Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong Mayo 16, 2021. Nadagdagan ito ng updates noong Oktubre 31, 2024.
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Inaasahan ang makinis na balat ng sanggol, kaya hindi maiiwasan ng magulang na mabahala kapag may nagsulputang mga butlig sa mukha ng kanyang anak. Ano nga ba ang mga ito at paano sila magagamot?
Milia ang medical term para sa mga butlig sa mukha
Tinatawag na milia ang mga tila puting tuldok na kadalasang tumutubo sa bandang ilong, baba, at pisngi. Mga sanggol ang karaniwang nagkakaroon ng milia, partikular ang neonatal milia, pero puwede ring makaapekto sa kahit anong edad.
Hindi mapipigilan ang pagtubo ng milia, ayon sa Mayo Clinic. Sumusulpot din daw ang mga ito sa ibang bahagi ng katawan, tulad ng dibdib at likuran. Minsan pa nga raw pati sa gilagid (gums) at ngalangala (roof of the mouth) ni baby ay nagkakaroon ng butlig. Pero Epstein pearls na ang medical term para sa ang mga ito.
Mga salik na nagdudulot ng milia at baby acne
Mula sa milia, posible raw mabuo naman ang tigyawat sa sanggol (baby acne). Mapupula naman ang mga ito na kilala bilang bumps at pustules na tumutubo sa mga pisngi, baba, at noo. Maaari rin daw magkaroon ng ganyang sakit sa balat si baby kahit wala siyang milia.
Nabubuo ang milia, ayon naman sa Cleveland Clinic, kapag ang dead skin cells ay nakulong sa ilalim ng balat (skin's surface) at naging maliliit pero matitigas na butlig. Madaling tubuan ng butlig ang mga sanggol dahil nagsisimula pa lang matuto ang kanilang balat na kusang matanggal ang dead skin cells. Tinatawag ang ganitong proseso bilang exfoliation.
Anong dapat gawin kung may butlig sa mukha?
Nagkakasundo ang mga eksperto sa pagsasabing hindi maiiwasan ang pagtubo ng milia at wala ring garantisadong gamot para dito. Kaya mainam daw na huwag na lang pansinin at iwasan na galawin hanggang kusa silang mawala sa loob ng ilang linggo o buwan.
Pero kung pagkaraan ng tatlong buwan at hindi pa rin nawawala ang butlig sa mukha ni baby, payo ng mga eksperto na komunsulta na sa doktor. Baka hindi na lang ito simpleng problema sa balat bagkus may mas malalim na dahilan.
Para pababain ang tyansa na tubuan si baby ng milia, may tips si Dr. Melissa Piliang ng Cleveland Clinic para sa mga magulang:
Panatiliing malinis ang mukha ni baby
Gamit ang maligamgam na tubig, linisan ang mukha ng anak araw-araw. Gumamit rin ng baby soap kung oily ang kanyang balat, lalo na sa bandang ilong.
Ingatan ang balat ni baby
Kapag patutuyuin na ang anak galing sa paglilinis ng mukha at katawan, banayad na dampian lang ang kanyang balat gamit ang tuwalya at huwag kuskusin.
Iwasan ang chemicals para sa balat ni baby
Huwag magpahid ng lotion kay baby na may halong salicylic acid o iba pang exfoliating agents na ginawa lamang para sa adults. Hindi pa kakayanin ng delicate skin ni baby ang ganyang chemicals kahit pa sa butlig sa mukha.
Iba't Ibang Uri ng Butlig at Kanilang Sanhi
Bukod sa neonatal milia na umaatake sa mga sanggol, sabi ng mga eksperto, may ilan pang mga uri ng butlig na apektado ang kids at adults.
Juvenile milia
Masasabing namamana o inherited ang ganitong klase ng butlig. Minsan pagkapanganak pa lang ay tumutubo na ito at saka sumusulpot muli pagkaraan ng ilang taon.
Primary milia
Ang mga butlig na tumutubo sa talukap ng mata (eyelid), noo, pisngi, at maging sa genitals ng bata o matanda ay kadalasang primary milia. Walang kinalaman dito ang pagbababad sa araw at kusang nawawala na lang sa loob ng ilang buwan.
Secondary milia
Kadalasang nag-uugat ang secondary o traumatic milia mula sa pinsalang natamo ng balat galing sa sunog, paltos, rashes, at matinding sikat ng araw. Kapag naghihilom na ang balat at saka sumusulpot ang mga butlig. Isa pang dahilan ang paggamit ng heavy skin cream o ointment.
Milia en plaque
Madalas na mga kababaihan na may edad 40 pataas ang apektado ng milia en plaque, na isang hindi pagkaraniwang kondisyon. Grupo-grupo ang pagsulpot ng butlig sa likod ng mga tainga o di kaya sa mga talukap ng mata at bandang pisngi at panga.
Multiple eruptive milia
Isa pang pambihirang uri ng butlig ang multiple eruptive milia. Grupo-grupo rin sila kung magsulputan sa mukha, braso, at tiyan. Makati pa sila kung minsan at tumatagal ng ilang linggo o buwan.
Sabi ng mga eksperto, kusang gumagaling ang milia. Pero puwedeng gumamit ang adults ng over-the-counter treatment para mapabilis ang exfoliation at matanggal ang dead skin cells, lalo na kung nako-conscious sa butlig sa mukha.
Mga Natural na Pamamaraan para sa Milia at Butlig ni Baby
Habang walang tiyak na gamot para sa milia sa mga baby, maaaring subukan ang mga natural na pamamaraan na ito:
Hugasan gamit ang maligamgam na tubig: Hugasan ang balat ni baby ng maligamgam na tubig at sabon na para sa baby araw-araw upang mapanatili itong malinis.
- Tuyuin ng maayos: Dahan-dahang tuyuin ang balat ni baby sa pamamagitan ng malinis na tuwalya. Huwag ito kuskusin.
- Moisturize: Lagyan ng moisturizer na walang pabango o oil ang balat ni baby upang maiwasang matuyo ito.
- Iwasang mapisil: Huwag pipisilin o tirisin ang milia, maaari itong magsugat, magkaroon ng peklat, o ma-impeksyon.
- Hindi kinakailangan ang anumang gamot upang mawala ang milia, ngunit maaari itong tumagal ng ilang linggo. Kung tumagal na ng ilang buwan ang milia, kumonsulta na sa pediatrician.
Kailan Dapat Kumonsulta Sa Doktor Tungkol sa Milia
Nararapat na kumonsulta sa doktor kung ang milia ni baby ay:
- Hindi nawala matapos ang ilang linggo.
- Lalong lumala ang milia.
- May pamumula o pamamaga sa milia.
- Ang palibot sa milia ay nagkaroon ng nana o magaspang na itsura.
- Hindi nawala ang milia sa loob ng tatlong buwan.
Mga Frequently Asked Questions (FAQs) Ukols sa Milia sa Baby
Nakakahawa ba ang milia?
Hindi nakakahawa ang milia.
Ano ang sanhi ng Epstein pearls sa gilagid ng sanggol?
Ang Epstein pearls ay dulot ng labis na keratin sa bibig ng sanggol habang nasa fetal development. Ito kadalasang mga puti o dilaw na butlig sa loob ng bibig o gums.
Paano malalaman kung ang butlig ay senyales ng ibang kondisyon?
Ang butlig o milia ni baby ay maaaring maging senyales ng ibang kondisyon kung may kasama itong ibang sintomas, tulad ng:
- Lagnat, panghihina, kawalan ng gana dumede o kumain, ubo
- May paltos o nana sa loob ng rash o milia
- Kakaibang kulay ng balat ni baby, kasama na ang pamumutla o kulay gray o asul ng kanyang labi
- Mabilis na paghinga
- Pamamaga sa labi, bibig, o dila ni baby
- Ang butlig ni baby ay mukhang pasa o sugat sa ilalim ng balat na hindi nawawala
- Kung si baby ay mas bata sa tatlong buwan at may butlig, rash, paltos, o kakaibang kula sa balat
- Ang rash o butlig ay hindi gumagaling o nawawala sa loob ng ilang araw
- Pangangati
Ano ang mga dapat iwasang produkto para sa balat ng bata?
Maaaring umiwas sa mga produktong para sa balat ni baby na nagtataglay ng mga sumusunod na sangkap:
- Parabens: Kadalasang nakikita sa sabon at shampoo na maaaring maka-irita sa balat ni baby.
- Talc: Isang allergen na kadalasang nakikita sa pulbos na maaaring maka-irita sa baga ni baby kung malanghap niya ito.
- Phtalates: Isang kemikal na nasa personal care product para mas maging epektibo o maging mabango.
- Sulfates: Maaaring maka-irita sa balat ni baby sa pamamagitan ng pag-aalis ng natural oils nito, na maging sanhi ng pagbabalat at pagkatuyo ng balat.
- Dyes at pabango: Maaaring maka-iritang balat at paghinga ni baby.
Basahin dito ang butlig sa mukha sa mga bata at adults.