Tagalog,greener,con-00370,mga sakit ng lymphatic system,Mga Sakit Ng Lymphatic System | Smart Parenting,lymph nodes, lymphatic system, mga sakit ng lymphatic system, lymphoma, diseases, health concerns,Ang ating lymphatic system ang sewerage system ng ating katawan.
SAKIT AT SINTOMAS

Mga Sakit Ng Lymphatic System

Ang ating lymphatic system ang ‘sewerage system’ ng ating katawan.
ILLUSTRATIONRose Ailyn Timbal

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

Sa wikang Latin nagsimula ang salitang lymph, na nangangahulugang “clear water” o "connected to water,” ayon sa National Lymphedema Network. Pagdating sa ating katawan, lymph ang tawag sa fluid na nasa lymphatic vessels at lymph nodes. Ito ay colorless, watery fluid na ibinabalik ng ating lymphatic system sa ating bloodstream.

Kabilang sa lymphatic system ang network ng vessels, ducts, at nodes, maging ang organs at diffuse tissue na sumusuporta sa ating circulatory system. Ang structures na ito ang tumutulong upang masala ang mapanganib na substances mula sa ating dugo. Sa mga ito matatagpuan ang specialized cells na sumisira ng nakapipinsalang mga pathogen.

Nasa ilandaang nodes ang matatagpuan sa ating katawan. Halimbawa, sa ating mga baga at puso at iba pang malalalim na bahagi. Mayroon ding mga nasa kilikili o sa singit (groin), ayon sa American Cancer Society. Matatagpuan ang lymph nodes, o mga kulani, mula ulo hanggang sa bahagi ng mga tuhod.

Ano-ano pang organs ng katawan ang kabilang sa lymphatic system?

Mga organs ng lymphatic system

Narito ang mga bumubuo ng lymphatic system:

Lymph nodes

Dito nagpo-produce at nag-iimpok ng cells na lumalaban sa mga impeksyon at sakit. Mayroong mula 600 hanggang 700 lymph nodes, o mga kulani, sa katawan ng tao.

Spleen

Ang pali o spleen ang pinakamalaking lymphatic organ at nagsisilbing site kung saan dumarami ang lymphocytes na uri ng white blood cells na lumalaban sa impeksyon o sakit. B lymphocytes (B cells) at T lymphocytes (T cells) ang dalawang uri ng lymphocytes.

Thymus

Dito nagma-mature ang T cells na tumutulong sa pagkasira sa cells na infected o cancerousAng B cells ang nagpo-produce ng antibodies na ginagamit sa pag-atake sa invading bacteria, viruses, at toxins. Ang T cells ang sumisira sa sariling cells ng katawan na mayroong virus o naging cancerous na.

Tonsils

Ito ang mga malalaking kumpol, o cluster, ng lymphatic cells na matatagpuan sa pharynx.

watch now

Kasama rin sa lymphatic system ang bone marrow, Peyer’s patches, at appendix. 

3 pangunahing functions ng lymphatic system:

  • Pagbalik sa excess interstitial fluid sa dugo
  • Absorption ng fats at fat-soluble vitamins mula sa digestive system at ang kasunod na pagdaloy ng substances na ito sa venous circulation
  • Defense o panlaban sa invading microorganisms at mga sakit

Sa fluid na nawawala sa capillary, nasa 90% ang maibabalik. Ang 10 porsyentong hindi na nakababalik ay nagiging bahagi ng interstitial fluid na nasa paligid ng tissue cells. Maaaring mag-leak ang maliliit na protein molecules sa capillary wall at madagdagan ang osmotic pressure ng interstitial fluid.

Dahil dito, napipigilan ang pagbalik ng fluid sa capillaries, at mas naiipon sa tissue spaces. Kapag nagtuloy-tuloy ito, nababawasan ang blood volume at blood pressure at ang volume ng tissue fluid naman ay nadagdaragan. Ito ang nagiging sanhi ng edema (swelling).

Kinukuha ng lymph capillaries ang excess interstitial fluid at proteins at ibinabalik sa daluyan ng dugo. Pagkatapos pumasok ng fluid sa lymph capillaries, lymph ang tawag dito.

Isa pang dapat malaman ay ang tungkol sa mucosa na nasa small intestine. Natatakpan ito ng fingerlike projections na villi. Ang blood capillaries at special lymph capillaries, na lacteals, ay nasa gitna ng bawat villus. Naa-absorb ng blood capillaries ang karamihan sa nutrients, ngunit ang fats at fat-soluble vitamins ay naa-absorb ng lacteals.

Ang lymph sa lacteals ay may mala-gatas na itsura dahil sa mataas na fat content at tinatawag na chyle. Ang lymph nodes at iba pang lymphatic organs ang nagsasala sa lymph upang matanggal ang microorganisms at iba pang foreign particles.

Mga sintomas na may sakit sa lymphatic system

Ayon kay Stephanie Bernik, chief ng surgical oncology sa  Lenox Hill Hospital sa New York, ang mga kadalasang sintomas ng disorder o sakit ng lymphatic system ay ang sumusunod:

  • Lagnat (fever)
  • Pangangayat (weight loss)
  • Pamamawis sa gabi (night sweats)
  • Pamamaga ng braso o di kaya singit (swelling of the arm or groin)

Mga sakit ng lymphatic system

Ang mga problemang may kinalaman sa lymphatic system ay nahahati sa sumusunod:

Dulot ng infection

1. Llandular fever—kasama sa sintomas ang tender lymph nodes

2. Tonsillitis—impeksyon ng tonsils sa lalamunan

3. Crohn’s disease—inflammatory bowel disorder

Dulot ng karamdaman o ibang sakit

1. Hodgkin’s disease

Dulot ng pinsala o damage sa lymphatic system o nodes nito

1. Primary lymphoedema/lymphoma—maaaring bahagi ng katawang namamaga sa oras pa lang na isilang ang pasyente, o maaaring ma-develop sa puberty o sa huling mga taon ng buhay

2. Secondary lymphoedema—kapag napinsala ang lymphatic system sa surgery o radiotherapy na may kaugnayan sa cancer treatment. Maaari ding ang soft tissues ay napinsala sa trauma, o ang lymphatic system ay mayroong iba pang structural o functional impairment

Ayon kay Dr. James Hamrick, chief ng medical oncology at hematology ng Kaiser Permanente sa Atlanta, ang pinakakaraniwang mga sakit ng lymphatic system ay ang sumusunod:

  • Paglaki o enlargement ng lymph nodes (tinatawag ding lymphadenopathy)
  • Pamamaga dulot ng lymph node blockage (lymphedema)
  • Mga kanser na nakakaapekto sa lymphatic system kagaya ng lymphoma

Kapag may natukoy na bakterya sa lymph fluid, gumagawa ang lymph nodes ng mas maraming infection-fighting white blood cells. Dahil dito, nagkakaroon ng pamamaga. Ang swollen nodes ay maaaring maramdaman sa leeg, kilikili at groin.

Ayon kay Dr. Hamrick, "The enlargement of the lymph nodes may be localized to the area of infection, as in strep throat, or more generalized as in HIV infection. In some areas of the body, the enlarged lymph nodes are palpable, while others are too deep to feel and can be seen on CT scan or MRI."

Nangyayari ang inflammatory o autoimmune conditions kapag ang immune system ng isang tao ay active, at nagreresulta sa paglaki ng lymph nodes kagaya ng sa sakit na lupus.

Pagdating sa lymphoma, nangyayari ito kapag lumalaki at dumarami ang lymphocytes. May iba't ibang uri ng lymphoma, ayon kay Dr. Jeffrey P. Sharman, direktor ng research sa Willamette Valley Cancer Institute at medical director ng hematology research para sa U.S. Oncology Network.

Paliwanag ni Dr. Sharman, "The first 'branch point' is the difference between Hodgkin lymphoma and non-Hodgkin lymphoma (NHL)."

Ang non-Hodgkin lymphoma ay isa sa pinakakaraniwang kanser sa Estados Unidos, ayon sa American Cancer Society. Tinataya ring nasa 80,000 katao sa US ang mada-diagnose nito sa taong 2022.

Isa pang sakit ng lymphatic system ang Castleman disease. Dito nagkakaroon ng overgrowth ng cells sa lymphatic system. Ang sakit na ito ay tumutukoy sa grupo ng inflammatory disorders na nagdudulot ng lymph node enlargement at nagreresulta sa multiple-organ dysfunction, ayon sa Castleman Disease Cooperative Network.

Hindi naman ito kanser ngunit katulad sa lymphoma ay ginagamot sa tulong ng chemotherapy. Maaari itong unicentric (one lymph node) o multicentric, kasama rito ang multiple lymph nodes.

Narito ang iba pang mga sakit ng lymphatic system:

  • Lymphangitis—pamamaga ng lymph vessels
  • Lymphangioma—medical condition mula kapanganakan. Malformation ito ng lymphatic system
  • Lymphangiomatosis—pagkakaroon ng multiple o widespread lymphatic vascular malformations
  • Intestinal lymphangiectasia—Nawawala ang lymph tissue sa small intestine at nagdudulot ng loss of protein, gamma globulins, albumin at lymphocytes
  • Lymphocytosis—Kondisyon kung saan mayroong higher-than-normal amount ng lymphocytes sa katawan
  • Lymphatic filariasis—Resulta ng impeksyon mula sa isang parasite
  • Lymphangioleiomyomatosis—Rare lung disease kung saan may abnormal muscle-like na cells na tumutubo sa baga, lymph nodes at kidneys
  • Autoimmune lymphoproliferative syndrome—Rare genetic disorder kung saan may mataas na bilang ng lymphocytes sa lymph nodes, atay (liver) at pali (spleen)
  • Mesenteric lymphadenitis—Pamamaga ng lymph nodes sa abdomen
  • Tonsillitis—Pamamaga at impeksyon sa tonsils

Itinuturing na neglected tropical disease (NTD), ang parasitic disease na Lymphatic filariasis. Sanhi ito ng infiltration ng thread-like worm na nagdudulot ng impeksyon sa lymphatic system, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC).

Karamihan sa mga kaso ng lymphatic filariasis sa buong mundo ay dulot ng parasite na Wuchereria bancrofti. Milyon-milyon sa microscopic worms ay maaaring makapasok sa katawan at dugo ng tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok, bago mapunta sa lymph node kung saan sila lumalaki at magpaparami.

Karamihan sa mga kaso ng lymphatic filariasis ay asymptomatic at walang sintomas o senyales, ayon sa World Health Organisation (WHO).

Diagnosis ng mga sakit sa lymphatic system

Ang mga sakit ng lymphatic system ay karaniwang nada-diagnose kapag lumalaki ang lymph nodes,  o mga kulani. Kadalasang nadidiskubre ito kapag nararamdaman ang lumalaking lymph nodes ("palpable lymphadenopathy") o nakikita sa imaging studies tulad ng computer tomography (CT) scans o magnetic resonance imaging (MRI).

Halimbawa, sa diagnosis ng lymphadenopathy. Nakadepende ito sa lokasyon ng abnormal lymph nodes at iba pang sintomas na nararanasan ng pasyente. Kung mayroong natukoy na impeksyon sa pasyente, maaaring bigyan ng treatment ito. Ngunit kung mabilis ang paglaki, kailangan ng biopsy upang ma-check kung may iba pang sanhi tulad ng kanser.

Kung mas malalim ang lymph node, tulad ng nasa abdomen o pelvis, maaaring isagawa ang biopsy ng isang interventional radiologist o ng isang surgeon sa operating room. Dito makakakuha ng mas maraming tissue na ginagamit para sa diagnosis.

Karamihan sa lumaking lymph nodes ay hindi mapanganib; paraan pa nga ito ng katawan upang labanan ang mga impeksyon, kagaya ng viral upper respiratory infection. Ngunit kung labis ang paglaki ng mga lymph node at mas tumatagal kaysa sa impeksyon, dito na dapat sumangguni sa doktor.

Treatment ng mga sakit ng lymphatic system

Immunologists ang tumitingin sa mga pasyenteng may sintomas ng ganitong medical conditions. Vascular surgeons, dermatologists, oncologists at physiatrists ang ilan pa sa mga sumusuri at bumubuo ng treatment plan sa mga may lymphatic ailments. May tinatawag ding lymphedema therapists na ang espesyalisasyon ay ang manual drainage ng lymphatic system.

Dahil sa dami ng uri ng lymphoma at leukemia, marami ding unique treatment options para sa mga ito, ayon kay Sharman. "There is no one 'summary' of treatment options. Treatment options can include traditional chemotherapy, immunotherapy (paggamit ng antibodies o immune-modulating drugs), and even radiation."

Nakasalalay rin sa sanhi ang treatment o paggamot sa mga sakit ng lymphatic system. 

Ang sumusunod ang ilan sa mga gamot:

  • Antibiotics
  • Supportive care
  • Antivirals

Kasama sa treatment para sa lymphema:

  • Elevation
  • Compression
  • Physical therapy

Para sa mga kanser ng lymphatic system, nariyan ang:

  • Chemotherapy
  • Radiotherapy
  • Surgery
  • Kombinasyon ng mga modalities

Sa nakaraang mga taon, patuloy ring dumarami ang bagong treatment options.

Narito ang ilang payo ng mga eksperto upang mapanatiling malakas ang ating lymphatic system:

Iwasan ang exposure sa toxic chemicals tulad ng pesticides at iba pang cleaning products. May epekto ang mga kemikal nito sa kakayahan ng katawan na mag-filter ng dumi.

Uminom ng maraming tubig upang hydrated buong araw. Mas magiging madali para sa lymph na gumalaw sa buong katawan.

Panatilihing maayos at malusog ang pangangatawan. Sikaping makapag-ehersisyo araw-araw at kumain ng masustansyang pagkain nang makatulong umiwas sa pagkakaroon ng mga saki sa lymphatic system.

Read also: Mga Sakit Sa Reproductive System

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close