Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Milia ang medical term para sa maliliit na cysts na puno ng keratin. Milium naman ang tawag sa isang cyst o butlig sa mukha. Ang keratin ay isang protina sa outermost skin layer na stratum corneum. Tumutulong ito sa pagbuo sa ating buhok, kuko, at balat.
Karaniwang tumutubo ang milia sa maliliit na hair follicles o sa sweat ducts sa ating balat, pero hindi sa pores, anoman ang edad ng isang tao. Maging ang mga sanggol ay hindi ligtas sa maliliit at puting bumps na ito (basahin dito), na kilala rin bilang Eipstein pearls.
Makikita rin ang mga butlig o milia sa pisngi, sa paligid ng ilong, at sa paligid ng mga mata at eyelids. Tumutubo rin ang mga ito sa bisig, kamay, at iba pang bahagi ng katawan ng mas nakatatandang mga pasyente na mayroong problema sa balat na dulot ng sun damage.
Madalas ma-encounter ang butlig sa mukha bilang primary o secondary patient concern sa mga pediatric at adult clinics at sa general o surgical dermatology practice, ayon sa Journal of the American Academy of Dermalogy. Dagdag pa ng mga eksperto na kulang ang research tungkol sa milia, ngunit may natukoy ng dalawang pangunahing uri nito.
Mga uri ng butlig
Sa ilalim ng bawat uri ng butlig o milia, may iba-ibang klase pa ang mga ito.
Primary milia
- Congenital
- Milia en plaque
- Nodular grouped milia
- Multiple eruptive milia
- Nevus depigmentosus with milia
- Genodermatosis-associated
Secondary milia
Nangyayari ito kapag naghilom ang balat mula sa injury o pinsala (trauma-associated). Isang halimbawa ang blistering rash, tulad ng poison ivy rash, o kapag napaso, o dumaan sa skin burns, skin grafting, dermabrasion, o radiotherapy.
Puwede itong may kaugnayan sa isa pang sakit, o disease-associated (blistering skin diseases), tulad ng porphyria cutanea tarda o epidermolysis bullosa. (Basahin dito ang mga sakit sa balat.)
Puwede rin namang may kaugnayan sa iniinom na gamot, o medication-associated, tulad ng chronic topical steroid use, pati na ang atrophy at nonsteroidal anti-inflammatory drug use.
Mayroon ding mga pagkakataon na nagkakaroon ng multiple eruptive milia at tumatagal ito sa loob ng ilang linggo hanggang ilang buwan, ayon sa Cleveland Clinic tungkol sa iba pang uri ng milia.
Mga sintomas
Kapansin-pansin ang pagkapareho ng mga butlig sa mga tigyawat o acne, ngunit mayroon ding mga pagkakaiba.
Ang milia ay:
- Maliliit na butlig sa mukha
- Kulay puti o dilaw na butlig
- Wala pa sa 3 mm ang diameter
- May smooth dome na hugis
- May pagkabughaw ang kulay kapag darkly pigmented ang balat
- Walang inflammation o pamumula at pamamaga
Naiiba ang milia sa acne dahil hindi ito tumutubo sa pore. Dagdag pa rito, ang acne ay nabubuo kapag ang pore ay nababara ng excess oil at dead skin cells hanggang nagkakaroon ng bakterya. Ang milia naman ay keratin na na-trap sa ilalim ng surface ng ating balat at nagdudulot ng mga butlig na mukhang whiteheads.
Mga sanhi
Kapag hindi nagagawang mag-exfoliate nang kusa ng ating balat, nagkakaroon ng build-up ng keratin sa ilalim nito dulot ng dead skin cells. Ang dead skin cells ay binubuo ng keratin, na natatagpuan din sa ating mga kuko at buhok.
Isa pang sanhi ng butlig sa mukha, o milia, ang ilang taon na sun damage. Idagdag pa ang uri ng eye cream at iba pang ginagamit na mga produkto sa skin care routine. Pinaniniwalang may papel din ang genetics sa pagkakaroon ng milia, ayon sa mga eksperto.
Mga lunas
Ang milia ay benign, o walang koneksyon sa caner, at hindi nakamamatay. Kusa itong natatanggal at hindi naman nangangailangan ng agarang medikal na atensyon. Para sa mga sanggol, walang treatment na kailangan dahil kusa lamang na nawawala ang mga butlig sa kanilang mukha.
Maaari pa ring makatulong ang sumusunod:
- Hugasan ang kanilang mukha araw-araw gamit ang maligamgam na tubig.
- Iwasang kuskusin ang kanilang balat. Sapat na ang pagdampi ng malambot na tuwalya upang patuyin ito.
- Huwag gumamit ng mga pang-adult na lotions o exfoliators para sa balat ng iyong newborn. Kailangang mild baby soap ang gamitin.
Tandaan na kusa ring natatanggal ang mga butlig sa mukha kapag may edad na. Gayunpaman, maaari namang gawin ang sumusunod na home remedies:
- Regular na cleansing at exfoliation
Sikapin lamang na gentle ang exfoliation upang hindi naman maging dry o irritated ang balat. Sapat na ang dalawa hanggang tatlong beses na pag-exfoliate kada linggo.
Malaking tulong din ang mga produktong may glycolic acid at retinol. Mainam din ang pag-apply ng moisturizer matapos maglagay ng ganitong mga produkto sa mukha. Gumamit ng prescription retinol creams kung marami ang milia o butlig sa mukha.
- Steam
- Iwasan muna ang magpaaraw
- Iwasang paulit-ulit na hawakan ang iyong mukha.
Mayroon ding available na treatment para sa milia sa tulong ng dermatologists. Isa sa simpleng surgical interventions ang evacuation. Gumagamit ng sterile needle o scalpel blade upang magkaron ng maliit na opening sa cyst. Kasunod ang tangential pressure sa paggamit ng comedone extractor or curette. Maaari itong iwan nang ilang araw upang kusang mag-decompress.
Huwag na huwag pipisilin o puputukin ang milia. Maaari itong makapinsala sa iyong balat at makapag-iwan pa ng peklat. Iwasang gawin ang manual extraction nang walang dermatologist dahil maaari itong mauwi sa excess skin trauma at hyperpigmentation (dark marks) at permanent scarring.
Ang iba pang treatment options kapag marami ang butlig sa mukha ay ang sumusunod:
- Labis na lamig o extreme cold (cryotherapy)
- Labis na init
- Laser surgery
- Chemical peels
- Dermabrasion
- Topical o oral medication
Mainam ang pagkonsulta sa doktor tungkol sa mga produktong epektibo at safe gamitin.
Sino ang at risk o prone sa milia?
Ang balat ng bagong silang na mga sanggol ay nagsisimula pa lamang matuto sa pag-exfoliate ng dead skin cells. Ito ang dahilan kung bakit karaniwan ang milia sa newborn. Kusa rin itong nawawala matapos ang ilang linggo o buwan.
Ang mga bata, pati na adults, na prone sa milia ay ang sumusunod:
- Kapag kulang sa proper hygiene at skincare
- Kapag gumagamit ng oil-based makeup o skin care products na nagka-clog sa pores
- Kapag madalas na hindi sapat ang tulog
- Kapag may mga may skin condition, tulad ng balakubak (dandruff) o rosacea
- Kapag gumagamit ng steroid medications
Paano maiiwasan ang butlig?
May ilang paraan na rekomendado ng mga eksperto na puwedeng gawin para makaiwas sa milia:
1. Panatilihing malinis ang mukha.
2. Gumamit ng sunscreen (kahit SPF 30).
3. Iwasan ang oil-based products para sa iyong balat.
4. Sikaping sapat ang tulog gabi-gabi.
5. Magsimula ng skin care routine na may retinol treatment.
6. Komunsulta sa doktor upang makakuha ng wastong payo.
Ang skin products na maaaring hindi hiyang o mabigat para sa ating skin type ay dapat ding iwasan nang hindi magkaroon ng butlig sa mukha at iba pang parte ng katawan. Tandaan na mas mahirap kasing tanggalin ang secondary milia kaysa sa primary milia.
Basahin dito ang mga dapat gawin kapag may mga butlig sa mukha ang iyong baby.