Hindi lamang isang simpleng petsa sa kalendaryo ang Hunyo 12. Isang paalala ito sa atin sa tapang at pagkakaisa ng mga Pilipino sa panahon ng pananakop. Kaya sa tuwing sumasapit ang araw na ito, sama-sama tayo bilang isang bansa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Bagaman naging pangkaraniwan na sa atin ang panonood na lamang sa telebisyon o pakikinig ng balita ng mga ginagawang seremonya o pagdiriwang ng ating pamahalaan, hindi pa rin maituturing na simpleng holiday sa Pilipinas ang araw na ito. Sapagkat mahalaga ang araw na ito sa pagsasariwa ng mga sakripisyo ng ating mga bayani upang lumaya tayo mula sa mahabang panahon ng pananakop.
Ayon sa online diksiyonaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang salitang kalayáan, na may salitang ugat na “layà”, na ang ibig sabihin ay pagkawala mula sa anumang nakahadlang o pumigil sa kilos. Kasingkahulugan din ito ng salitang kasarinlán, na ang salitang-ugat naman ay “saríli”, na ang ibig sabihin ay pag-iral ng isang lipunan o bansa na mayroong sariling pámahalaán at kabuhayan na hindi nakapailalim sa kapangyarihan ng ibang lipunan o bansa.
Mula rito, masasabing ang Araw ng Kalayaan ay higit pa sa isang araw ng pahinga dahil pagkakataon ito para ituro sa ating mga anak ang halaga ng paglaya, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan. Isang magandang pagkakataon ang holiday na ito para gamitin ng bawat pamilya sa makabuluhan at masayang pagsasariwa ng ating kasarinlan bilang isang bansa sa paggawa ng mga simple at masayang activities gaya ng mga sumusunod:
6 fun activities na puwedeng gawin ng pamilya sa Araw ng Kalayaan
1. Pagbisita sa mga makasaysayang lugar o museo
Mungkahi ni Teacher Mao, isang Social Studies teacher, ang simpleng pagbisita sa mga makasaysayang lugar sa bansa gaya ng Rizal Park o Intramuros sa Maynila o kaya sa mga museo tulad ng Pambansang Museo ay isang magandang paraan na maranasan at matutuhan ng mga anak natin ang kasaysayan ng ating bansa. Wala man sila sa panahong iyon, makikita nila ang sitwasyon na mayroon noon. Hindi lamang din sila matuto kundi nagkakaroon pa ng bonding ang pamilya sa kanilang pamamasyal.
2. Pagluluto ng paboritong pagkaing Pinoy
Sentro ng kulturang Pilipino ang pagkain na palaging bahagi ng anumang pagtitipon. Ang pagluluto ng paboritong pagkaing Pilipino kasama ang iyong anak ay mainam na paraan para ipagdiwang ag Araw ng Kalayaan. Habang inihahanda ang mga pagkain, maaaring ipaliwanag sa kanila kung saan ito nagmula, ang mga sangkap nito, paano ito nagging bahagi ng pagkaing Pilipino. Kasunod nito ang pagsasalo-salo ng pamilya sa inihandang putahe.
3. Paglalaro ng laro ng lahi o pinoy games
Maaaring maging bonding din ng pamilya ang paglalaro ng mga tradisyonal na larong Pilipino. Higit na mahalagang maituro sa mga bata ngayon ang mga ganitong laro lalo na nahuhumaling sila sa mga online games. Ang paglalaro ng piko, luksong tinik o luksong baka, sipa, kadang-kadang at iba pang larong pinoy ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakataon na makapag-ehersisyo kundi nagtuturo din ito sa mga bata ng pagtutulungan, paggawa ng tamang diskarte, pagtanggap sa pagkatalo o sportsmanship.
4. Pagbabasa ng mga kuwento tungkol sa kasaysayan
Ang mga librong pambata mula sa Adarna House na nagtuturo sa mga bata ng mga kuwento sa ating kasaysayan gaya ng Si Diwayen Noong Bago Dumating ang mga Espanyol, Si Segunda, Noong Panahon ng mga Espanyol, Si Pitong, Noong Panahon ng mga Hapon, Isang Harding Papel, Si Jhun-Jhun Noong Bago Ideklara ang Batas Militar, EDSA, at Himagsikang 1896 ay ilan lamang sa maaaring ipabasa sa ating mga anak para maunawaan nila ang mga pangyayari sa nakaraan.
Magandang basahin din sa kanila ang Bandila: The Story of the Philippine Flag ng Tahanan Books na makatutulong upang maipaunawa sa ating mga anak ang kasaysayan ng ating pambansang watawat at awit. Bago o pagkaraan itong basahin, maaaring gumawa rin ng sariling bandila ang mga bata habang tinuturan sila tungkol sa halaga, simbolo, at kahulugan ng ating watawat.
Bukod sa paggawa ng bandila, maaari din ang iba pang makabayang sining o dekorasyon sa bahay na gawa sa mga resiklong materyales na may kulay ng bandila.
5. Pagpapatugtog o pag-awit ng mga makabayang awitin
Dahil mahilig ang mga Pilipino sa pag-awit, magandang samahan din ng pamilya ang kantahan o pagkakaroon ng karaoke session. Sa pagkakataong ito, nakatuon sa mga awiting gumigising sa damdaming makabayan gaya ng Bayan Ko, Ako ay Pilipino, Ang Bayan Kong Pilipinas, Magkaisa, Handog ng Pilipino sa Mundo at iba pa. Sa pamamagitan ng mga ganitong awitin, maipaliliwanag sa mga bata kung paano ang musika ay may kapangyarihang makapagbibigay ng inspirasyon at diwa ng pagkakaisa.
6. Panonood ng mga historikal na pelikula
Maaari ding sama-samang manood ang pamilya ng pelikulang Pilipino na may kaugnayan sa kasaysayan o mga bayani at naging pinuno ng bansa na nakipaglaban para sa kalayaan. Ilan sa mga ito ang Jose Rizal, Supremo, El Presidente, Heneral Luna, at Goyo: Ang Batang Heneral. Pagkatapos, magandang talakayin ang natutuhan nila sa mga pangyayari sa pelikula at ang naunawaan nila sa kasaysayan ng bansa sa panahong iyon. Sa pamamagitan nito, hindi lamang nila matutuhan ang buhay ng mga bayani kundi mapahahalagahan nila ang kasaysayan ng Pilipinas.
Sa mabilis na pagbabago ng panahon, mahalaga na mapanatili natin ang tradisyon at maipasa sa mga bagong henerasyon ang diwa ng pagiging Pilipino. Hindi naman kailangan ng magarbo o marangyang pagdiriwang dahil ang simpleng gawain na magkakasama ang pamilya ay sapat na. Ang mahalaga ay naipagdiwang natin ang Araw ng Kalayaan nang makabuluhan, may pagmamalaki sa pagiging Pilipino, at tangan ang pag-asa sa patuloy na pagsulong ng Pilipinas bilang malayang bansa.
Basahin kung bakit magandang dalhin ang mga bata sa mga museum dito.