;
embed embed2
  • Imbes Na Ice Cream, 5 Paraan Para Sa Pagdugo Ng Bagong Bunot, Ayon Sa Dentista

    Pinupunan ang puwang sa buto na iniwan ng tooth root sa pamamagitan ng blood clot.
    by Jocelyn Valle .
Imbes Na Ice Cream, 5 Paraan Para Sa Pagdugo Ng Bagong Bunot, Ayon Sa Dentista
PHOTO BY Shutterstock
  • May gamot sa pagdurugo ng bagong bunot na ngipin para tuluyang gumaling ito at matapos ang dental problem. Kailangan mo lang ng kaunti pang pasensya at ibayong pagi-ingat.

    “Extraction” ang tawag sa proseso ng pagbubunot ng ngipin. Ginagawa ito ng dentista, ayon sa American Dental Association (ADA), kung nabubulok na ang ngipin (tooth decay) ng pasyente o di kaya masyadong magkakadikit ang mga ngipin (crowding). Puwede ring dahilan ang disease at trauma.

    May dagdag paliwanag si Dr. Evangeline de Guzman-Calimlim, na may dental clinic sa Marikina City. Aniya, “Kung masakit ang ngipin, maaari namang pumunta kaagad sa dentista kapag ang iniindang sakit ay hindi na makayanan ng pasyente.”

    Dugtong niya, “Bagama’t may mga paraan pa upang isalba ang ngipin, kinakailangang bunutin ito kung pabalik-balik na ang infection, pamamaga, at kirot.”

    Anong nagaganap sa extraction?

    Bago ka bunutan ng ngipin, sabi ng ADA, bibigyan ka muna ng dentista ng anesthesia gamit ang anesthetic drug. Dahil diyan, mamamanhid ang iyong bibig para mabawasan ang mararamdaman mong sakit habang binubunutan ng ngipin.

    Magtatagal ang pamamanhid ng ilang oras kahit tapos na ang extraction. Habang may pamamanhid sa bibig, paalala ng mga eksperto na iwasan ang pagkagat sa dila, labi, o loob ng pisngi. Mainam din daw na huwag na munang ngumuya ng pagkain hanggang hindi pa nawawala ang pamamanhid.

    Sakaling may katagalan ang bisa ng anesthesia, makakatulong kung tawagan ang iyong dentista para makasiguro sa nararamdaman.

    Kadalasang normal ang kaunting pagdudugo mula sa nabunot na ngipin, sabi pa ng mga eksperto. Ang bibig daw kasi ay pinupunan ang puwang sa buto na iniwan ng ugat ng tinanggal na ngipin (tooth root) sa pamamagitan ng blood clot. Dapat lang sundin ang instructions ng dentista para matugunan ito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mga dapat gawin pagkatapos bunutan ng ngipin

    Rekomendado ni Dr. Calimlim ang limang (5) paraan bilang gamot sa pagdurugo ng bagong bunot na ngipin:

    • Hindi maaaring magmumog nang madalas upang hindi magdugo nang magdugo.
    • Kung malakas pa ang pagdurugo, kailangang nakakagat lang sa bulak ang bibig upang mapigilan ang pagdurugo.
    • Bawal magbuhat ng mabibigat na gamit at strenuous exercise, o ano mang activity na nakakapagod.
    • Para sa taong likas na malakas ang pagdugo, nireresetahan siya ng anti-hemorrhagic medicine.
    • Magpahinga nang husto.

    May epekto ba ang ice cream at yelo?

    May paniniwala ang karamihan na makakatulong ang pagkain ng yelo, ice cream, at iba pang malalamig na bagay para sa bagong bunot.

    Ang sagot ni Dr. Calimlim: “Makakatulong nang bahagya, pero hindi namin pinahihintulutan sapagkat ang pinakaimportante sa mga mga bagong bunot ay ang pagkagat ng bulak (pressure pack) para maiwasan ang pagdurugo.”

    Diin pa niya, “Iniiwasan natin na matanggal ang blood clot dahil iyan ang magpapahilom sa pinagbunutan.”

    Tips para hindi matakot ang bata sa dentista

    Kung bata ang pasyente, pinapayuhan ni Dr. Calimlim ang magulang na tulungan ang anak na maging maganda ang karanasan sa pagbisita sa dentista.

    Unang-una, kinakailangang maturuan ng magulang ang anak na hindi dapat katakutan ang dentista. Kaya huwag daw gawing panakot ang dentista sa mga pagkakataong pasaway ang bata.

    Bago pumunta sa dental clinic, makakatulong kung kausaping mabuti ng magulang ang anak. Pero iwasan daw sabihin kaagad ang mga procedure na kadalasang ginagawa ng dentista, gaya ng injection at extraction.

    Sa panig naman ng dentista, pinapaupo lang muna ang batang pasyente sa dental chair na “parang pinapakilala ang mga kagamitang hindi dapat katakutan.” Kung cooperative ang bata, ang unang treatment na binibigay muna ay paglilinis ng ngipin. 

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Sa ganyang paraan, hindi na pahirapan dalhin ang bata sa susunod na pagbisita sa dentista. Makakampante siya kahit sumailalim sa tooth extraction at kailangan ng gamot sa pagdurugo ng bagong bunot na ngipin.

    (Para sa health protocols ngayong COVID-19 pandemic, basahin dito.)

    What other parents are reading


  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles