kasama rito ang talk therapy
- sakit ang depresyon at mayroon ding mga gamot na nakatutulong maibsan ito
- hindi mo kasalanang may depression ka
- hindi ito nangangahulugang masama kang magulang o ina
- hindi ka nababaliw
- hindi kukunin o babawiin sa iyo ang iyong anak
Makatutulong din ang pagsali sa mga inisyatibong ukol sa kalusugang pampag-iisip ng mga nanay. Anomang sintomas ang nararamdaman, mainam din ang agad na pagkonsulta sa doktor lalo kung ang pang-araw-araw na buhay ay labis nang naaapektuhan.