embed embed2
  • Mga Sakit Sa Tiyan At Digestive System

    Madalas na bacteria o virus ang dahilan ng pagkakaroon ng mga sakit sa tiyan.
    by SmartParenting Staff . Published Apr 21, 2021
Mga Sakit Sa Tiyan At Digestive System
ILLUSTRATOR Paula Pangan
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Hindi lang ang tiyan o stomach at mga intestine ang kasama sa digestive system ng isang tao, kundi pati na rin ang lalamunan, esophagus, at rectum (tumbong). Ibig sabihin, hindi lang mga sakit sa mismong tiyan ang pwede mong maranasan kung may problema ang iyong digestive system. Pwede ka ring magkaroon ng sakit sa lalamunan, atay, lapay o spleen, at iba pang mga bahagi.

    Madalas na bacteria o virus ang dahilan ng pagkakaroon ng mga sakit sa tiyan at digestive system. Pwede ring tumaas ang risk na magkaroon ka ng mga digestive diseases kung kulang sa fiber at mataas sa fats ang iyong diet. Kung madalas ka namang uminom ng alak at manigarilyo, pwede ka ring magkaroon ng problema sa atay at iba pang parte ng tiyan.

    Minsan, pansamantala lang ang mga nararanasang sakit sa tiyan. Halimbawa na lang sa mga bata: madalas silang makaranas ng kabag. Medyo uncomfortable ito para sa kanila, lalo na kung parang naninigas ang muscles nila sa tiyan, pero lilipas din naman ang kabag pagkatapos ng ilang oras. Gayundin, pwedeng mawala ang diarrhea kahit hindi na uminom ng gamot; siguraduhin lang na hindi made-dehydrate ang pasyente.

    Sa kabilang banda, meron ding mga sakit sa tiyan at digestive system na kailangan ng gamot at operasyon. Halimbawa na lang dito ang liver cirrhosis. Kung hindi maaagapan agad, posibleng mas maging malubha ang sitwasyon. Kaya naman dapat na magpatingin agad sa doktor, oras na makaramdam o makapansin ng mga sintomas.

    Iba-ibang characteristics ng mga sakit sa tiyan

    Maraming senyales o sintomas ang mga digestive diseases (o gastroinstestinal diseases) at nangunguna sa mga ito ang pananakit ng tiyan. Dagdag pa rito, maraming ring mga klase ng pananakit ng tiyan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Halimbawa, pwedeng makaramdam ng parang pamumulikat o cramps ang taong masakit ang tiyan. Pwede ring sabihin ng pasyente na parang tinutusok o pinipilipit ang tiyan niya.

    Ang mga sumusunod ay iba pang mga description ng pananakit ng tiyan:

    • burning sensation o paghapdi ng sikmura
    • pangingirot ng muscles sa tiyan
    • unti-unting pagtindi ng sakit na nararamdaman
    • biglaang pananakit ng tiyan
    • pabugso-bugso o intermittent na pananakit ng tiyan
    • pananakit na nagsisimula sa isang parte at kumakalat papunta sa ibang parte ng tiyan
    • pananakit ng ibang parte na malapit sa tiyan, katulad ng likod, singit, puson, at balakang

    Dagdag pa sa pagsakit ng mismong tiyan, maraming iba pang sintomas na pwedeng maramdaman o maranasan kapag meron kang digestive diseases.

    1. pananakit ng ulo
    2. mataas na lagnat
    3. pagkahilo
    4. pagsusuka o pakiramdam na parang masusuka
    5. pananamlay
    6. pananakit ng mga joints at muscles
    7. pananakit ng dibdib
    8. masakit na lalamunan
    9. masakit o mahirap na paglunok
    10. madalas na pagsinok
    11. biglaang paglaki ng tiyan
    12. biglaang pagpayat kahit hindi nagbabawas ng pagkain
    13. heartburn
    14. kawalan ng ganang kumain
    15. pagtatae
    16. constipation
    17. madalas na pag-utot
    18. pagkakaroon ng dugo sa dumi
    19. hirap sa pag-ihi
    20. pagdurugo (para sa mga babaeng buntis)
    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Pwedeng higit pa sa isang sintomas ang maranasan mo o ng isang pasyenteng may sakit sa tiyan o digestive system. Pero tandaan din na hindi naman ang lahat ng mga sintomas ay agad-agad na nakikita o nararamdaman. Pwedeng unti-unti itong lumabas o hindi talaga magpakita. Depende rin sa kung anong sakit ang meron ang pasyente ang mga sintomas na mararamdaman niya.

    Mga pwedeng gamot sa pananakit ng tiyan

    Kung sigurado ka namang hindi dahil sa malubhang kondisyon ang pananakit ng tiyan, maraming mga home remedy ang pwedeng gawin para mabawasan ang pananakit.

    Home remedy para sa mga bata

    • I-massage ang tiyan. Minsan, parang naninigas o nagka-cramps ang tiyan kapag kinakabag. Kung ganito ang sitwasyon, pwedeng i-massage ang tiyan para ma-relax ang muscles at mabawasan ang pananakit. Pwedeng gumamit ng oil o ointment na may menthol para makadagdag sa ginhawa. Huwag lang masyadong didiinan ang pagmamasahe.
    • Maglagay ng warm compress. Pwedeng lagyan ng warm compress ang masakit na parte ng tiyan ng bata para mabawasan ang pananakit.
    • Painumin ng mas maraming tubig. Maraming mga bata ang hindi nakaka-inom ng sapat na dami ng tubig araw-araw, sa nagiging dahilan para maging constipated sila. Para mabawasan ang sakit at gumalaw nang maayos ang laman ng tiyan, painumin ng mas maraming tubig ang mga bata.
    • Painumin ng mainit na sabaw. Nakakaginhawa sa pakiramdam kapag naiinitan ang sikmura. Maghanda ng sopas o iba pang mainit na sabaw at pakainin o painumin nito ang mga bata. Tantyahin muna ang init ng pagkain o sabaw para maiwasan ang pagkapaso.
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Home remedy para sa mga matatanda

    Uminom ng mas maraming tubig. Kung pagtitibi o constipation ang dahilan ng pananakit ng tiyan, malaking tulong ang pag-inom ng mas maraming tubig para mabalik sa ayos ang paggalaw ng sikmura at mga intestine at mailabas ang dumi.

    • I-massage ang tiyan. Tulad sa mga bata, makakatulong ang pagmamasahe para mabawasan ang pananakit at paninigas ng mga muscle sa tiyan.
    • Uminom ng tea o mainit na sabaw. Nakakatulong ang iba-ibang klase ng tea, lalo na ang salabat, para mabawasan ang pananakit ng tiyan. Pwede ring humigop ng mga soup para mainitan ang sikmura.
    • Gumamit ng warm compress. Kung ang pananakit ng tiyan ang dahil sa dysmenorrhea o stomach cramps, pwedeng lagyan ng warm compress ang masakit na parte ng tiyan. Maglagay ng mainit na tubig sa glass bottle at ipagulong ito sa masakit na bahagi ng tiyan. Kung masyadong mainit ang bote, pwedeng gumamit ng bimpo na pambalot dito.
    • Uminom ng buko juice. Mayaman ang buko juice sa potassium at magnesium na nakakabawas sa pananakit ng tiyan. Siguraduhin lang na purong buko juice at walang halong asukal o gatas ang iinumin para mas effective. Meron ding electrolytes ang buko juice kaya pwede itong gamitin pang-rehydrate sa mga may diarrhea o LBM. Pwede rin painumin ng buko juice ang mga bata, lalo na kung naghahanap sila ng inuming may lasa.
    • Uminom ng antacid o anti-spasmodic na gamot. Kung nangangasim ang sikmura, pwedeng makatulong kung iinom ka ng antacid para mabawasan ang sakit ng tiyan. Kung pakiramdam mo naman ay meron kang stomach cramps, pwede kang uminom ng anti-spasmodic na gamot para mabawasan ang muscle spasms.
    • Kumain ng saging. Tulad ng buko juice, mayaman sa postassium at magnesium ang saging kaya nakakatulong ito para mabawasan ang paghilab ng tiyan. Dagdag pa rito, nakakatulong din ang saging para mapatigas ang dumi kapag may diarrhea.
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung hindi naging effective ang mga home remedy na ito at nagtagal pa ang pananakit ng tiyan, magpakonsulta na sa doktor.

    Gayundin, kung mangyari ang mga sumusunod, pumunta na agad sa ospital para makapagpatingin sa mga specialists:

    1. sobrang pananakit ng tiyan na hindi na kayang tiisin
    2. hindi na makakuha ng sapat na tulog dahil sa pananakit ng tiyan
    3. pananakit ng tiyan na may kasamang pagsusuka ng dugo
    4. pananakit ng tiyan na may kasamang hirap sa paghinga
    5. pag-ihi o pagdumi na may kasamang dugo
    6. hindi maka-ihi o makadumi
    7. pananakit ng tiyan na umaabot sa likod, balikat, at leeg
    8. lagnat at panlalamig o chills
    9. pananakit at pagdurugo kung ikaw ay buntis
    10. pananakit ng scrotum kung ikaw ay lalaki

    Mga risk factor ng digestive diseases

    Maraming pwedeng dahilan ang pagkakaroon ng mga digestive diseases. Bukod pa rito, marami ring risk factor ang nagpapataas ng peligro ng isang tao na magkaroon ng mga ganitong sakit. Ilan sa mga risk factor na ito ang mga sumusunod:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • Hindi pagkain ng sapat na fiber
    • Hindi sapat na exercise
    • Sobrang pagkain ng mga dairy products katulad ng cheese at gatas
    • Pagpipigil ng pagdumi
    • Sobrang pag-inom ng gamot laban sa LBM o diarrhea, na nakakapekto sa tamang paggalaw ng mga muscle sa tiyan
    • Sobrang pag-inom ng mga antacid na may ingredients na calcium at aluminum
    • Madalas o sobrang pag-inom ng mga gamot tulad ng antidepressants, iron supplements, at matatapang na pain reliever

    Puwede ring maging sanhi ng mga sakit sa tiyan ang sobrang stress, ganun din ang pagbabago ng routine. Ang mga babaeng buntis ay mataas din ang risk na magkaroon ng mga digestive diseases, pero posibleng mawala na ito pagkatapos manganak.

    Panghuli, ang mga matatanda, mga pasyenteng sumasailalim sa chemotherapy, pati na rin ang mga diabetic at may autoimmune disease ay may mas mataas na risk na magkaroon ng iba-ibang uri ng sakit sa tiyan.

    Paano iwasan ang mga sakit sa tiyan?

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Maraming dahilan ang mga sakit sa tiyan, kung kaya naman wala ring iisang siguradong paraan para maiwasan ang mga ito. Gayunman, meron ka pa ring magagawa para mabawasan ang risk na sumakit ang iyong tiyan at huwag mauwi sa mas malubhang sakit. Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga pwedeng gawin.

    Iwas sakit ng tiyan para sa bata

    • Huwag pakainin nang sobrang dami ang mga bata. Tanungin kung busog na sila para mapahinto sa pagkain.
    • Palaging maghugas ng kamay. Importante ito lalo na sa mga bata na curious pa at kung anu-ano ang mga hinahawakan.
    • Sanayin na kumain ng mga prutas at gulay para sa healthy bowel movement. Sanayin na uminom ng maraming tubig at huwag sanayin sa pag-inom ng mga acidic na inumin.
    • Huwag nang pakainin ang mga bata kung malapit na silang matulog. Mabagal na ang galaw ng tiyan kapag natutulog, kaya nahihirapan na ang tiyan na mag-digest ng kinain.
    • Pabakunahan laban sa rotavirus at mga baby at bata na wala pang 5 years old.
    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iwas sakit ng tiyan para sa mga matanda

    1. Huwag magpalipas ng gutom at huwag ding sobrahan ang pagkain.
    2. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber para maging regular ang iyong pagdumi.
    3. Uminom ng maraming tubig para makatulong sa maayos paggalaw ng na-digest na pagkain sa sikmura at bituka.
    4. Umiwas sa mga oily at masyadong maanghang na pagkain.
    5. Ugaliing mag-exercise.
    6. Umiwas o bawasan ang pag-inom ng mga acidic na inumin tulad ng softdrinks.
    7. Umiwas o bawasan ang pag-inom ng alak.
    8. Itigil ang paninigarilyo.
    9. Siguraduhing lutong mabuti ang pagkain para mawala ang mga mikrobyo.
    10. Maghugas ng kamay, lalo na matapos mag-CR, humawak o magtapon ng basura, at bago at pagkatapos kumain.
    11. Magpahinga at i-manage ang stress.
    12. Huwag kumain nang marami sa gabi o bago matulog para hindi mahirapan ang tiyan sa pagda-digest.
    13. Magpabakuna laban sa mga sakit tulad ng hepatitis A at B.

    Tandaan na hindi applicable ang lahat ng ito sa lahat ng sitwasyon. Merong mga pagkakataon na sadyang hindi maiiwasan ang mga sakit sa tiyan, lalo na kung merong history ang pamilya ng pagkakaroon ng mga gastrointestinal disease.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Iba-ibang uri ng sakit sa tiyan

    Kagaya ng nabanggit kanina, maraming uri ng mga sakit sa digestive system. Pwedeng tamaan nito ang mga bata o matanda. Narito ang ilang dahilan ng pananakit ng tiyan.

    Acid Reflux (Gastroesophageal reflux disease o GERD)

    Ang GERD ay isang sakit kung saan “umaatras” ang laman ng tiyan papunta sa esophagus. Madalas na sintomas ng GERD ang acid reflux. Isa pa, madalas din na sumasakit hindi lang ang tiyan kundi pati na ang dibdib at lalamunan ng mga merong GERD.

    Chronic o paulit-ulit ang mga sakit na ito, kung kaya naman kailangan na ng maintenance medicine para hindi palaging nangangasim o sumasakit ang tiyan ng mga pasyenteng meron nito.

    Appendicitis

    Kung may nararamdamang pananakit sa bandang pusod papunta sa kanang parte ng tiyan, baka appendicitis na ito. Kasabay ng pananakit ng tiyan, ang iba pang sintomas ng appendicitis ay lagnat, pagsusuka, at kawalan ng ganang kumain. Sa kasamaang palad, kailangang operahan ang pasyenteng may appendicitis dahil kailangang tanggalin na ang namamagang appendix.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Gastroenteritis

    Ang gastroenteritis ay isang klase ng impeksyon kung saan namamaga ang mga lining ng bituka. Isa sa mga sintomas ng sakit na ito ay ang pananakit ng tiyan. Madalas ay virus o bacteria ang dahilan ng gastroenteritis, pati na rin ng mga parasite tulad ng amoeba. Kung nakakain ka o ang iyong anak ng pagkain o naka-inom ng tubig na merong contaminants, pwede kayong magkaroon ng gastroenteritis.

    Diarrhea

    Isa sa mga pinaka-karaniwang sakit ng tiyan ang diarrhea. Madalas ay hindi na kailangan gamutin ito, lalo na kung hindi naman nade-dehydrate ang pasyente. Pero kung hindi mawala ang kondisyon sa loob ng isa o dalawang araw, magpatingin na sa doktor.

    Gallstones

    Madalas na sumasakit ang tiyan at likod ng mga taong may gallstones. Karaniwan ding nilalagnat at nahihilo o nasusuka ang pasyente. Madalas din na magka-jaundice o paninilaw ng mata at balat ang taong may gallstones.

    Peptic ulcer

    Sinasabing may peptic ulcer ang isang tao kung merong sugat ang kanyang mga bituka. Kadalasan, bacterial infection ang dahilan ng mga sugat na ito. Isa sa mga pinakakaraniwang sintomas ng peptic ulcer ang pananakit ng tiyan. Ang iba pang sintomas ng sakit na ito ay heartburn, pagsusuka, at pamamanas.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Irritable bowel syndrome o IBS

    Ang IBS ay isang kondisyon kung saan madalas na nagco-contract o kumikibot ang mga muscle sa large intestine. May mga pagkain at gamot na pwedeng magdulot ng IBS. Minsan, pwede ring emotional stress ang dahilan ng sakit na ito.

    Diverticular disease or diverticulosis

    Kapag may diverticulosis ang isang tao, ang ibig sabihin nito ay may mga namumuong sac o bulsa sa large intestine. Kapag nagkaroon ng impeksyon o pamamaga sa mga sac na ito, tinatawag na ang sakit na diverticulitis.

    Hemmorhoids o almoranas

    Almoranas ang tawag sa kondisyon kung saan namamaga ang mga ugat o blood vessel sa butas ng puwet o kaya ay sa dulo ng rectum. Nakakaramdam ng matinding sakit ang mga merong almoranas at madalas ay nahihirapan din silang dumumi.

    Food poisoning

    Kapag nakakain ka ng contaminated na pagkain, nagdudulot ito ng food poisoning. Kadalasan ay bacteria katulad ng salmonella at E. coli or virus tulad ng norovirus ang nagdudulot ng food poisoning.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ilang uri ng cancer

    Maraming klase ng cancer sa digestive system tulad ng gastric, colorectal, at esophageal cancer. Chemotherapy ang madalas na gamot sa sakit na ito. Pwede ring dumaan sa operasyon ang pasyente, kung saan tatanggalin ang parteng may cancer.

    Sources:

    Basahin dito ang gamot sa sakit sa tiyan.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close