Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Sina Angelina Jolie, Angelu de Leon, at Bernadette Sembrano ay ilan lamang sa mga nakaranas ng Bell's palsy. Isa itong "non-progressive neurological disorder of the facial nerve" na apektado ang seventh cranial nerve, ayon sa National Organization for Rare Disorders (NORD) na nakabase sa United States.
Nagdudulot ang Bell's palsy ng pansamantalang panghihina o pagiging paralisado ng kaliwa o di kaya kanang parte ng mukha (facial paralysis), ayon naman sa Mayo Clinic. Nangyayari ito, sabi ng NORD, kapag namaga ang ugat, o nerve, na kumokontrol sa mga muscles sa mukha. Nababawasan kasi ang blood supply (tinatawag ito sa medical term na ischemia) at posibleng napipitpit ang seventh cranial nerve.
Hindi pa natutukoy ang sanhi ng ang pamamaga ng nerve, pero ayon sa mga eksperto, malamang na may kinalaman ang herpes virus. Ito rin ang virus na nagdudulot ng cold sores at ilang respiratory illnesses, tulad ng sipon (common cold) at trangkaso (flu). Kaya posibleng makuha ito sa hangin. May ibang pasyenteng nagsabing mahilig siang tumutok sa electric fan at dumungaw sa bintana ng umaandar na sasakyan.
Dahil non-progressive ang Bell's palsy, hindi lumalala ang kondisyon hanggang mabigyan ito ng medical attention at tuluyang gumaling. Hindi rin to nakakahawa, kahit may kinalaman ang virus.
Mga sintomas
Sa panayam noon ni Angelu sa Smart Parenting, ikinuwento ng aktres na dalawang beses siyang tinamaan ng Bell's palsy: noong 2009 at 2016. Aniya, "Pag di mo alam, 'kala mo naso-stroke ka...In the left side of my face, if I pout naiiwan lang 'yung bibig ko."
Nagkuwento naman si Bernadette sa ulat ng ABS-CBN, kung saan isa siya sa anchor ng newscast na TV Patrol. Taong 2011 nang siya ay magkasakit ng Bell's palsy.
Aniya, “Linggo ng umaga...parang sabi ko malakas ata 'yung earphones ko kasi sumasakit 'yung tenga ko…And then during TV Patrol that night, sabi ko parang may mali sa mata ko sa kaliwa, twitch nang twitch.”
Dagdag niya, "Pag-iyak ko isang part ng mukha ko lang kumulubot...so sabi ko mukhang Bell's palsy na nga.”
Ayon sa NORD, maaaring biglaan ang pagsulpot ng mga ganitong sintomas:
- Konting lagnat, o sinat
- Pananakit sa likod ng tenga
- Panghihina sa isang bahagi ng mukha (kaliwa o di kaya kanan)
Pagkatapos, maaaring tumindi ang mga sintomas habang humina ang resistensya at maparalisa ang buong mukha. Kadalasang ang mga muscle sa mukha ang humihina, pero pansamantala lang ang facial paralysis.
Sa maraming kaso ng Bell's palsy, umaayos ang kondisyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. Tinataya namang 80% ng mga kaso ang gumagaling sa loob ng tatlong buwan. Meron din namang mga kaso na tumatagal pa ang karamdaman.
Sa mga malala, o severe, na mga kaso, napaparalisa nang todo ang apektadong bahagi ng mukha at maaaring makakaranas ng mga ganito:
- Nagiging blangko ang apektadong bahagi ng mukha, walang ekspresyon at hindi gumagalaw
- Lumalaki ang puwang sa pagitan ng upper at lower eyelids (palpebral fissure) at nananatiling bukas kahit natutulog
- Kumokonti ang laway at luha, kung ang napitpit na parte ng facial nerve ay mas mataas kaysa sa iba pang facial nerve branches
- Pagkawala ng panlasa at pagtulo ng laway sa isang bahagi ng bibig
- Pagiging sensitibo sa tunog sa apektadong bahagi ng mukha
Diagnosis
Nang makaramdam si Angelu ng pagngiwi sa kanyang mukha, hindi niya alam kung anong doktor ang pupuntahan niya. Naisip niyang magpatingin sa dermatologist dahil apektado ang kanyang mukha, pero nalaman niyang sa neurologist pala dapat komunsulta. Sumailalim siya sa magnetic resonance imaging (MRI), at doon nalaman na hindi siya nakaranas ng stroke, bagkus Bell's palsy pala.
Isa pang pagkakaiba:
- Kapag na-stroke, may panghihina sa muscle sa mukha pero gumagalaw pa rin ang noo at mata
- Kapag tinamaan ng Bell's palsy, hindi gumagalaw ang noo at mga parte ng mata
Pagkatapos masuri ng doktor, maaaring sumailalim sa electromyography. Isa itong test na sumusukat ng electrical conductivity sa nerve. Makakatulong ito na matukoy ang diagnosis na Bell's palsy nga ang kondisyon at para masukat ang lawak ng pinsala sa nerve.
Treatment
Ikinuwento ni Bernadette sa column niya noon sa Philippine Star, na sinabihan siya ng kanyang rehab doctor na ang Bell's palsy ay self-limiting at gumagaling nang kusa. Pero napakahalaga ng unang tatlong araw para sa recovery.
Sumailalim siya sa physical therapy ilang beses kada linggo at uminom ng niresetang steroids. Sinubukan niya rin ang acupuncture dahil naniniwala siya sa Eastern medical practices.
Ginawa rin ni Angelu ang acupuncture therapy, bukod pa sa physical therapy at mga ininom na nireseta sa kanyang gamot. May katagal daw ang pagbuti ng kanyang kalagayan, kaya dumaan siya sa depression. Sa huli, ipinasa-Diyos niya ang lahat hanggang tuluyan siyang gumaling (basahin dito).
Ayon sa mga ekserto, may mga pasyenteng gumagagaling mula sa Bell's palsy kahit walang gamutan, o treatment. Mahalaga lang na imasahe ang mukha nang makagalaw pa rin ang mga muscle at maiwasan na mawala ang lakas ng muscle habang nagpapagaling ang nerve.
Mga dapat tandaan sa treatment ng Bell's palsy:
1. Mas mataas ang tyansa na gumaling ang pasyente sa tulong ng oral corticosteroid na gamot, tulad ng prednisone, kaysa sa pamamagitan ng operasyon para paluwagin ang facial canal. Kailangan lang mabigyan ng gamot ang pasyente sa loob ng unang 72 oras nang magsimula ang facial paralysis.
2. Habang nasa recovery, iwasan ang exercise nang hindi matagtag ang muscles sa mukha.
3. Kung hindi maisara ang mga mata, mainam ang eye drops na walang sangkap na preservatives na ipatak sa mga mata. Makakatulong rin ang pagsusuot ng salamin sa mata, o di kaya goggles.
Para mas malalang kaso, maaaring irekomenda ng doktor ang partikular na operasyon at pagsailalim sa specialist facial therapy. Makakatulong din ang support group para sa mga pasyente ng Bell's palsy na may katagalan ang treatment para lumakas ang kanilang loob na labanan ang sakit.