Labor & Childbirth

Mga Kulay ng Panubigan: Ano ang Ibig Sabihin Nito sa Buntis at Baby

Iba’t ibang kulay ng amniotic fluid may iba’t ibang kahulugan. Alamin kung alin ang normal at delikado.

by Dinalene Castañar-Babac

Published on Jan 20, 2026

pregnant womanCanva

Isa sa pinakahihintay ngunit kadalasang kinatatakutan ng isang buntis ay ang pagputok ng panubigan o water breaking. Ito ang isa sa mga pangunahing senyales na malapit nang manganak ang buntis. Ang panubigan o amniotic fluid ay ang likidong nakapalibot at nagpoprotekta sa baby sa loob ng matris. Mahalagang malaman ang kulay ng panubigan dahil maaari itong magbigay ng senyales tungkol sa kalagayan ng iyong baby at kung kinakailangan na ng agarang atensiyong medikal. 

ADVERTISEMENT

Ano ang panubigan o amniotic fluid?

Ayon sa Medline Plus, ang panubigan ay isang malinaw at bahagyang madilaw-dilaw na likido na nasa loob ng amniotic sac na nakapalibot sa baby.

Sa mga unang linggo ng pagbubuntis, halos tubig lamang ito na galing sa katawan ng buntis. Ngunit pagkalipas ng humigit-kumulang 20 linggo, karamihan sa likidong ito ay nagmumula na sa ihi ng baby at naglalaman na ng mga nutrisyon, hormones, lipids, at antibodies na tumutulong lumaban sa impeksiyon. 

Bakit mahalaga ang panubigan?

Habang nasa sinapupunan, lumulutang ang baby sa panubigan. Tumataas ang dami ng panubigan pagsapit ng humigit-kumulang 34 na linggo ng pagbubuntis at karaniwang umaabot ito sa 800ml. Kapag umabot naman sa full term o 40 linggo ng pagbubuntis, nababawasan ang dami nito at umaabot na lamang sa humigit-kumulang 500ml.

Mahalaga ang panubigan dahil: 

  • Pinoprotektahan nito ang baby laban sa biglaang galaw o trauma, tulad ng isang shock absorber 

  • Pinananatili nito ang tamang temperatura para sa baby 

  • Tinutulungan nito ang paglaki ng baga, digestive system, at mga buto ng baby 

  • Nakaiiwas ito sa sobrang pressure sa umbilical cord

Ano ang normal na kulay ng panubigan?

Ayon sa Cleveland Clinic, ang normal na kulay ng panubigan ay karaniwang walang kulay o clear lamang at wala rin itong amoy. Maaari rin itong maging: 

  • Medyo madilaw na parang kulay ng dayami (pale yellow) 

  • Malabong puti na kahawig ng tubig sa hugas-bigas (cloudy white)

Ang ganitong mga kulay ay nangangahulugang normal at maayos ang lahat. Habang lumalaki ang baby at papalapit ang due date, maaaring maging mas malabo ang kulay ng panubigan at magmukhang maputing likido. Kapag nakaranas ng tuloy-tuloy na paglabas ng likido na parang hindi mapigilang pag-ihi, karaniwan itong senyales ng pagputok ng panubigan at pagsisimula ng labor.

Kailan hindi normal ang kulay ng panubigan?

Kapag ang kulay ng panubigay ay malayo sa maputlang dilaw o malabog puti, maaaring magpahiwatig ito ng problema na nangangailangan ng agarang atensiyon ng doktor.

Kulay berde, kayumanggi (brown), o kulay dumi

Ibig sabihin: May meconium staining. Ang meconium ang pinakaunang dumi ng baby at karaniwang inilalabas ito pagkatapos ipanganak. Kapag nailabas ito habang nasa sinapupunan o habang nagle-labor, maaaring senyales ito ng fetal distress o paghihirap ng baby sa loob ng sinapupunan. Kapag nalanghap ng baby ang meconium, maaari itong magdulot ng Meconium Aspiration Syndrome na delikado para sa baby.

Matingkad na dilaw (dark yellow)

Ibig sabihin: Posibleng indikasyon ito ng fetal hemolysis o pagkasira ng red blood cells ng baby, o kaya ay may problema sa puso ang buntis.

Mapula-pulang kayumanggi (brownish-red)

Ibig sabihin: Maaaring senyales ito ng intrauterine fetal demise, o pagkamatay ng sanggol sa loob ng matris.

Mabaho at parang nana (cloudy with purulent consistency)

Ibig sabihin: Maaaring may impeksiyon sa panubigan at mataas ang posibilidad na mahawaan din ang baby.

Ayon sa Medical News Today, bukod sa kulay at amoy ng panubigan, mahalaga ring isaalang-alang ang dami nito dahil may epekto ito sa pagbubuntis. Ito rin ang isa sa mga sinusuri ng doktor tuwing prenatal checkup.

  • Oligohydramnios ang tawag sa mababang dami ng amniotic fluid. Kapag mababa ang panubigan sa unang anim na buwan ng pagbubuntis, kadalasan na delikado ito at maaaring magdulot ng pagkalaglag, physical deformities, o maagang panganganak. Kapag sa huling bahagi ng pagbubuntis naman, maaari itong magdulot ng umbilical cord compression o problema sa paglaki ng baby sa loob ng matris o intrauterine growth. 

  • Polyhydramnios naman ang tawag sa labis na dami ng amniotic fluid. Maaari itong magdudulot ito ng pagmamanas ng paa, hirap sa paghinga, at constipation. Maaari din itong magdulot ng maagang panganganak o pagkalaglag ng baby. 

  • Chromnionitis ang kondisyon kapag may bakteriyang nagdudulot ng impeksiyon sa panubigan. Nagagamot ito sa sa pamamagitan ng antibiotics, ngunit kung hindi agad magagamot, maaari itong humantong sa seryosong komplikasyon. 

  • Premature rupture of membranes (PROM) o prelabor rupture. Nangyayari ito kapag pumutok ang panubigan bago ang 37 na linggo ng pagbubuntos at bago nagsimula ang pagle-labor. Kapag ipinagpatuloy pa ang pagbubuntis pagkatapos na pumutok ang panubigan, maaaring mapataas nito ang Impeksiyon at mga komplikasyon.

Ano ang mga dapat tandaan kapag pumutok ang panubigan?

Kapag nakaramdam na pumutok ang panubigan, tandaan ang mga sumusunod na maaaring itanong agad ng iyong doktor:

  1. Anong oras ito nangyari? 

  1. Gaano kadami ang lumabas? 

  1. Ano ang kulay nito? 

  1. Mayroon ba itong kakaibang amoy?

Huwag mataranta o mag-panic kapag nagyari ito. Gumamit ng maternity pad upang masalo ang likido. Kahit malinaw ang panubigan, mahalaga pa ring pumunta agad sa ospital. Kapag masyado mahaba ang pagitan mula sa pagputok ng panubigan hanggang sa panganganak, tumataas ang panganib ng impeksyon para sa baby at sa ina. 

Narito ang mga pagkaing pampakapit para sa mga buntis.

Ligtas Ba ang Suob sa Buntis? Mga Dapat Malaman

Read here
Dinalene Castañar-Babac

You Might Also Like
© 2026 Smartparenting.com.ph. All Rights Reserved.