Ang article na ito ay nadagdagan ng updates noong December 29, 2023.
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag sumakit ang ngipin ng bata, damay ang buong bahay. Hindi kasi niya mapipigilan ang pagdaing sa buong araw at magdamag. Kaya kailangan ng gamot sa sakit ng ngipin pambata para guminhawa ang kanyang pakiramdam habang hindi pa kaagad makapunta sa dentista.
Dapat gawin kung sumasakit ang ngipin ng bata
May ilang dahilan kung bakit nakakaramdam ng sakit ang bata sa kanyang bibig, ayon sa mga eksperto ng American Academy of Pediatrics (AAP). Narito ang ilan sa mga rason:
- Tinutubuan ng ngipin ang bata
- May sira o bulok na ngipin ang bata
- May sugat (sores) sa bibig ang bata
- Sumasakit din ang tenga ng bata dahil sa earache
- May sinus infections ang bata
Para malaman ang posibleng dahilan ng pag-aray ng anak, payo ng mga eksperto na subukan ang ilang first aid options:
- Pamumugin ang bata ng maligamgam na tubig (warm water).
- Magsuot ng medical gloves at suruin ang loob ng bibig ng bata.
- Kung may nakasiksik na pagkain sa puwang ng ngipin ng bata, subukang tanggalin ito gamit ang dental floss.
- Tignan kung may pamamaga o umbok sa paligid ng ngipin.
- Tignan kung may butas na ngipin o di kaya maluwag na ito.
Ang butas sa ngipin ang kadalasang sanhi ng toothache o pulpitis, ayon sa mga eksperto ng University of Rochester Medical Center (URMC). Tinatawag ang pinsalang ito sa ngipin na cavity. Sanhi ang cavity ng kakulangan sa pangangalaga ng ngipin (poor dental hygiene).
Kaya mahalaga na maturuan mo ang anak ng tamang pagsisipilyo para siguradong natatanggal ang pagkain sa kanyang bibig at ngipin. Ang sugar at starch na mula sa pagkain ang nage-enganyo sa bacteria na tumira sa bibig at sirain ang ngipin.
Gamot sa sakit ng ngipin pambata
Kung maluwag o umuuga na ang ngipin ng bata, bilin ng dentista na si Dr. Evangeline Calimlim na huwag subukang hilahin ito. Kahit pa raw malapit na itong matanggal dahil sobrang bulok o mahina na. Maaari raw kasing maghatid ang ganitong gawain ng impeksyon sa ngipin at baka ma-trauma pa ang bata sa sakit.
May mga suhestiyon si Dr. Calimlim na home remedies para maibsan ang pananakit ng ngipin:
- Bigyan ang bata ng temporary pain reliever, gaya ng Tempra
- Ipamumog ang maligamgam na tubig na may halong asin.
- Magdikdik ng bawang at ipasak sa sumasakit na ngipin upang magsilbing pain reliever.
- Puwede ring gumamit ng bulak na pinatakan ng pabango at iyon ang ipasak sa sumasakit na ngipin.
- Kapag namamaga ang panga at pisngi ng bata, gawan ng cold compress. Ibalot lang ang ilang piraso ng yelo sa bimpo at idikit ito sa parte ng mukha kung saan sumasakit ang ngipin.
Bilin din ni Dr. Calimlim na ipatingin ang anak sa dentista nang matukoy ang problema at mabigyan ito ng solusyon.
Pagbisita sa dentista sa panahon ng COVID-19
Ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, may ilang health at safety protocols ang sinusunod tulad ng klinika ni Dr. Calimlim sa Marikina City. Unang-una, tumawag muna sa clinic upang makakuha ng appointment para sa anak. Iniiwasan na ang walk-in upang malimitahan ang tao sa klinika at masunod ang social distancing.
Kapag nabigyan ng appointment, dumating sa takdang araw at oras kasama ang anak. Magsuot kayo ng face mask at personal protective equipment (PPE). Kung walang sariling PPE, maaaring makakuha sa clinic na may minimum charge.
Bago pumasok sa clinic, dadaan muna kayo sa thermal scanning at saka body misting sa pamamagitan ng pagtayo sa tapat ng humidifier disinfectant machine. Pagkatapos, magpapahid ng alcohol o sanitizer sa mga kamay bago tuluyang pumasok sa clinic.
Sa loob ng clinic, ang dentista at mga tauhan dito ay sumusunod din sa mga protocol. Matapos ang checkup o ano mang dental treatment, maingat na hubarin at ilagay ang PPE sa disposal bin. Magpa-spray ng disinfectant solution bago tuluyang lumabas ng clinic.
Kung ayaw pa munang lumabas ng bahay bilang pag-iingat sa coronavirus, lalo na’t bata ang pasyente, bigyan na lang muna ng paunang gamot sa sakit ng ngipin pambata hanggang maging handa na pumunta sa clinic.
Frequently asked questions ukol sa sakit sa ngipin ng bata
Narito ang kadalasang tanong ng mga magulang ukol sa pananakit ng ipin sa bata.
1. Maaari bang magdulot ng pananakit o pain kapag teething ang bata?
Maaari itong maging dahilan ng pananakit, ngunit hindi ito dapat maging sanhi ng pagkakaroon ng iba pang sintomas tulad ng pagsusuka, pagtatae, ubo o sipon. Ito ay hindi normal na sintomas ng teething. Mahalagang kumonsulta sa inyong pediatrician kung sakaling may ganitong sintomas lalo na kung may nakikitang nana o pamamaga sa mukha ang bata.
2. Mayroon bang partikular na pagkain na makakadagdag sa sakit ng ipin ng bata?
Kung masakit ang ngipin ng bata, hindi makakatulong ang pagkain ng matitigas na pagkain gaya ng chichirya, crackers, nuts, o ice cubes. Iwasan rin ang pagkain na matatamis gaya ng caramel, tsokolate, at nougat, pati na rin ang mga inuming acidic tulad ng lemon at carbonated drinks.
Mas mainam kumain ng malalambot na pagkain tulad ng tofu, pinakuluang gulay o prutas, mashed potato, at gatas o itlog.
3. Anong edad ba dapat bumisita ng dentista ang bata?
Ayon sa Stanford Medicine, maaari nang dalhin ang bata sa dentista anim na buwan matapos mag-erupt ang unang ipin o hanggang sa unang taon nito. Sa panahong ito, makapagbibigay na ng advice ang dentista ukol sa tamang pangangalaga sa ipin, pagkain, at finger-sucking habits.
Basahin dito ang home remedy sa sakit ng ngipin ng buntis naman.