Ang whooping cough o pertussis ay dulot ng bacteria na Bordetella pertussis. Ito ay isang siryoso at nakakahawang sakit na nakilala sa ngalang whooping cough sa kadahilanang ang mga taong may sakit nito ay nagkakaroon ng “whooping” na tunog sa paghinga pagkatapos ng matinding pag-ubo. Maaari itong magdulot ng matindi at hindi makontrol na pag-ubo kaya’t ito ay lubhang mapanganib para sa mga sanggol. Basahin ang artikulong ito upang malaman ang ilang mahahalagang impormasyon ukol sa whooping cough, kasama na ang sintomas, mga bagay na dapat bantayan, at paano mapapanatiling ligtas ang pamilya mula sa sakit na ito.
Ano ang whooping cough o pertussis o ubong-dalahit?
Ang whooping cough o pertussis ay siryosong bacterial infection sa respiratory tract at lubha nitong naaapektuhan ang ilong at lalamunan. Maaari itong magdulot ng matagal at malalang pag-ubo na nagdudulot ng “whooping sound.”
Mabilis ito kumalat at malaking tulong ang mga bakuna para makaiwas sa sakit na ito. Maaari itong makuha ng mga taong nasa hustong gulang kung nawala na ang immunity mula sa bakuna. Lubha naman itong mapanganib sa mga sanggol na wala pang anim na buwan at sa mga bata na hindi pa kumpleto ang bakuna.
Ang mga unang sintomas ng whooping cough ay kahawig sa karaniwang sipon, kabilang ang sipon, bahing, at mild fever. Habang ito ay tumatagal, ang mga sintomas ay lumalalala at nagiging matinding pag-ubo na maaaring magdulot ng hirap sa paghinga o pagkain. Sa mga siryosong kaso, ang pag-ubo ay maaaring samahan ng isang “whooping” na tunog kapag humihinga nang malalim pagkatapos ng pag-ubo, na naging dahilan din ng pagkakakilala sa sakit.
Maaaring makita ang halimbawa ng whooping cough o whooping cough sound sa video na ito galing sa Department of Health.
Sintomas ng whooping cough o pertussis
Ang whooping cough ay nagsisimula sa mga sintomas na katulad ng karaniwang sipon, na tinatawag na catarrhal stage. Ito ay tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo. Ang mga posibleng sintomas ng stage na ito ay ang mga sumusunod:
- Bahing
- Mild fever o lagnat
- Runny nose
- Mild cough
Habang lumilipas ang panahon, ang sakit ay umuusad sa mas siryosong stage, na kilala bilang paroxysmal stage. Dito, ang mga sintomas ay nagiging mas matindi at mas mapanganib. Ang yugtong ito ay maaaring magtagal ng ilang linggo hanggang sa ilang buwan. Ang mga pangunahing sintomas sa stage na ito ay ang sumusunod:
- Matinding pag-ubo na maaaring magtagal ng ilang segundo hanggang sa ilang minuto
- Pag-ubo na maaaring magresulta sa paglabas ng malapot na plema
- Pag-ubo na sinusundan ng malalim, hirap, at “whooping” na paghinga
- Pagkapagod at pagsusuka dahil sa tindi ng pag-ubo
Sa mga sanggol at maliliit na bata, ang “whooping” na tunog ay maaaring hindi laging naririnig, at sa halip, maaaring makaranas sila ng mga paghinto sa paghinga o apnea.
Mga dapat bantayan: Komplikasyon ng whooping cough o pertussis
Ang whooping cough ay maaaring magdulot ng siryosong komplikasyon, lalo na sa mga sanggol na wala pang anim na buwan at sa mga taong may mahinang immune system. Kabilang sa mga komplikasyon ng whooping cough ay:
- Pneumonia
- Severe dehydration
- Pagbaba ng timbang na dulot ng hirap sa pagkain
- Brain damage mula sa kakulangan ng oxygen
- Pagkamatay, sa ilang pagkakataon
Mahalagang humingi agad ng medikal na atensyon kung magkaroon ng mga sintomas ng whooping cough, lalo na kung ang mga ito ay lumalala o kung napansin sa mga sanggol at maliliit na bata.
Paano mananatiling ligtas mula sa whooping cough
Ang pinaka-epektibong paraan para maiwasan ang whooping cough ay sa pamamagitan ng bakuna. Ang DTap (Diphtheria Tetanus Pertussis) vaccine para sa mga bata at Tdap (Tetanus, Diphtheria Pertussis) booster para sa mga kabataan at matatanda ay mahalaga upang maprotektahan laban sa whooping cough. Maaari ding kumuha ng Pentavalent (DtwP-HepBHib) vaccine na nagbibigay ng proteksyon sa mga bata mula sa limang sakit, kasama na ang Diphtheria, Pertussis, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophius influenzae Type B (Hib). Bukod dito, maaaring sundin ang mga sumusunod na preventive measures:
- Regular na paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig.
- Ugaliing mag-takip ng bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing.
- Iwasan ang malapit na kontak sa mga taong may ubo at ibang sintomas ng respiratory infection.
- Siguraduhin na ang mga buntis na kababaihan ay nakatanggap ng Tdap vaccine sa bawat pagbubuntis para maprotektahan ang kanilang sanggol.
Mga FAQs ukol sa whooping cough o pertussis
Kailan binibigay ang bakuna laban sa whooping cough?
Ayon sa immunization schedule ng Department of Health, ang DTap vaccine ay binibigay sa edad na 12 hanggang 23 months para sa unang dose, at 4 hanggang 7 years old para sa ikalawang dose. Ang Td o Tdap vaccine naman ay binibigay sa edad na 9 hanggang 15 years old. Ang Pentavalent vaccine ay binibigay sa mga sanggol sa edad na 6, 10, at 14 weeks.
Gaano ka-epektibo ang bakuna laban sa whooping cough?
Ang bakuna ay lubos na epektibo, ngunit maaaring humina ang proteksyon sa paglipas ng panahon kaya’t mahalaga ang mga booster shots.
Ano ang gamot para sa whooping cough?
Ang karaniwang nirerekomendang gamot para sa whooping cough ay antibiotics, lalo na kung ito ay maagang na–diagnose.
Kailangan ba ng antiobiotics para sa mga tao na na-expose sa whooping cough?
Sa karamihan ng mga kaso, maaaring irekomenda ang preventive antibiotics para sa mga tao na malapit o nakasalamuha ng isang taong may whooping cough.
Nakamamatay ba ang whooping cough?
Siryosong sakit ang whooping cough o pertussis para sa mga sanggol at maliliit na bata. Maaaring magdulot ang whooping cough ng pulmonya, seizures, brain damage, at kamatayan.
Sa isang taon, nagkakaroon ng tinatayang 48.5 milyong kaso ng whooping cough sa buong mundo, na may mortality rate ng halos 295,000. Ang case-mortality rate sa mga sanggol sa mga low-income countries ay umaabot ng 4%.
Ang whooping cough o pertussis ay isang siryosong kondisyon na maaaring magdulot ng komplikasyon lalo na sa mga sanggol at maliliit na bata. Sa pamamagitan ng bakuna, maaagang pagtukoy sa mga sintomas, at pag-ingat, ay maaaring maiwasang ang sakit na ito at maprotektahan ang ating mga mahal sa buhay mula sa posibleng panganib.
References: Centers for Disease Control and Prevention (CDC), World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH)
Basahin ito para sa kaalaman ukol sa whooping cough outbreak sa Quezon City.